Epilogo

830 33 78
                                    

Para sa isang taong mabilis makaalala ng mga bagay na kanyang nakikita, mahirap para sa akin ang makalimot. Lalo na ng mga bagay na sobrang halaga sa akin at mga bagay na sobrang nagpasaya sa akin. At minsan, iyon din ang nagpapahirap sa akin dahil kahit masasakit, aking naaalala.

Nagising akong masakit ang noo at halos buong katawan ko. Ramdam ko ang hapdi ng aking mga sugat at tuhod ngunit mas nangingibabaw ang sakit ng aking puso. Sa halip na sa noo ako mapahawak, napahawak ako sa aking tiyan.

Mga anak ko...

Kusang bumagsak ang aking mga luha kahit nakapikit pa ang aking mga mata. Ayaw kong dumilat. Ayaw kong malamang nakabalik na ako sa panahong aking pinanggalingan kung saan wala si Lui... nawala pa pati aking mga anak. Hindi man lang nila naranasang mabuhay at mahalin namin ni Lui nang lubos. Hindi ito ang aking inaasahan.

Ang sakit... akala ko'y alam ko na kung gaano kasakit ngunit hindi ko akalaing ganito pala.

"Liliana..." si Inang. Mahinahon ngayon ang kanyang boses at batid kong nasa tabi ko lamang siya.

Ayokong dumilat. Hindi! Ayokong tanggapin! Sana panaginip lamang ito. Ngunit naramdaman ko na lang na hinawakan niya ang braso ko kaya napahagulhol na ako habang nakahiga rito sa papag namin. Bakit ganito ang nangyari? Parang ang bilis naman.

"Kahit anong iyak mo riyan, patay na siya. Ipapahamak mo ba ang iyong sarili para sa Kastilang 'yun? Baka nakakalimutan mo, kalahi niya ang pumatay sa iyong Ina!" mahina ang kanyang boses ngunit bakas doon ang galit. Hindi ko alam kung anong pumipigil sa kanya upang sigawan ako. Oo nga pala, si Liwan... si Lemon... nasa maayos na mundo na si Liwan kung saan hindi na niya kailangan pang magtago.

"Aling Basyon," boses iyon ni Señorito Nikolas at tinatawag niya ang aking Inang. Mabuti naman, nakaligtas siya dahil kung hindi tiyak na mapapahamak sina Lui sa hinaharap. "Gising na po ba siya?" tanong niya pa.

"Gising na po siya, Señorito ngunit ayaw niyang dumilat," sagot ng Inang. Kaya siguro hindi niya ako pinagagalitan, nandito ang Señorito. Nahihiya siguro siya gayong nagsisilbi kami sa mga Acosta. "Salamat po sa pagligtas sa kanya. Ako na lamang po ang bahala gayong gising na siya," dagdag nito.

Hindi agad sumagot si Señorito Nikolas, "maaari ko po ba siyang makausap?" tanong nito. Napapaisip ako kung alam ni Señorito Nikolas ang pagpunta niya sa hinaharap kaya unti-unti akong nagmulat at saktong nakita ko siyang nag-aalalang nakatingin sa akin. Hindi iyan ang damit na suot niya nang iligtas niya ako. "Liliana," mahinang sambit niya.

Tumayo si Inang na nakaupo kanina sa silya, "bumangon ka na riyan at nais kang makausap ng Señorito," aniya bago tuluyang lumabas sa silid namin.

Napangiwi ako nang subukan kong bumangon. Mahapdi pa rin ang aking mga sugat at tuhod. Maski aking kanang paa ay masakit din. May nakapulupot ditong tela na may mga dahon sa loob.

"H-hindi mo naman kailangang bumangon agad. Tiyak na nanghihina ka pa," nag-aalalang sabi niya kaya pilit akong ngumiti at nagpunas ng mga luha. Hindi ako makapagsalita dahil namamaos pa ako. Nanunuyo ang aking lalamunan. May nakita akong basong may tubig sa tabi ng papag ko kaya inabot ko iyon ngunit inunahan na ako ni Señorito Nikolas. Siya na ang nag-abot sa akin. "Kamusta? Bakit ka umiiyak? Kagigising mo lamang."

Nilapag ko sa papag ang baso bago siya tiningnan, wala pa ring nagbabago sa kanya, siya pa rin 'yung multong Nikolas na nakasama ko sa hinaharap. Alam niya kaya ang tungkol dun? Hindi ko alam kung paano ko itatanong nang hindi siya magtataka.

"Si Liwan..." mahinang sambit ko.

"Patay na siya..." mahinang sabi niya.

"Nakita ko siya sa hinaharap," dagdag ko na kinakunot ng kanyang noo. Hinintay ko siyang sumagot ngunit umawang lamang ang kanyang bibig. Takang-taka sa aking tinuran. Wala nga siyang alam, "napanaginipan ko siya... mapayapa na siya roon," dagdag ko. Hindi na siya mahahanap doon ng mga Prayle. Ngunit napapaisip pa rin ako kung paano siya napadpad doon na tila ba napakatagal niya na roon dahil kilalang-kilala siya ng mga tao.

Back To The Future (COMPLETED)Where stories live. Discover now