IX

949 40 0
                                    

Kinabukasan ay nanatili lang kami ni Bryan dito sa bahay. Sabay kaming nagluto ng aming almusal, pati na ang paghuhugas ng plato. Nasa sala kami ngayon at naglalaro ng chess game. Ito ang nagsilbing libangan namin sa nakalipas na tatlumpung minuto.

Nakasuot siya ng sandong puti at jersey shorts. Samantalang naka-loose shirt ako na umaabot sa aking hita, natatakpan ang kalahati ng suot kong jersey shorts din.

"Checkmate," aniya sa pinakahuli niyang tira.

Sinura ko ang posisyon ng aking mga piyesa at wala na akong ibang galaw upang iligtas yung hari. Natapos na ang laban at talo ako.

"Kainis. Pangatlong beses ka nang nananalo. Wala ka bang balak na magparaya?"

Tumawa siya.

"Wala, e. Nasanay kasi akong maglaro nito dahil ito yung palagi naming libangan ni Papa dati," aniya at muling binabalik ang mga piyesa sa dati nitong ayos. Pinapanood ko siya sa habang nililipat-lipat niya ang mga ito.

"Close pala kayo ng Papa mo," malungkot kong sabi sa kaniya. "Ako kasi, minsan ko lang siya makausap. May mga araw pa nga na hindi. Nung bata palang kasi ako, alam kong nase-sense na niya na iba ako."

"Hindi ka iba, Rowan. Kung kasarian yung pag-uusapan, normal ka at pangkaraniwan. Ang nagbubukod lang sa'yo mula sa iba ay ang katangian mo. Hindi ang kasarian."

Napakaganda ng sinabi niya.

"Saan mo napulot 'yan?" sabi ko ng nakangiti.

"Wala. Basta nalang siyang lumabas sa bibig ko. Gano'n talaga kapag totoo ka sa mga sinasabi mo, minsan hindi mo alam kung saan nanggagaling yung mga pansariling reyalisasyon kasi mabilis mo silang nahulma ng hindi pa nakikinig sa opinyon ng iba."

"Kaya mahal na mahal kita, e," sabi ko. "Napapabilib mo 'ko."

Ngumit lang siya.

Kakaiba.

Dahil hindi ko nadama ang saya sa ngiting 'yon.

"Anyway, may sasabihin nga pala ako. Last time, tumawag sa'kin si Klyde, kaibigan ko. Wala raw siyang matutuluyan, ngayon. Okay lang ba na patirahin ko muna siya rito kahit mga ilang araw lang?"

"Sure. Ikaw bahala," aniya.

"Talaga?"

"Wala namang kaso sa'kin 'yun, basta't kaibigan mo siya at pinagkakatiwalaan mo naman, ayos lang na patuluyin natin siya rito."

"Okay, sige. Itetext ko lang siya. Mamayang hapon daw siya darating."

Tumango lang siya.

Tumayo ako mula sa sofa at nagtungo sa kuwarto upang matunton ang aking cellphone. Mabilis akong nagtipa ng mensahe para kay Klyde.

To: Klyde

Good morning! Pumayag na si Bryan na tumira ka dito. Pwede ka nang pumunta mamayang hapon.

Pagkatapos ay binaba ko na ang phone ko at nagtungo na sa sala upang makipaglaro ulit kay Bryan ng chess.

Hindi pa ako nakakaupo nung nabulabog kami ng mga malalakas na katok sa pinto. Agad akong napatingin doon at lumapit.

"'W-wag," ani Bryan sa mahinang boses. Lumingon ako sa kaniya, ngunit kailangan kong pagbuksan kung sino man ang taong ito.

Kumatok muli ito sa pangalawang beses, ngunit naging mahina na ang tunog nito. Hindi ako nag-alinlangan ba puntahan at makita kung sino ito.

Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa'kin ang isang magandang babae na nakabihis ng corporate attire. Tumingin siya sa'kin na may pag-aalala sa mga mata.

"Sino po sila?"

"Hi, ako nga pala si Jayne. Nandiyan ba si Bryan?" aniya habang nanginginig ang kaniyang boses.

"Ah, oo nandi--"

"Umalis ka na, Jayne!" sigaw ni Bryan at padabog na pumunta sa paroroonan namin.

Nagulat ako ng bigla niyang itulak palayo ang babae at aambang pagsaraduhan siya ng pinto ngunit napigilan ko agad siya bago pa niya nagawa.

"Anong nangyayari dito, Bryan?" nalilito kong tanong sa kaniya.

"Hon', wala lang 'to. Pumasok na tayo sa loob--"

"Bryan, huwag mo naman akong pabayaan!" sigaw ng babae na pumutol sa pagsasalita niya. "Panagutan mo naman ako."

Dumaloy ang kaba sa aking dibdib at malakas na tumatambol ang aking puso. Hindi ko matanto ang ibig sabihin ng babae ngunit parang kailangan ko itong malaman.

"A-ano?" tanong ko sa babae habang nakakunot ang aking noo.

Inayos niya ang kaniyang mga takas na buhok at tumikhim ng malalim. Nakatingin siya kay Bryan na may takot sa kaniyang mga mata.

Sa kabilang banda ay naramdaman ko ang magkabilang kamay ni Bryan sa baywang at mahigpit itong hinawakan. Napalingon ako sa kaniya at nakita kung gaano katalas ang kaniyang tingin doon sa babae.

"B-buntis ako," mapait na sinabi ng babae at umiyak sa harap ko. Nanghina siya at napaluhod.

Nagimbal ang mundo ko na para bang pinagsakluban ng langit at lupa. Sa sandaling naproseso ang rebelasyon ng babae ay parang nabingi ang aking tainga.

Napatulala ako sa kawalan habang naramdaman ko yung hawak ni Bryan na humihigpit at ayaw akong pakawalan.

Naramdaman ko ang kaniyang paghinga sa aking leeg, at siya'y bumulong.

"Huwag kang maniwala sa kaniya."

Mariin iyon kaya sapat para marinig ng babae.

"Bryan, alam kong ayaw mo na akong makasama pero nandito na 'to," mahinang sambit ng babae habang pinapahid ang mga luha sa kaniyang pisngi. "Naglakas-loob akong pumarito para paalalahanan ka tungkol sa balitang 'to. Hindi pwedeng hindi mo 'to malaman, at ng kinakasama mo ngayon. Kung ayaw mo talaga akong panagutan ay wala na akong magagawa."

Tumayo ang babae at inayos ang kaniyang sarili.

"Ngunit kung may balak ka pang makasama ang magiging anak mo, bukas na bukas ang bahay ko para sa'yo. Tatanggapin kita kahit ilang beses mo akong ipagtabuyan. Hindi ako magsasawa na intidihin yung mga reaksyon mo sapagkat napakabilis nga naman ng mga pangyayari, 'di ba?" anito.

Pumihit na siya patalikod at sumakay sa kaniyang magarang kotse bago umalis. Wala sa'ming dalawa ang nagpaalam sa kaniya.

"R-Rowan."

Hindi muna ako kumibo at sinarado ko na yung pinto.

Same Days, Same Nights [M2M, SPG] (Danmax Shorts)Where stories live. Discover now