What are friends for?

2 0 0
                                    


Sa paglalayag ko sa karagatan ng impormasyon ay pumukaw ng aking atensyon ang isang tanong. Ano nga ba ang silbe ng isang kaibigan sa iyong buhay? Napatanong ako sa sarili ko na ano nga ba? May binigay silang kasagutan ngunit gusto ko lang gawin itong gabay at hanggang maari ay masagot ko ito sa sarili ko.


Sa ating kabataan ay may makikilala tayong mga tao na magiging kaibigan natin, sila ang ating mga kalaro, bukod sa pamilya, mga pinsan ay hindi mawawala ang mga kapitbahay natin o mga taong malapit sa ating bahay kung saan madalas natin silang nakikita at nakakausap kahit tanguan lang. Pero sa iyong kabataan ay kaya mo sila naging kaibigan dahil sila ang iyong mga kalaro. Nagsasaya kayo upang malibang at malipasan ng tumatakbong oras. Dahil sa iyong kabataan hindi mo pa masyadong pinoproblema ang kung anu ang dapat pinoproblema ng mga matatanda. Ngunit hindi lahat ng tao ay mapalad, nand'yan ang mga taong hikahos sa buhay na hindi nakilala ang paglalaro, bagkus ay namulat sila sa buhay upang tulungan ang kanilang pamilya.
(Kalaro)

Ang mga taong ito ay nakakakilala ng mas maraming tao upang kanilang maserbisyuhan o matindahan ng kung anong mayroon sila na pagkakakitaan. Sa musmos nilang diwa ay alam na nila ang hirap ng buhay ngunit may mga tao silang nakikilala at nagiging kaibigan, sila yung mga taong handang tumulong sa mga kagaya nila, mga taong may ginintuang puso na imbis na sila'y kutyain ay sila pa itong tutulong iangat ang mga taong hirap sa buhay, at marami sa mga taong ito ay dumanas rin ng gantong pangyayari sa kanilang buhay kaya naman ay alam nila ang hirap ng mga taong ito. Nakikita nila ang kanilang sarili sa kanila kaya madali silang unawain.
(Katuwang)

Edukasyon ang susi sa lahat upang tayo ay maging isang ganap na tao, kahit ang mga hikahos sa buhay ay pinipilit makapasok sa mga paaralan. Hindi man lahat pinapalad ay may mga tao paring gustong tumulong sa mga taong hindi pinalad sa buhay. At sa ating pag-aaral ay may makikilala tayong mga kaklase na kasabayan nating matuto sa araw-araw. And'yan ang mga madalas mong makasama sa pagkain at pag-uwi kung saan madalas ay mas nagiging interesado tayo sa kanila at mas kinikilala natin sila. Sa tagal ng iyong paglalakbay sa iskwela ay magiging kaibigan mo sila at isa ang mga kaklase sa pinakamatagal mong magiging kaibigan. Minsan pa nga ay ka-ibig-an.
(Kaklase)

Sa pagpasok mo sa paaralan sa araw-araw ay may mga tao kang makakasabay. Madalas sa b'yahe patungo sa iyong paaralan o pauwi sa inyong bahay. Madalas parehas kayo ng tungo kung saan maari mo silang kaiskwela o ang kanilang destinasyon ay hindi nalalayo sa iyong pupuntahan araw-araw. Madalas mo silang makasabay na sa dinami-dami ng pagkakataon ay naintriga ka na at bigla silang kinausap dahil s'ya na naman. Sa iyong pag-uusisa sa kanya ay napalapit s'ya sa iyo at kayo ay naging magkaibigan.
(Kasabay)

At sa iyong paglalakbay sa buhay ay may mga tao kang makikilala na parehas kayo ng hilig at dahil doon ay nakilala mo ang mga taong ito. Sila yung mga tao na hindi mo man ganap na kilala ay masaya sila kasama, dahil nagkakasundo kayo sa ilang hilig at dahil doon ay para bang may kakaibang pwersa na nagpapalapit sa inyo at hindi naman sa hindi ka interesado sa iba n'yang hilig ngunit hindi n'yo batid ang inyong pagkakaiba. Sila din ang mga taong gusto mong makita paminsan-minsan at makasama sa iba mong hilig.
(Kasama)

Hindi sa lahat ng pagkakataon o may mga taong sadyang mapalad ang nakakahanap ng gantong kaibigan, sila yung mga taong naghahanap ng init kahit na tag-init. Sila yung mga taong hindi nababahala sa kung ano mang sabihin ng iba patungkol sa kanila. Sila yung mga taong inuuna ang gusto talaga nila sa buhay kaysa magpaliguy-ligoy pa sila. At hindi lahat ng init ay natatagpuan sa iyong kasintahan. Kaya nga sa dinami-dami ng taong nagpakasal ay may mga tao paring natutukso dahil may mga bagay na mahirap labanan lalo na kung masarap ang ulam.
(Kainitan)

May mga tao rin naman tayong makikilala na sila yung matuturing mong and'yan lagi, hindi dahil may kailangan ka sa kanila ngunit and'yan sila upang samahan tayo sa kung anu mang tinatahak nating landas. Mahirap man o madali ay nand'yan sila sa iyong tabi masasandalan, maiiyakan, masasabihan, at masasabi mong ganap na kilala ka ng mga taong ito. Hindi sila marami pero sila yung solido, sila 'tong puro na walang halong plastikan, kaya kang pagsabihan ng masasakit na salita ngunit hindi ka hahayaang mawala. Minsan may tampuhan pero sa tinagal-tagal ng panahon n'yong magkakilala ay maiisip mo rin ang kanyang halaga ay hindi mabibili ng kahit anu mang pera. 
(Kaakibat)

May mga iba pang dahilan kung bakit kayo naging magkaibigan pero gusto kong panindigan itong mga salitang ito dahil masarap sa mata na pare-parehas silang may K sa unahan, gusto ko pa sana isama ang mga taong naging kaibigan mo dahil mayroon kang natututunan sa kanila, mga taong masarap makita, mga taong handa kang ipaglaban, at mga taong sa tagal n'yo nang magkakilala ay nagkatuluyan.

The K's of Friendship, naks english yown!

P.S. Kung may naisip man kayo na iba pang K o maipipilit natin dagdagan ang listahang ito ay akin itong ikatutuwa.

What's on my mindWhere stories live. Discover now