ELEVEN

1K 67 85
                                    

Bigla akong napa-bunghalit ng tawa.

"'Tay naman. Imposible po 'yang sinasabi niyo," natatawa pa rin ako nang sabihin iyon. "Alam niyo po ba, ang mga idine-date no'n, mga model, minsan mga beauty queen, mga artista. Minsan nga, ako pa po ang nag-aayos ng reservation sa mga date niya."

"Ngayon lang 'yan, nagpapakasawa sa pagka-binata, eh," sabi niya sa akin. "Mayaman pa, tapos magandang lalaki. Kahit akong nasa kalagayan niyan, aba'y ide-date ko lahat ng babaeng gusto ko."

"Pero, alam mo, anak, ang isang tao, gaano man karami ang magagara niyang sapatos, tsinelas pa rin ang hahanapin niyan pag-uwi ng bahay," makahulugan pa niyang sabi.

Hindi ko malaman ang isasagot doon. Napangiti na lang ako. Matapos ay nag-bukas ako ng bagong pag-uusapan. Tungkol kay tatay at sa pamilya niya ang mga itinatanong ko.

Hindi namin namalayan na ang layo na pala ng narating namin sa paglalakad-lakad sa tabing-dagat. Niyaya na ako ni Tatay Gabriel maglakad pabalik sa kanyang bahay habang nagku-kuwento naman ng tungkol sa lugar at itinuturo kung anu-ano iyong mga isla na natatanaw namin mula sa dalampasigan.

"Masaya akong nakausap kita ngayon," ani Tatay Gabriel. "Nakakasabik na rin ang may kausap. Lagi namang tumatawag sa akin ang mga anak ko, pero iba pa rin kapag pisikal mong kaharap ang isang tao."

"Masaya rin po ako." Ngumiti ako nang mula sa puso. "Hayaan niyo po at malapit niyo na rin pong makasama ang mga anak niyo."

"Nalulungkot nga lang akong iwan ang lugar na ito. Siyempre, maraming alaala dito. Lalo na nang yumao kong asawa." Napayuko siya sa gitna ng paglalakad namin.

"Naiintindihan ko po kayo, 'tay." Marahan kong tinapik ang balikat niya. "Pero, sigurado po ako na ang unang-unang magiging masaya sa pagpunta niyo sa U.S. ay ang asawa niyo po. Makikita niya na pong magkakasama ang mga mahal niya sa buhay matapos ang mahabang panahon ng pagkakalayo. Saka ang mga alaala naman po ay manantili sa puso natin, kahit saan man po tayo makarating. 'Yan po ang isang bagay na hindi mawawaglit sa atin."

Nasa tapat na kami ng bahay niya. Tumingin siya sa akin.

"Sabihin mo sa mga amo mo, pumapayag na akong ipagbili sa kanila ang bahay at lupang ito."

***

Pagkatapos ng mahabang kuwentuhan namin ni Tatay Gabriel, nag-message na ako kay Bradley, nakikisuyong sunduin na ako.

Mabilis siyang sumagot. Nandito na po kami.

Ang bilis naman nila? Naghinala ako. Hindi yata umalis ang mga ito at hinintay ako.

Kaso, paano si Sir Frank? Huwag nilang sabihin na kasama pa rin nila ito?

Inihatid ako ni Tatay Gabriel hanggang sa kung saan ako ininaba nina Bradley kanina. Nandoon na nga sila - at kasama nila ulit si Sir Frank. Bumati si Tatay sa mga tao sa loob ng van, bumati rin sila pabalik sa kanya.

"Gusto ko po kayong yakapin, Tatay. Kaso social distancing po." Napangiti siya pagkasabi ko noon. "Babalik po kami tungkol po sa napag-usapan natin."

"Aasahan ko kayo." Tumango siya sa akin.

Kumaway ako sa kanya pag-upo ko sa tabi ni Sir Frank bago ko isinara ang pinto.

"Kumusta ang pag-uusap niyo?" tanong ni Sir nang umandar na ang sasakyan.

"S-sandali lang po." Hindi ako mapakali sa naglalarong tanong sa utak ko. "H-hindi po ba kayo umalis doon sa pinagparadahan niyo?"

Walang naka-imik sinuman kina Bradley, sa driver ng van, o kay Sir Frank.

Here In My HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon