Kabanata 7: Tahanan

35.1K 2.6K 3.2K
                                    

[Kabanata 7]

"ANO? Ako'y hindi makapapayag. Tiyak na ilang araw pa ang lilipas bago maproseso ang pagpasok ni Socorro sa kumbento." Napalingon si Socorro sa pintuan ng silid kung saan siya dinala at kinulong ng kaniyang ama. Pinili niyang huwag sindihan ang lampara o kandila sa silid dahil mas nagiging kalmado siya sa dilim.

"Jimena, gaano lang naman ang ilang araw na iyon upang kahit papaano ay makatulong tayo sa aking kapatid." Wika ni Don Marcelo gamit ang mas mahina nitong boses. Matapang siya sa hukuman ngunit hindi sa kanilang tahanan na pinangangalagaan ng kaniyang asawa.

"Ako'y sumang-ayon na manatili muna sa atin si Socorro hangga't habang hinihintay ang sulat mula sa punongmadre at kura paroko." Animo'y tumigil ang paghinga ni Socorro, kung hindi siya ipinagkanulo ni Cristobal ay siguradong nakasakay na siya ngayon ng barko patungo sa Europa.

"Ikaw ba ang mag-aalaga at magbabantay sa batang iyon? Buong araw ka nasa trabaho. Sa akin mo lang din naman siya iiwan tulad ng mga anak natin na hindi malapit sa iyo." Mas tumaas ang boses ni Doña Jimena dahilan para ipaalala ni Don Marcelo na hinaan nito ang boses. Nagpaypay ang doña sa sarili, hindi siya makapaniwala na hindi man lang siya kinonsulta ng asawa.

"Ginagawa ko ang lahat para sa ating pamilya. Kung hindi ako magtatrabaho ay wala tayong kakainin. Wala kang ipambibili ng mga luho mong 'yan." Buwelta ni Don Marcelo na hindi natuwa sa pagamamtigas ng asawa. Habang tumatanda sila ay mas napapadalas ang kanilang pag-aaway. Ang mga anak nila ay may kani-kaniya ng pamilya at trabaho, ngunit ngayon ay nabubuhay pa rin si Doña Jimena sa pakikipagpaligsahan sa ibang kababaihan.

"Sakit sa ulo lang ang batang 'yan. Mabuti kung si Leonora pa ang titira rito, papayag pa ako!" Saad ng doña sabay talikod sa asawa at nauna na siyang magtungo sa kanilang silid. Sinarado niya rin ito upang sa salas matulog ang kabiyak.

Humilata si Socorro sa kama na para bang lumang sangkalan na sanay na sa mga hiwa at hindi na nakakaramdam pa ng sakit. Mas mabigat ang damdamin niya sa ginawa ni Cristobal, hindi niya akalain na kabaliktaran pala ito sa mga karakter na isinusulat nito sa mga nobela na mga matuwid, matulungin, at tapat.

Hatinggabi nang bumangon muli si Socorro. Hinintay lang niya tumahimik ang paligid bago siya lumabas ng silid. Nababatid niyang hindi nakakandado ang pinto dahil hindi ugali ng kaniyang ama na ikulong sila na parang mga hayop.

Nang makababa si Socorro sa salas ay unti-unti siyang pinanghinaan ng loob nang mapagtanto na nakakandado ang mga pinto at bintana. Bumalik siya sa silid at doon ay nag-isip muli ng paraan. Maingat niyang hinalughog ang mga gamit sa loob na karamihan ay puro kurtina at punda ng unan. Nakaisip ng paraan si Socorro, pinagbuhol-buhol niya ang mahahabang kurtina upang magamit iyon bilang lubid pababa mula sa bintana.

Naghintay siya hanggang sumapit ang madaling-araw kung saan naririnig na niya ang ingay mula sa ibabang kusina. Sinabayan ni Socorro ng pagpukpok at pagtulak sa bintanang nakapako ang ingay sa baba. Malapit na niyang matanggap ang pako sa bintana nang biglang bumukas ang pinto ng silid.

Gulat na napalingon si Socorro sa pintuan at laking-gulat niya nang makita si Cristobal. Napakurap siya sa pag-aakalang nanaginip lang siya ngunit pumasok na si Cristobal sa silid, isinara ang pinto, at inilapag ang itim na maleta sa sahig.

"Magagawa mo bang magtago muli rito?" Panimula ni Cristobal na halatang kabado. Napatingin ito sa gawing pinto saka muling tumingin sa kaniya. "I-ipinapangako ko na sandali lang ito." Patuloy niya habang nakatingin ng deretso sa mga mata ni Socorro na halos walang kurap ding nakatingin sa kaniya.

Kinurot ni Socorro ang sarili sa pag-aakalang nananaginip lang siya. Ngunit hindi, narito nga si Cristobal bitbit ang maletang pinagtaguan niya. "Makinig ka, dadalhin ka nila sa kumbento ng Maynila, batid kong hindi mo ibig pumasok doon ngunit..." hindi na natapos ni Cristobal ang sasabihin dahil nagulat siya nang lumapit si Socorro.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon