Kabanata 23: Sa Hukay ng Balang Araw

32.3K 2K 3.5K
                                    

[Kabanata 23]

HINDI mapigilan ni Honorata ang pagbagsak ng kaniyang mga luha habang nakasakay sa kalesa matapos iwan ang anak sa hacienda Salcedo. Malakas ang buhos ng ulan habang tinatahak nila ang kalsadang lupa patungo sa daungan. Gagamitin niya ang tinanggap na salapi pabalik sa bansang kaniyang pinagmulan.

Bumagal ang takbo ng kabayo dahil sa lakas ng ulan. Nakadagdag din ang pagbaon ng gulong sa putikan na humahalo sa mababaw na baha. Lumingon ang kutsero kay Honorata na magsasabi sana na pansamantala silang titigil upang hintaying tumila ang ulan ngunit laking-gulat nila nang may sumampa sa kalesa at sapilitan silang hinila pababa.

Nagpumiglas din ang kabayo na agad ginilitan ng leeg ng isang lalaki. Nagmakaawa ang kutsero ngunit bago pa makarating ang kaniyang pagsusumamo sa tainga ng mga hindi nakikilalang lalaki ay ginilitan na rin ng mga ito ang kaniyang leeg. Naiwan si Honorata na gumagapang papalayo matapos mabali ang kaniyang binti mula sa pagkakabagsak sa kalesa.

Hindi niya maaninag ang paligid dahil sa mahahabang patak ng ulan na tumatama sa kaniyang mukha. Kumakapit siya sa mga putik na wala ring magawa upang iligtas siya. "P-pakiusap..." Nanginginig na nagsumamo si Honorata matapos hilahin ang kaniyang buhok at hinila pabalik sa kinaroroonan ng patay na kutsero at kabayo.

"K-kunin niyo na po lahat ito..." Pilit na kinakapa at hinahanap ni Honorata sa kaniyang bulsa ang salaping binigay ni Don Rufino ngunit bago niya pa makuha iyon ay sinunggaban na ng isang lalaki ang kaniyang kuwelyo saka sinubukang ibaon ang patalim sa kaniyang leeg ngunit sinangga niya ito gamit ang kaniyang braso.

Lumapit ang dalawa pang lalaki saka hinila ang magkabilang kamay ni Honorata upang igapos ito, patuloy na humihingi ng tulong si Honorata kahit pa nalulunod siya mismo sa tubig-ulan na hindi maawat sa pagbagsak.

Samantala, mula sa di-kalayuan ay nagpapahinga ang apatnapung taong gulang na lalaki na si Julio na kilalang naglalako ng mga libro kasama ang pamangkin nitong lalaki na nasa edad labing-limang taon.

Nakasilong sila sa ilalim ng isang puno habang hawak ang tig-isang dahon ng saging na panangga sa ulan. Higit nilang iniingatan ang mga libro sa kariton na ginawan nila ng bubong gamit ang pinagtagpi-tagping tabla ng kahoy.

Napalingon sila sa kaliwa nang marinig ang sigaw at paghagulgol ng isang babae hanggang sa mawala ang boses nito. Gulat na nagkatinginan ang dalawa na dahan-dahang tumayo at sinundan ang boses. Tumigil sila sa likod ng isang puno nang matanaw ang apat na lalaki na walang-awang pinagtatadyakan ang isang babae hanggang sa hindi na ito kumilos.

Akmang hahakbang sana si Julio upang tulungan ito ngunit kumapit ang binatilyo sa kaniyang braso saka umiling, ipinapahiwatig ng kaniyang pamangkin na huwag nang makialam dahil mapapahamak din sila. Nanghina ang loob ni Julio nang makita ang mahahabang itak at matatalim na palakol na dala ng mga kalalakihan na nagsimula nang maghukay.

Mabilis na naghukay ang mga ito habang ang dalawa ay magkatulong na isinisilid ang babae sa loob ng isang sako bago inihulog sa malalim na hukay at tinabunan ng lupa. Sumandal na lang ang dalawa sa likod ng puno habang pikit-matang pinapakinggan ang pagbaon ng pala sa putik na magkukubli sa hukay.

Makalipas ang ilang minuto ay sumakay na sa kani-kaniyang kabayo ang apat na lalaki. Mabilis silang lumisan sa gubat na animo'y naghahanap lang ng masisilungan dahil sa lakas ng ulan. Nang masiguro nilang wala na ang mga kalalakihan ay mabilis nilang hinukay ang pinaglagakan ng babae na sa palagay nila ay buhay pa dahil nakita pa nila itong kumilos bago isilid sa sako.

Hindi sila makapaghukay nang maayos gamit ang kanilang mga kamay dahil bumabalik lang ang putik. Agad tumakbo si Julio pabalik sa kanilang kariton at kinuha ang mga tabla ng kahoy na pinangtakip sa mga libro. Magkatulong nilang ginamit iyon sa paghuhukay. Gamit ang kanilang lakas at pagmamadali na habulin ang oras ay nakuha na nila ang sako at magkatulong na iniangat.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon