Chapter 8

9 1 0
                                    


[ KENJIRO ]

"Happy birthday to me," bati ko sa sarili ko pagkagising ko. Huminga ako ng malalim at niyakap si Lily na nasa tabi ko.

Wala pa akong ganang bumangon sa kama ko ngayon, kanina pa rin tumutunog ang cellphone ko na inaasahan kong galing sa mga taong bumabati lang sa akin dahil kaarawan ko ngayon... Pero gusto kong pati si Yesha ay batiin ako.

Pinindot ko ang teddy bear pero hindi ito nagsalita kaya nainis ako at inayos ang battery nito, "Tomorrow will be easier. The next day will be even easier. And so on…" Napangiti ako nang marinig 'yun. Sana nga.

Nang ilang oras na akong nakahiga lang sa kama at walang iniisip na kahit ano, napagdesisyunan ko nang bumangon at magpunta sa lugar na gustong mapuntahan ni Yesha. Hindi ko sya kasama ngayon pero tutuparin ko ang hiling nya sa akin.

Naligo ako at nagsuot lang ng white tshirt at black pants, pati na rin ng black beanie. Nagdala din ako ng bag at nilagyan ng mga gamit na kailangan dalhin pati na rin ng pagkain kung sakaling matagalan ang byahe, nagdala na rin ako ng sapat na pera para sa pamasahe.

Lumabas ako agad ng bahay at siniguradong naka-lock 'yun, nagpunta ako agad sa bus stop para maghintay ng masasakyan. Hindi naman nagtagal at nakasakay din ako, kaunti lang ang tao sa bus na nasakyan ko, tahimik din na bumabagay sa malamig na panahon ngayon. Pinili ko ang umupo sa dulong upuan na bintana ang katabi.

Nakatingin lang ako sa bintana habang pinagmamasdan ang unti unting pagbuhos ng ulan, hindi ito malakas tulad kahapon pero sapat na ito para mas lalong lumamig ngayon. Mabuti nalang nga at hindi ako naabutan kanina ng ulan.

Hindi ako gumalaw sa kinauupuan ko, pakiramdam ko ay tinatamad talaga ako at walang ganang gumawa ng kahit ano ngayon pero tuwing naiisip ko ang hiling ni Yesha sa akin, pinipigilan ko ang sarili ko na tamarin.

Binuksan ko ang bag ko at kumain muna ng biscuit, hindi pa kasi ako kumakain ng almusal at tanghalian, hapon na ngayon.

Habang ngumunguya ng pagkain ay naisip ko kung ano nang kalagayan ni Yesha ngayong kasama nya na ang mga magulang nya. Nagtataka ako kung ayos na ba sila o mas lumala lang ang nangyari dahil sa pakikialam ko? Gusto kong malaman ang totoo pero sa ngayon, kung mangulit ako kay Yesha ay baka mas lalo lang syang magalit sa akin. Hahayaan ko muna silang pamilya.

Nang maubos ko ang pagkain ay saktong tumigil na rin ang ulan, napansin ko na bumalik na ulit ang mga tao sa mga ginagawa nilang trabaho.

Siguro nga parang ulan lang ang problema, dadating 'yan na walang pasabi at kapag nalampasan mo, pwede ka nang magpatuloy ulit.

Nang makarating sa sumunod na bus stop, bumaba na ako ng tahimik at naglakas loob na maglakad nalang para makapunta sa dapat kong puntahan. Hindi rin nagtagal ay nakapunta na ako sa isang subdivision na matagal ko nang hindi napuntahan. Thirteen palang yata ako nang huli kong mapuntahan ito, mabuti nalang ay natatandaan ko pa rin ang papunta dito dahil hindi nagbago ang lugar.

Kumatok ako sa isang simpleng bahay na dalawa ang palapag, may mga bata akong naririnig na mukhang masayang naglalaro sa loob ng bahay. May nagsasaway din na isang babae na may edad na.

Hinintay kong magbukas ang pinto matapos kong kumatok rito, bumungad sa akin ang isang babae na nakangiti sa akin. Ito na nga yata 'to.

"Sino po kayo?" Magalang na tanong nito kahit na halata namang sya ang mas matanda sa akin.

Huminga ako ng malalim at yumuko saglit, pinipilit ang sarili na kumalma at kalimutan ang nakaraan. Gusto kong patawarin sila, ayoko nang makulong nalang sa hindi magandang nakaraan ko habang ang iba ay masaya na.

Pilit akong ngumiti bago sumagot, "Si Kenjiro po."

Kita ko ang gulat sa mukha ng babae, napatakip pa sya ng bibig nang marinig ang sinagot ko. Matagal ko na syang nakita kaya nakalimutan ko na ang pangalan nya, hindi naman kasi sya importante para sa akin.

"Kenny!" Tawag nya sa isang lalaki na may edad na rin, si Papa.

Nakita kong nakikipaglaro si Papa sa mga bata na tumatawa pa, kita ko ang saya sa mga mukha nila. Halatang sobrang saya nilang pamilya, habang ako iniwan ni Papa at hindi man lang nagkaroon ng tsansa na makipaglaro sa kanya.

Tumayo si Papa para lumapit sa babaeng nasa harapan ko, "Bakit? Sino ba 'yan?" Tanong nya at tulad ng reaksyon ng babae kanina, ganoon din ang kay Papa.

"Kenjiro?" Tipid akong tumango at ngumiti habang sya ay natigilan pa rin at parang inoobserbahan ang bawat sulok ng mukha ko para masiguradong ako nga ito, ang anak na inabandona nya.

--

Nakita ko nalang ang sarili ko na nakaupo na at nakikipagusap kay Papa dito sa park kung saan kami madalas mag-picnic ni Mama, may mga nakikita rin akong mga bata na naglalaro kasama ng mga magulang nila.

"Kumusta ka na?" Tumigil ako sa paginom ng kape na tinimpla nya kanina nang marinig ko syang nagtanong.

Pakiramdam ko ay maiiyak ako dahil sa tinanong nya. 'Yun kasi ang tanong na hanggang ngayon ay hinihintay kong sabihin nya sa akin.

Sa totoo lang, gusto kong sumbatan sya. Sa tingin nya ba ayos ako na may bago syang pamilya?

Oo, nagpapadala sya sa akin ng allowance na tinatanggap ko naman kahit na may part-time job ako noong may pasok pa sa school pero syempre, mas gusto ko pa rin 'yung may tatay ako tulad ng iba na makakasama at makakaintindi sa akin, 'yung magbibigay ng advices sa akin at tutulungan ako sa pagaaral.

Nakakalungkot lang na sa ibang anak nya na 'yun nagagawa ngayon.

Nang hindi ako makasagot ay nagsalita na ulit sya, "Ano ba 'tong tinanong ko. Syempre hindi ka ayos, alam kong hindi mo pa rin tanggap na may bago akong pamilya kaya sana mapatawad mo ako sa desisyon na ginawa ko. Hindi kita minamadali pero sana matanggap mo at ituring mo pa rin akong papa mo."

Hindi pa rin ako nakasagot. Nakikita ko sa peripheral vision ko na nakatingin sya sa akin kaya mas naiilang ako. Kaya ko nga ba? Kaya ko na bang patawarin sya?

"Pa, matagal na kitang pinatawad." Lakas loob na sagot ko saka tumingin kay Papa. Hindi man sya nakangiti pero nakikita ko ang saya sa mata nya.

Siguro nga matagal ko na syang pinatawad, ako lang 'tong hindi makaalis sa sarili kong pagiisip. Ako lang 'tong makasarili.

Niyakap ako ni Papa, hindi na ako nakagalaw pa at hinayaan ko lang sya na gawin 'yun ng ilang minuto. Napangiti ako sa pakiramdam na ganito, pakiramdam na matagal ko nang hindi naramdaman.

Ganito pala ang pakiramdam na yakapin ng magulang. Sa sobrang tagal na hindi ko sya pinapansin at kinakausap, nakalimutan ko na ang pakiramdam na magpatawad at yakapin ang mahal ko sa buhay. Sana ganito nalang lagi, masaya at magkayakap kami.

Mayamaya, natigilan kaming dalawa ni Papa nang tumunog ang cellphone ko at bumungad ang isang text. Si Nash.

In Another LifeWhere stories live. Discover now