KABANATA 06

23 1 0
                                    

"Mabuti naman makakapag-bayad na kayo, Ysa! Apat buwan din kayong hindi nakabayad ng utang sa'kin buhat nang ma-stroke ang tatay mo!" Sabi ni Aling Belen bago inabot sa'kin ang listahan ng utang namin.

Nalula ako sa laki ng kailangan kong bayaran. 7, 516 pesos para sa limang buwan naming pangungutang sa kaniya. At halos case iyon ng red horse. Kay Nanay 'yon sigurado. "Kung hinayaan ko sigurong patuloy kayong utang ng utang sa tindahan ko baka hindi lang 'yan ang kailangan mong bayaran! Lalo na 'yang nanay mo, lakas ng loob mangutang ng alak, wala naman pambayad!"

Bumuntong hininga ako. "Pasensiya na po sa delay. Ngayon palang po kasi ang unang sahod ko sa trabaho." Binaba ko ang eight thousand sa taas ng listahan namin at inabot sa kaniya.

Napailing siya at tinanggap ang bayad ko. "Alam mo, Ysa. Ang Mama mo dapat ang nagta-trabaho hindi ikaw pero mas inuuna pa kasi niya ang bisyo at barkada kaysa sa inyo." Sabi niya. "Kung hindi lang mabait ang tatay mo baka hindi na kayo nakautang sa'kin sa haba ng listahan ninyo!"

Nang inabot niya ang sukli ko ay kaagad na rin akong nagpaalam sa kaniya. May bibilhin pa kasi ako.

"Maraming salamat po, Aling belen. Uhm kapag po kumuha ng meryenda sila Joey at tatay paki-lista na lang po at ako na ang magbabayad tuwing sahod ko."

"Osige, Ysa. Paano ang Nanay mo? Tiyak uutang na naman ng alak 'yon?"

Nakagat ko ang ibabang labi. "Huwag mo nalang pong bigyan." pero siguradong makakakuha pa rin iyon dahil kung hindi, tiyak na masasaktan ako.

"Mabuti pa nga..." Tango niya.

Nagpaalam na ako ulit sa kaniya bago tuluyang umalis.

Unang sahod ko ngayon kaya hiningi ko na rin ang araw na ito para makapag-halfday. Pumayag naman kaagad si Donya Esmeralda dahil wala naman daw siyang lakad at siya na rin muna raw ang bahala kay Senyorito Manuel.

Hindi ko alam kung nasaan si Nanay, siguro na sa sugalan na naman o inuman. Alam niyang ngayon ang unang sahod ko kaya hanggat maaari ayoko muna siyang makasalubong hanggat hindi ko pa nabibili ang mga importante at kailangan sa bahay.

Ilang araw na rin niya kasi akong sinasabihan na bigyan siya ng pang-sugal at pang-inom kaya kinakabahan din ako sa araw na 'to. Nagba-budget ako kaya hindi niya dapat ako maabutan ngayon na hawak ko ang buong sahod.

Nauna akong pumunta sa palengke para mamili ng mga pwedeng malutong ulam. Nag-grocery na rin ako ng sapat lang sa budget at bumili ng gamot ni Tatay para sa isang buwan. Hindi ko rin kinalimutang bilhan ng gamit sa skwela lalo na ng lapis si Joey. Tiyak na matutuwa 'yon.

Bago naman ako umuwi ay dumaan muna ako sa bilihan ng lechon manok. Tulad ng pangako ko sa kanila Tatay at Joey, magmamanok kami! Ilang buwan na rin kasi kaming puro tuyo at itlog. At kung mamalasin pa ay toyo at mantika na lang. Minsan naman ay nakakapag-uwi ako ng ulam na binibigay ni Nanay Nena kapag may sumobra, pero hindi na 'yon naaabutan nila Tatay at Joey dahil kapag umuuwi ako tulog na sila at kinabukasan ay wala na ang ulam dahil dinadala na ni Mama sa mga barkada niya. Hinahayaan ko na lang dahil mas lalo lang siyang magagalit kapag sinita ko.

"Oh andami mo namang pinamili!" Bungad ni Chiona nang bumaba ako ng tricycle sa harap mismo ng bahay niya. Tinulungan nila ako ni Clyde na kunin ang mga supot ng pinamili ko.

"Para sa bahay lang, gamot ni Tatay at gamit ni Joey." Sabi ko. "May binili rin akong konting delata at tinapay para sa inyo ni Clyde." Sumunod ako sa kanila sa loob ng bahay.

"Hindi ka na sana nag-abala, Ysa...." Napailing si Clyde at binaba sa sala nila ang mga pinamili ko.

"Oo nga naman, Gaga! Alam ko namang nagtitipid ka!" Sabi ni Chiona.

When She's goneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon