Prologue

1.3K 41 22
                                    


PARANG gusto ko nang magsisi na kinulit ko pa si Mia na isulat ang version ko ng kuwento namin. Para lang kasi akong kumuha ng batong ipupukpok ko sa ulo ko.

Malay ko bang bago pala makabuo ng isang libro ay mahabang proseso pa ang kailangang pagdaanan. Kumplikado pala. Maraming kailangan. Akala ko magkukuwento lang ako, tapos magta-type siya... hindi pala. Nadagdagan tuloy ang pinagdidiskusyunan namin sa araw-araw.

Kailangan daw pala ng themesong. O ako lang ba ang hindi nakakaalam? Sabagay, kaya nga siguro may soundtrack ang mga pelikula, ano? Pero sabi rin naman ni Mia, hindi naman daw talaga requirement ang themesong. Sa kanya lang daw. Hindi lang daw kasi siya makapagsulat nang walang nakapasak na earphones sa tenga niya.

Fine. Ibigay na lang ang hilig nang matapos. John Mayer ang suggestion ko. Pero sumimangot lang si Mia. Hindi raw puwedeng 'Your Body is a Wonderland' agad. Dapat daw ay mga sweet lang muna kagaya ng mga kanta ni Ed Sheeran. Iyon raw kasi ang magdidikta sa mood ng kuwento.

Kailangan ko pa bang sabihin kung sino ang nasunod? Ang boss siyempre. At hindi ako 'yon. Oo na, para sa kabutihan ng lahat, ngayon pa lang aaminin na ako kung sino ang Boss.

Pangalawa, kung ilang bedscene ang ilalagay sa kuwento. Gusto ko sampu. Of course, she vetoed my decision. Lima lang daw. Pinagtalunan din namin kung gaano kadetalyado ang mga bedscene. Ayaw niya ng detalyado. Lima na nga lang, hindi pa detalyado? Pero wala akong magagawa. Siya ang writer. At oo na, siya ang boss. Para sa katiwasayan ng lahat, aamin na ako.

Sa araw na ito, ang issue ay kung paano niya sisimulan ang kuwento. Sabi ko, ayos na sa akin ang parang biography. Sumimangot lang siya. Boring daw 'pag ganoon.

Sabi pa niya kanina, "You're way too gorgeous to have a boring story, Zeus!"

Siyempre, hindi ganyan ang pagkakasabi niya. Parang ganyan lang. Kung nabasa n'yo na ang version niya ng kuwento namin, alam n'yo nang hindi siya ganyan magsalita. As usual, mas mahaba ang sinabi niya. Lagi siyang maraming sinasabi.

Parang ganito 'ata: "Sa unang paragraph pa lang kasi, dela Merced, huhusgahan na readers ang kuwento. Hindi lahat nadadaanan sa kaguwapuhan at bango. Sana kung kasing exciting ng buhay ni Gregorio del Pilar ang buhay mo. At gusto mo bang sabihin na agad ang edad mo? Ganoon kapag biography, 'di ba? Malamang turn-off na agad ang readers. "

Yep, she calls me 'dela Merced' when she's pissed off. Ang full name ko kasi ay Jesus Sebastian dela Merced. Sa natatandaan ko ay wala akong nickname noon. Jesus kung Jesus ang tawag sa akin ng lahat. Pero sabi ng adviser ko noong grade two, bagay daw sa akin ang "Zeus" at mula nga noon ay 'yon na ang naging palayaw ko.

"Sabihin mo lang kung start ko na." Nagsimula siyang tumipa sa keyboard. "Jesus Sebastian Santelices dela Merced was born in San Clemente on the thirteenth of April, nineteen-"

"Eh, 'di wag ganyan," putol ko sa sasabihin niya.

"See, ayaw mong malaman agad ng readers ang edad mo. Alam mong turn-off sila agad, if ever."

May suggestion daw ang 'magaling' na writer kung paano sisimulan ang kuwento. Mas makikilala raw ako ng mga reader sa naisip niya. Parang game daw. Never Have I Ever. She explained the mechanics. 'I have' or 'I haven't' lang daw ang isasagot ko.

Parang madali lang naman. "Game," sabi ko.

Ngumisi siya. And then she blurted out the first item on the list. "Never have I ever cheated on a girlfriend."

Napamura ako. "Bakit naman 'yan agad?"

"Sumagot ka na lang," tumatawang sabi niya.

Kapag tumatawa kasi siya, gumagaan ang pakiramdam ko. Hindi ko na napigilan ang mapangiti. "Fine. I have."

LOVE, ZEUSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon