Ikalimang Pahina

54 5 4
                                    

August 7, 2008
10:18 p.m

Dear Diary,

Ang bilis nga naman lumipas ng mga araw. Ngayon ang opening ng intramurals namin. Kahit dalawang araw lang ang intramurals namin, susulitin pa rin namin ito dahil next year, kan'ya-kan'ya na kami ng patutunguhan. At kailangan ko na ring sulitin ang mga araw na makakasama ko si Clay hehe.

Samu't-saring saya ang nakaukit sa bawat mukha ng mga estud'yante. May nagtitilian sa kilig dahil sa mga in-open na booths. May todo cheer naman sa mga pambato nila sa iba't-ibang field ng sports. Mayroon ding sobrang busy sa pagluluto para sa kani-kanilang lunch mamaya. Ganoon rin naman ang ginawa namin, lalo na't karamihan sa mga kaklase namin ay athletes.

***

"IKAW AH! Naglilihim ka na sa 'kin," kunwari nakasimangot na sambit ni Jenny.

Kaming dalawa kasi ang naatasan mag pack ng mga sandwiches para snacks ng mga kaklase naming athletes.

"Anong lihim ba ang tinutukoy mo?"

"Aba't nag de-deny ka pa? Alam kong magka-text kayo ni Clay. Noong isang linggo pinilit niya akong ibigay sa kan'ya ang number mo," napatanga naman ako sa sinabi niya.

Pinilit? Oo, isang linggo na rin mag mula no'ng tin-ext ako ni Clay pero sabi niya noon ay kusa raw na ibinigay ni Jenny ang number ko sa kan'ya kaya tin-ry niyang i-text kung sa akin ba talaga iyon tapos ngayon malalaman ko nalang na hindi pala 'yon totoo? Tsaka, hindi niya rin naman na ako tinext ulit.

"Talaga? Eh, no'ng gabi lang 'yon niya ako tin-ext,"

Kilig na kilig pa nga ako no'ng mga panahon na 'yon kasi sa wakas magka-text na kaming dalawa at mas lalo pa akong nabuhayan ng pag-asa dahil paniguradong malalamangan ko na si Cristy kaso mukhang ako lang talaga 'yong nag-a-assume mas'yado. Naririnig ko pa man din sa mga k'wento ni Cristy kay Mama na araw-araw raw silang magka-text ni Clay at minsan nagtatawagan pa sa gabi.

"Ha? Eh, napakadesperado nga niya no'ng hingin niya sa 'kin ang number mo. Siraulo talaga 'yon!" himutok ni Jenny habang naglalagay ng mayo sa sandwich.

Suportado niya ako sa kahibangan kong 'to kay Clay hindi nga lang namin sinabi kay Marky. Mula kasi nung mahalata niyang may gusto si Cristy kay Clay dahil sa panaka-nakang pagpapansin nito tuwing may practice silang mga DLC members ay unti-unti na siyang naging ilap kay Clay. Minsan na lang rin niya ito kung kausapin. Pansin namin 'yon pareho ni Jenny. Plano pa naman sanang ligawan ni Marky si Cristy pagkatapos nitong intramurals. Sinabihan ko kasi siyang ayos lang kay Mama na magpaligaw kami pero mukhang malabo nang mangyari iyon.

"Ms. Del Mundo and Ms. Aguirre," tawag sa 'min ni Gng. Asuncion na ikinalingon namin pareho. "Kindly distribute now the sandwiches and water to your athlete classmates,"

Pages Of Love | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon