30

346 27 9
                                    

Sa ilang buwan kong pananatili sa panahong ito, araw-araw ko namang nakakasama si Lui. Sanay na sanay na akong nandiyan siya. Ni hindi na nga kami masyadong nagkakailangan maliban na lamang kapag may kakaibang nangyayari.

Minsan, may mga araw na hindi niya ako pinapansin dahil lumalayo siya sa mga tao kapag gusto niyang mapag-isa. Walang sabi-sabi, iiwas na lang siya. Inaayos niya mag-isa ang kanyang problema.

Ngunit ngayon, batid kong ako ang kanyang problema kaya ramdam na ramdam ko na iniiwasan niya talaga ako kahit pa magkatabi lang kami sa upuan.

Buong byahe namin papuntang Bicol, si Trina lang ang kinausap niya. Kinakausap naman ako ni Trina ngunit ako na itong nawawalan ng ganang mag-salita.

Ang tagal ng byahe. Iyak na iyak na ako.

Inabot kami ng gabi sa kalsada. Una niyang hinatid si Trina. Lumabas pa siya upang tulungan si Trina na ilabas iyong mga gamit niyang nasa likod. Nang bumalik siya, agad niyang inubob ang kanyang ulo sa menibela ngunit tiningnan ko lang siya.

Gusto kong magtanong kung anong problema ngunit kilala ko na siya. Hindi siya nagsasabi ng kanyang problema lalo na't ako ang kanyang problema. Iyon ang isa sa mga bagay na ayoko sa kanya.

Kaya nagtataka ako... bakit siya pa itong nagustuhan ko?

Agad akong nag-iwas ng tingin nang iangat niya ang tingin niya sa akin. Huminga ako nang malalim dahil naninikip na naman ang aking dibdib.

Naiiyak na kasi ako, kanina pa.

"Vico's texting me, asking why you're not answering his call," seryosong sabi niya sa akin.

"Nakapatay iyong cellphone ko. Hindi ako nagcharge," sagot ko nang hindi siya tinitingnan. Nakaupo lang naman ako rito ngunit pakiramdam ko'y pagod na ako.

Kinuha niya 'yung cellphone niya at inabot sa akin, "he's worried. Call him," utos niya.

Tiningnan ko lang ang cellphone niya ngunit hindi ko iyon kinuha, "wala akong ganang makipag-usap kahit kanino," mahinang sabi ko.

Walang-hiyang Senyorito Nikolas, nais niya yatang gamitin ko si Vico upang makalimutan si Lui. Hindi ko naman iyon kaya. Hindi ako manggagamit. Isa pa, paano kung mahulog din ang loob ko sa kanya? Hindi ba't paikot-ikot lamang ang aking problema?

"Walang gana o gusto mo ng umiyak?" pang-aasar ni Senyorito Nikolas.

Tumingin ako sa labas ng bintana at huminga nang malalim. Kanina pa siya nang-aasar. Iyak na iyak na talaga ako. Hindi ko lang magawa dahil ayoko namang umiyak sa harapan nila. Magmumukha lamang akong kawawa.

"Liliana," malumanay na sambit ni Lui. Napapikit ako nang mariin. Bakit ba masyado akong madamdamin ngayon?

Nasasaktan lang naman ako dahil kanina niya pa ako binabalewala at batid kong halata iyon ni Trina, hindi niya lang pinupuna.

"Maybe you're just tired," halos pabulong na sabi niya at nagsimula na naman siyang magmaneho.

Ilang minuto na naman ang itinagal namin sa byahe kaya ilang minuto rin akong nagtiis ng iyak ko. Ang bigat na sa pakiramdam.

Nakarating na kami sa kanilang tahanan. Malayo 'yung tarangkahan sa mismong pinto ng kanilang bahay. Sa tapat ng malaking pinto ay may malaki ring bukal o fountain. Kahit gabi na, maliwanag pa rin dito dahil sa dami ng ilaw sa paligid. Marami ring Christmas light.

Mas malaki ang bahay na ito kumpara sa bahay nila sa Maynila. Ang dami ring kasambahay at Guardia.

"Bakit tila napakayaman ng Villalobo?" tanong sa akin ni Senyorito Nikolas habang nagmamasid siya sa paligid namin. Iyon din ang aking tanong.

Back To The Future (COMPLETED)Where stories live. Discover now