Kabanata 5: Ang Tubig sa Ilog

32.6K 2.6K 5.6K
                                    

[Kabanata 5]

ALAS-SAIS na ng umaga nang magpaalam sina Jacinto at Cristobal. Tanging si Doña Marcela ang sumalubong sa anak at kaibigan nito dahil masama ang pakiramdam at loob ni Don Epifanio sa nangyari kagabi.

Namamaga ang mga mata at puno ng alalahanin si Doña Marcela ngunit pinili niya pa ring ngumiti upang hindi mag-alala ang anak. "Ikaw ay mag-aral nang mabuti at mag-iingat palagi." Panimula ni Doña Marcela saka inakap ang anak. Gustuhin man niya makasama at maalagaan nang husto ang mga anak na lalaki ngunit nakatadhana ang mga ito na lumayo at gugulin ang oras sa pag-aaral at pagtatrabaho.

"Iyong huwag kaligtaan ang magsulat nang madalas sa amin. Inyong hindi nalalaman kung gaano kami napapanatag sa oras na kayo'y nagpapadala ng liham." Patuloy ni Doña Marcela saka hinawakan ang magkabilang pisngi ng anak upang pagmasdan ito nang mabuti. Parang kailan lang ay batang paslit pa lang ito na hindi mawalay-walay sa kaniya.

Ngumiti si Jacinto saka hinawakan ang kamay ng Ina, "Pauulanan ko kayo ng liham Ina kung inyong nanaisin. Iyon nga lang, baka magsawa kayong mabasa ang aking pangalan." Ngiti ni Jacinto saka niyakap nang mahigpit ang ina, mas matangkad na siya kumpara dati na nagagawa pa siya nitong buhatin.

Sa mga anak na lalaki ni Doña Marela ay si Jacinto ang pinakamalambing at malapit sa kaniya. Madalas din itong umuwi sa Sariaya at hindi nito nakakalimutang bilhan siya ng mga sinulid at karayom dahil hilig niya ang magburda at magtahi.

Napangiti si Doña Marcela, hindi rin siya binibigo ng anak dahil nagagawa siyang pangitian nito sa lahat ng oras. "Ako'y nagpadala rin ng mga bagong kumot at kamiso na maaari mong suotin pambahay o pantulog." Masipag magtahi si Doña Marcela, halos lahat ng damit ng mga anak ay siya ang nagtahi.

"Iyong hikayatin din si Feliciano na ugaliing magpadala ng liham sa amin. Mag-iisang taon na mula nang huli natin siyang nakita." Tinapik ni Doña Marcela ang likod ng anak bago siya bumitaw sa pagkakayakap ng anak.

"Sadyang kay rami lang ng kaniyang ginagawa, Ina. Susulatan ko siya na makauwi sana sa inyong kaarawan." Ngiti ni Jacinto habang nakaakap sa Ina. Kung maaari lang ay mas gusto niyang manatili sa Sariaya at makasama ang pamilya ngunit kailangan ng isang lalaki ang magsumikap at magkaroon ng magandang propesyon.

Napatigil si Cristobal sa tapat ng silid ni Socorro at sandaling pinagmasdan ang nakasaradong pinto. Mas makakabuti na rin na bumalik na sila ng Maynila dahil hindi niya gustong mailang ang pamilya De Avila dahil sa nasaksihan niyang pagkakagulo. Maging siya ay nahihiya dahil mula kagabi ay panay ang paghingi sa kaniya ng paumanhin nina Doña Marcela at Manang Tonya.

Nagpatuloy na sa paglalakad si Cristobal hanggang sa matanaw niya sina Doña Marcela at Jacinto na magkayakap at nagtatawanan. Sandali siyang napatigil, naalala niya ang Ina na kailanman ay hindi niya naramdaman.

"Cristobal, hijo." Tawag ni Doña Marcela dahilan upang matauhan siya. Kinuha ni Doña Marcela ang bayong na naglalaman ng mga kakanin na niluto niya. "Baunin niyo ito." Ngiti ng Doña sabay abot kay Cristobal.

Malugod na tinanggap ni Cristobal ang bayong, "Nais kong humingi ng paumanhin sa iyo, hijo sa mga hindi kaaya-ayang kaganapan dito sa aming tahanan."

Napangiti si Doña Marcela minsan na ring sumagi sa isip niya na kung papalarin ay mapangasawa ng isa sa mga anak niya ang binata. Sa loob ng dalawang araw na pananatili nito ay magaan ang loob niya kay Cristobal, bukod doon ay malapit din itong kaibigan ni Jacinto.

Ngumiti nang marahan at umiling si Cristobal, "Huwag po kayong mag-alala. Maraming salamat po sa inyong malugod na pagtanggap sa akin sa inyong tahanan." Tugon ni Cristobal saka tinanggap ang bayong.

"Ikaw ay laging bukas dito sa aming tahanan anumang oras. Mag-iingat ka, hijo at pagpalain ka nawa ng Panginoon." Kahit papaano ay nabawasan ang kaniyang alalahanin na mapahiya ang pamilya sa harap ng kanilang panauhin.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon