Kabanata 1: Ibig Kitang Makilala

180K 4.8K 6.2K
                                    

[Kabanata 1]

MAINGAT na isinawsaw ni Socorro ang pluma sa tinta saka pinagmasdan iyon na halos ikaduling niya. Samantala, walang kurap na nakatingin sa kaniya ang kapatid niyang si Amor at ang kaibigang si Nova. Animo'y pinapanood nila ang sagradong ritwal sa pagsusulat ni Socorro ng liham.

Tahimik silang nakaupo ng paikot sa loob ng maliit na bahay na nasa sanga ng puno ng Acasia. Matatagpuan iyon sa gitnang lupain ng hacienda De Avila. Ang munting bahay-bahayan sa itaas ng puno ay nagsilibing pahingahan at palaruan ng magkakapatid noong mga bata pa sila. Ngayon ay tanging sina Socorro at Amor ang madalas naroroon.

Maraming libro sa loob ng maliit na bahay. Karamihan ay mga akda ng paboritong manunulat ni Socorro na kilala sa tawag na Palabras Perdidas. Walang araw na hindi niya nababanggit kung gaano kaganda ang mga akda nito. Madalas sa kanyang pananalita ay nagagamit niya ang mga salitang binuo ng manunulat.

"Mahalaga ang bawat guhit na nililikha ng plumang ito na siyang bubuo ng mga salitang ating gagamitin." Paliwanag ni Socorro saka tiningnan ang dalawa. Oras ng tanghali, hindi nila alintana ang musika, tawanan, at kasiyahan ng mga panauhing isa-isang nagsisidatingan sa mansion ng pamilya De Avila.

Kaarawan ng kanilang ama, si Don Jose Epifanio De Avila na isang mahusay at kilalang inhinyero. Karamihan sa naging proyekto nito ay mga gusali at kalsada sa kalakhang Maynila. Tanyag din ang propesor sa mga kabataan dahil isa siya sa mga ipinagmamalaking propesor. Si Don Epifanio ay ang tanging tagapagmana ng kayamanan ng mga De Avila na kilalang nagmamay-ari ng limang malalaking barko na ginagamit sa pangangalakal sa ibang bansa.

"Tunay na nakakahalina ang maayos at malinis na pagkakasulat sa mga liham." Pagsang-ayon ni Nova, ito ang unang beses na nakatangap siya ng liham mula sa manliligaw. Sinubukan niyang tugunan ang liham nito ngunit hindi niya magawa nang maayos kung kaya't nagpatulong siya sa matalik na kaibigang sina Socorro at Amor.

Iniabot ni Socorro ang pluma kay Nova, "Oras na upang maipahayag mo ang iyong damdamin sa lalaking ito." Ngiti ni Socorro, sinubukang ngumiti ni Nova ngunit napahinga siya nang malalim saka napayuko.

"Maaari bang ikaw na lang ang magsulat para sa akin? Ako'y hindi bihasa sa paggamit ng magagandang salita. Bukod doon ay nagkakamali ako sa pagbabaybay." Hinawakan ni Amor ang balikat ni Nova. Katulad niya ay hindi rin siya makabuo ng magandang liham. Kung kaya't madalas ay umaasa siya sa kanyang kapatid na si Socorro.

Napatikhim si Socorro saka ngumiti, "Ikinalulugod kong tulungan ka, Nova. Ako ang bahala sa iyo." Ngiti ni Socorro saka muling isinawsaw ang pluma. Pinabasa ni Nova kina Socorro at Amor ang liham na pinadala sa kaniya ng manliligaw.

Napatakip ang bibig ni Amor upang pigilan ang sarili dahil sadyang nakakahalina ang metaporang ginamit ng lalaki. Samantala, nakailang tango si Socorro bilang pagsang-ayon sa ganda at lalim ng liham.

Napansin ni Socorro na matalino ang lalaki, sa mga salitang ginamit pa lang nito kung paano niya inilarawan ang paghanga kay Nova ay hindi maitatangging magaling ito sa panitikan. "Nasaan siya ngayon?" Tanong ni Socorro, kailangan niya ng ilang impormasyon bago makabuo ng itutugon sa liham.

"Siya ay nasa Maynila. Nag-aaral ng abogasya sa kolehiyo." Ngiti ni Nova na namumula ang pisngi. Napangiti ang magkapatid na De Avila. Nagtanong pa ng ilang detalye si Socorro upang mas maibagay ang isusulat na liham.

"Tila pagdating ng araw ay maninirahan ka na rin sa Maynila!" Ngisi ni Amor saka sinubukang kilitiin si Nova.

"Hindi malabong mangyari iyon, Nova. Halika, simulan na nating kulayan ang iyong buhay pag-ibig." Ngiti ni Socorro saka nagsimulang magsulat. Sinundan nila ng tingin ang paglapat ng pluma sa malinis na papel habang isinusulat ni Socorro ang pangalan ng binatang nagpapatibok sa puso ni Nova.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon