21

319 24 5
                                    

Dahil nangako ako na hindi ko na susuwayin si Lui, sinunod ko na lamang ang kanyang tugon na huwag akong masyadong malapit kay Acacia. Mukhang napansin naman ni Acacia ang aking pag-iwas kaya hindi niya na rin ako masyadong nilalapitan maliban na lamang kung tungkol sa trabaho ang aming sadya.

Gusto kong malaman kung bakit kailangan ko siyang iwasan ngunit ayaw naman sumagot ni Lui. Sundin ko na lamang daw siya. Hindi ko naman matanong si Acacia dahil sino ba naman ako? Hindi naman kami magkaibigan.

Habang tumatagal, nawawala na lang din sa aking isipan iyong dapat na pag-iwas ko sa kanya. Naging normal na lamang ang aming pagtrato bilang magkatrabaho. Unti-unti na rin akong nasasanay sa aking trabaho.

Tulad ng sinabi ni Lui, one at a time daw upang masanay ako sa buhay nila rito. Ngayon, nagagawa ko ng mag-commute mag-isa. Noong una, nakakatakot dahil hindi ko naman alam ang mga lugar at pasikot-sikot sa lugar na ito ngunit binigyan ako ni Lui nung maliit na cellphone para raw doon ko siya tatawagan o sina Manang Dulce kapag nagkaproblema ako. Literal na tawag lang, walang camera iyon. Delekado raw kasi, baka mahold-up o manakawan ako sa labas kung magpapakita ako ng mga mamahaling gamit.

Umuwi na rin sa kanilang probinsya ang Ina ni Lui. Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni Lui kaya ito umalis at hindi na ako pinaimbistigahan pa. Ani Lui, wala naman daw siyang ginawa. Sadyang hindi lamang ito p'wedeng magtagal sa Maynila dahil may mga kailangan pa itong asikasuhin tungkol sa kanyang trabaho.

"Ano 'yan?" tanong ni Lui nang iabot ko sa kanya ang puting sobre na may lamang pera. Hindi niya ito kinuha dahil nagmamaneho siya at kasalukuyan kaming papunta sa Presello hotel. Nilagay ko na lamang ito sa lalagyan dito sa kotse niya.

"Para sa iyo iyan," nakangiting sabi ko na kinakunot ng kanyang noo ngunit bahagya pa rin siyang natawa.

"Ano ba 'yun?"

"Unang sahod ko. Sabi ni Vico, sinabi mo raw sa kanila na kailangan ay si Vico mismo ang mag-aabot sa'kin ng aking sahod. Dapat daw, cash. Bakit sa kanila, diretso sa ATM?"

Natawa siya at inabot iyong lalagyan upang buksan ito ngunit tinulak ko agad iyon pasara. Hindi siya makaangal sapagkat nagmamaneho siya.

"Bakit binibigay mo sa 'kin? Sweldo mo 'yun, e," aniya kaya umiling ako.

"Marapat lamang na mapunta sa iyo dahil sa dami na ng iyong nagastos sa akin. Tiyak na kulang pa iyan," pagpupumilit ko.

"Tsk! Sa iyo nga 'yan. Hindi naman ako naniningil? Mukha ba akong naniningil?" sabay turo niya sa kanyang mukha kaya tumango ako dahilan para matawa lamang siya, "ang kulit mo naman, Liliana! Kapag 'di mo 'yan kinuha, kukunin ko talaga 'yan. Huwag mo akong pilitin," biro niya ngunit sana, seryusohin niya na lang.

"Wala rin naman akong panggagamitan. Kapag nakauwi ako, hindi ko naman iyan magagamit sa amin sapagkat hindi ganyan ang aming pilak," sabi ko.

Bumuntong-hininga siya at bahagyang tumango, "okay. Libre mo na lang ako ng dinner mamaya. Magcelebrate tayo kasi nakuha mo na ang unang sahod mo dito," pagyaya niya kaya lalo akong nanabik at agad na pumayag.

Ang babaw siguro ng aking kaligayahan? Makita ko lang kasi siya, masaya na ako. Hindi niya na nga masyadong nababanggit sa akin si Lemon. Ibang bagay na ang madalas niyang maik'wento sa'kin. Ibig bang sabihin nun, wala na siyang nararamdaman para sa dalaga?

Gusto kong itanong ngunit paano? Ni hindi niya nga sinabi nang direkta na gusto niya ito.

Nang bumaba ako sa kanyang sasakyan, nakasalubong ko pa si Acacia ngunit mukhang hindi niya ako nakita. Nakatingin kasi siya sa aking katabi; si Lui. Nang tingnan ko naman si Lui, nakatingin din siya kay Acacia.

Back To The Future (COMPLETED)Where stories live. Discover now