Ika-18 Pahina

39 4 0
                                    

"B-BUNTIS po ako... at si Clay po ang a-ama!"

Para akong binuhusan ng napakalamig na tubig. Hindi agad ako nakapagsalita at hindi ko alam kung makakapagsalita pa ba ako.

"ANO?!" halos sabay nilang reaksiyon maliban sa 'kin na tila namanhid ang buong katawan. Natahimik din si Clay sa aking tabi.

"Sigurado ka ba riyan, hija?" nakatulalang tanong ni Tita Jamie.

"Hindi magandang biro iyan, Cristy!" nagtitimping sabi ni Papa habang si Mama naman ay hindi mawari ang hitsura kung maniniwala ba siya o hindi.

"N-Nagsasabi po ako ng t-totoo!"

Umiiyak na tugon ni Cristy saka niya inilapag sa mesa ang tatlong pregnancy test kits, pareho iyong may tig-dalawang linya, senyales na iyon ay positibo. Doon na tuluyang naiyak si Mama. Si Papa ay biglang nawalan ng balanse na kaagad namang dinaluhan ni Mama.

Hindi naman makapaniwalang tumingin si Tita kay Clay na ngayon ay tulalang napatitig sa mga pregnancy test kits. Kita ko kung pa'no isa-isang tumulo ang luha ni Tita nang dumako sa akin ang kan'yang paningin.

"C-Cristy, a-anong ibig s-sabihin nito? Wala naman akong m-matandaan na may nangyari sa---"

"Nakalimutan mo na ba no'ng gabing nalaman natin na wala na si Tito Clark? Iyon 'yong gabi na naglasing ka, Clay! At may nangyari sa 'tin!"

Biglang humigpit ang pagkakakuyom ng kamao ko sa ilalim ng mesa. Marahas kong hinawi ang namumuong luha sa aking mga mata. Panaginip lang 'to lahat, 'di ba?

"Walanghiya ka!" biglang sugod ni Papa kay Clay nang makabawi na siya mula sa pagkagulat.

"Eric!" pasigaw na pigil ni Mama pero huli na dahil tumama na sa mukha ni Clay ang kamao ni Papa.

"Pinaglalaruan mo ba ang mga anak ko?!" malakas na sigaw niya rito.

"T-Tito, hindi po..."

"Panagutan mo ang anak ko, bago pa kita mapugutan ng ulo!"

Doon na ako tuluyang napatayo. Mukhang hindi naman ako kailangan sa usapang ito. Pareho silang natahimik sa pagtayo ko.

"Crissa," parehong bigkas ni Clay at Cristy sa pangalan ko.

Sinubukan akong hawakan ni Clay pero agad kong iniiwas ang kamay ko sa kan'ya.

Maingat kong kinuha ang bag ko at isinukbit iyon sa balikat saka sila tinalikuran pero bago ako makalabas ng kusina, naramdaman ko ang pagyapos ni Clay sa akin.

"Crissa, please... Let me explain," humihikbi niyang pakiusap.

"Bitawan mo ako,"

Pilit kong tinatanggal ang mga braso niya pero lalo niya lang iyong hinigpitan.

"No!"

Mariin akong napapikit. "Bitaw sabi!" saka marahas kong binaklas ang pagkakayapos niya sa 'kin.

"Congratulations!" pumiyok pa ang boses ko nang sabihin ko iyon. "Hayan, iyong-iyo na siya habangbuhay! Sana masaya ka na," baling ko kay Cristy.

Mapait akong ngumiti bago tuluyang tumalikod dala ang bigat sa dibdib ko.

Nang makalabas na ako ay doon palang bumuhos ang mga luhang pilit kong pinipigilan. Gusto kong magwala at magsisigaw pero tila namanhid ang lahat sa akin.

Sa lahat ng tao, bakit ako? Wala naman akong inaapakang tao. Lahat ng gusto ng mga magulang ko ginagawa at sinusunod ko naman ng bukal sa aking kalooban pero bakit ako? Bakit ako pa 'yong nakakaranas ng ganito? Ayos na 'yon, eh! Masaya na ako pero bakit kailangang bawiin iyon agad?

Pages Of Love | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon