SIMULA

129 2 1
                                    

Abala ko sa pagpapakain kay tatay nang biglang makarinig ako ng ingay sa kusina. Nagulat pa ako nang makarinig ako ng nabasag. Mukhang may kailangan na naman akong palitan na gamit.

Bumuntong hininga ako.

"Tang*na! Anong klaseng buhay ba 'to?! Puro na lang hirap ang dinadanas ko! Palibhasa kasi mga malas ang kasama ko!"

Huminga muna ulit ako ng malalim bago binaba ang mangkok ng noodles na niluto ko para kay tatay. Baldado na kasi siya. Hindi na siya nakakalakad at mahina na ang mga kamay niya. Gusto ko sana siyang ipa-gamot o dalhin sa isang therapist kaso wala pa kaming pera.

"Puntahan mo na ang nanay mo. Baka gutom lang." Sabi ni Tatay.

Bumuntong hininga na lamang ako at tumango. Binaba ko na muna sa mesa ang pagkain niya. "Saglit lang po, 'tay." Sabi ko bago tinungo ang kusina, kung saan nagwawala pa rin ang nanay ko.

"Ptek naman! Wala na ba akong maaasahan dito?!" Sigaw niya.

Napasuklay na lamang ako ng buhok nang makita ang kalat na ginawa niya. Napabuntong hininga ulit ako. Sa buong buhay ko, kapag ganitong nagwawala at nagagalit siya tanging buntong hininga na lang talaga ang nagagawa ko. "Nagugutom ho ba kayo?" Tanong ko 'tsaka pinulot ang nag-iisang tuyo na natapon sa maliit naming mesa. Binalik ko 'yon sa pinggan. "Pinagtira ko po kayo ng isang tuyo, 'nay. Kumain na po kayo."

Pinanlakihan niya ako ng mga mata. "Tuyo na naman?! Gusto mo bang tubuan na ako ng kaliskis?! Punyeta!Wala na bang ibang makakain dito?" Singhal niya.

"Hindi pa po kasi ako nakakahanap ng trabaho 'nay kaya pagtyagaan na lang po muna natin 'yan. Iyan lang po kasi ang pinapautang ni Aling belen sa'kin, eh. Mahaba haba na po kasi ang listahan natin sa kaniya." Paliwanag ko.

"Pta naman! Hoy babae! Ang dami mong dahilan! Ang sabihin mo, ayaw mo lang iwan mag-isa 'yang walang silbi at inutil mong Ama!"

Suminghap ako. "Hindi po inutil si Tatay. May sakit ho siya, 'nay—" Hindi ko na natuloy ang sinasabi ko nang lapitan niya ako at malakas na sinampal.

Bumaling sa kaliwa ang ulo ko sa lakas no'n. Ramdam ko ang sakit at hapdi pero...wala pa ring mas sasakit sa buhay na meron kami ngayon.

"Sasagot ka pa talaga! Parati mo na lang pinagtatanggol 'yang tatay mo kaya tuloy hanggang ngayon inutil pa rin! Mas inuuna mo pa siya kesa magbanat ng buto! Mas lalo tuloy tayong naghihirap at minamalas! Mga malas kayo!"

Binalik ko ang tingin sa kaniya. "M-Minamalas po tayo kasi pinagsusugal mo lang po ang pera natin imbes na ibili ng pagkain." Araw araw ay nasa sugalan siya at umuuwi lang kapag gutom. Sa gabi naman ay nag-iinom siya. Mas malaki pa nga ang utang namin sa alak niya kaysa sa pagkain.

"Talagang sumasagot ka na?! Hoy, bruha ka! Pasalamat ka nga at hindi ko pa kayo iniiwan! Ang tagal ko ring nagtiis sa hirap dahil diyan sa inutil mong Ama!" Sigaw niya.

"Hindi ho siya inutil, 'nay."

"Hindi inutil? O anong tawag mo sa kaniya? Napapalamon ba niya tayo? Hindi 'di ba?! Alam mo? Pare-parehas lang kayo, eh. Mga walang kwenta! Mga malas! Pta! Umalis ka na nga sa harapan ko! Wala ka namang silbi tulad ng tatay mo!" Singhal niya.

Pinanuod ko lang siyang padabog na umupo sa mesa, inabot ang pinggan na pinaglagyan ko ng tuyo at nagbukas ng kaldero ng kanin. Ni hindi na nga siya gumamit ng sandok. Basta na lamang niyang kinamay ang kanin. Sana lang hindi 'yon mapanis para umabot pa hanggang mamayang hapunan.

Galit siyang nag-angat ng tingin sa 'kin. "O ano pang ginagawa mo diyan? Pta! 'Di ba sabi ko, umalis ka na?! Tngna naman! Pinapainit mo lalo ulo ko!"

Napakurap ako at napaatras nang itapon niya sa'kin ang walang lamang baso sa tabi niya. Hindi naman masakit. Tumango ako at tumalikod na lang.

Mula nang bata ako ay ganiyan na talaga si Nanay. Kapag walang pera si Tatay at wala siyang pang-sugal at pang-inom ay saamin niya binabaling lahat ng galit niya. Bata pa lang nakasanayan ko na ang mga pananakit niya pero kahit sanay na ako, masakit pa rin.

Sinasaktan at pinapabayaan niya lang kami imbes na mahalin at alagaan. Kahit kailan hindi ko naramdamang naging mabuting ina siya at asawa. Nakagat ko ang ibabang labi para gisingin ang sarili ko. Hindi ito ang oras para isipin ko lahat ng problema ko kay Mama, may mga higit na bagay akong dapat pagtuunan ng pansin.

Paglabas ko nang kusina ay nilingon ko kaagad si tatay na nakatingin na sa'kin. Mukhang inaantay niya ang paglabas ko. Namumula ang mga mata niya at may namumuong luha roon. Ngumiti ako para hindi siya mag-alala pero nag-iwas lamang siya ng tingin. Siguradong narinig na naman niya ang mga sinabi ni Nanay.

Bumuntong hininga na lamang ako at lumapit sa kaniya. "Huwag mo na lang pong pansinin si Nanay. Mainit lang ang ulo niya." Sabi ko nang umupo ako sa harap niya. "Huwag mo na rin pong isipin ang mga narinig mo...."

"T-Totoo naman, Anak. Walang kwenta ang tatay mo. W-Walang silbi..."

"Tay hindi po..." Nag-init ang mga mata ko. Naninikip ang dibdib ko kapag nakikita siyang naaapektuhan sa mga sinasabi ni Nanay. Hindi naman kasi 'yon totoo. Bago siya maging baldado ay napakabuti niyang Ama at Asawa. Masikap siya, mabait at maintindihin. Sa kanilang dalawa nga ni Nanay, mas naramdaman ko ang pagmamahal niya sa 'min ni Joey, ang bunsong kapatid ko.

"Masyado na a-akong nagiging pabigat sa'yo, 'nak. P-Pag-pasensiyahan mo na a-ang tatay, h-ha?" Hikbi niya.

Umiling ako at pinunasan ang mga luha niya. "Hindi po kayo p-pabigat..." Niyakap ko siya. "Makakaahon rin po tayo. Gagawin ko ang lahat 'tay para gumaan ulit ang buhay natin." Pangako. "Mag-iipon rin po ako para m-mapagamot ka.."

"Ysa, hindi." Umiling siya. "Mag-ipon ka p-para makabalik ka sa pag-aaral. H-Huwag mo nang intindihin ang t-tatay."

Hindi na ako nag-salita. Ngumiti lang ako at niyakap siya. Makakaahon rin kami sa kahirapang ito. Gagaling rin si tatay at baka...pwede pang magbago si Nanay. Gagawa ako nang paraan para masolusyonan ang mga problema namin sa buhay.

When She's goneWhere stories live. Discover now