Kabanata 2: Ang Binata sa La Librería

59.9K 3.2K 4.2K
                                    

[Kabanata 2]

HINDI nakasagot ang binata. Sandali itong natulala kay Socorro saka umiwas ng tingin. "Ang mga manuscito na iyan... Nabasa ko na ang..." Patuloy ni Socorro ngunit napatigil siya nang marinig ang kanyang pangalan.

"Socorro!" Sigaw ni Segunda. Gulat na napalingon si Socorro mula sa La Licorería. Maging si Amor ay nagulat dahil hindi niya akalain na magagawang sumigaw ni Segunda dahil sa pagmamadali. Kilala itong tahimik, at mahinahon sa lahat ng pagkakataon.

Agad pinara ng binata ang kalesang paparating. "Ginoo, kailangan kong..." Pagtingin ni Socorro sa binata ay nakasakay na ito sa kalesa. Tumango lang ito sa kanya bilang pagpapaalam saka madaling pinakiusap sa kutsero na patakbuhin ang kabayo.

Naiwang tulala si Socorro sa tabing kalsada. Animo'y lumalakad pa siya sa panaginip kung saan ay sandali siyang pinagbigyan ng langit na matupad ang isa sa kanyang mga kahilingan, ang makita ang paborito niyang manunulat.

Natauhan si Socorro nang may kumapit sa kanyang braso, "Kanina ka pa namin hinahanap ni ate Segunda." Bulong ni Amor saka hinila si Socorro pabalik sa kanilang kalesa.

Bakas sa hitsura ni Segunda na hindi ito natuwa sa kanyang nasaksihan. Magkatabi sina Socorro at Amor habang nasa tapat naman nila nakaupo si Segunda. Tinatahak nila ngayon ang daan pabalik sa kanilang tahanan.

Nakayuko at makailang ulit na nakikiramdam si Amor kung magagalit na ba ang kanilang nakakatatandang kapatid. Samantala, tulala at tila wala sa sarili si Socorro habang nakatingin sa bintana.

Tumikhim si Segunda dahilan para mapaayos ng upo si Amor. Sinagi niya si Socorro ngunit tulala pa rin ito sa kawalan na tila may malalalim na iniisip. "Sino ang binatang kausap mo kanina?" Tanong ni Segunda, sinagi ni Amor nang mas malakas si Socorro dahilan upang matauhan ito.

Napahawak si Socorro sa kanyang braso, pagsasabihan niya sana si Amor ngunit nagsalita muli si Segunda, "Socorro, iyo bang nakaligtaan na maaaring masira ang iyong dangal sa ikinilos mo kanina?"

Napalunok si Socorro at napaayos ng upo. Nakalimutan niya na mas may dapat pa pala siyang problemahin bukod sa pagkakakilanlan ng lalaking iyon. "Hindi ko siya kilala..." Napatigil si Socorro, iniisip niya kung dapat bang sabihin ang kanyang natuklasan o hindi.

Mas lalong kumunot ang noo ni Segunda, gulat namang napalingon si Amor kay Socorro. "Hindi mo kilala ang binatang iyon ngunit nakikipag-usap ka sa kaniya?" Hindi makapaniwalang tanong ni Segunda. Nababatid niya kung gaano kabilis kumalat ang usap-usapan dahil palagi siyang nagiging tampulan ng mga iyon.

"Nagkakamali kayo... Ang totoo ay may natuklasan ako tungkol sa binatang iyon." Wika ni Socorro sabay tingin sa dalawa niyang kapatid. Hindi makapagsalita si Amor, madalas niyang kasama si Socorro ngunit wala naman itong naikukuwento na binata sa kaniya.

"Ako'y nangangamba na maaaring magdulot ito ng kasiraan sa iyo, Socorro. Mabuti na lamang dahil iilan lang ang tao kanina sa pamilihan. Hindi tayo nakasisiguro kung ilan ang mga nakakita sa inyo." Wika ni Segunda saka napahawak sa kanyang sentido.

"Makinig kayo. Wala kayong dapat ipangamba. Ang binatang iyon..." Napahinga nang malalim si Socorro. "Siya ang manunulat na si Palabras Perdidas." Nagkatinginan sina Segunda at Amor. Bukambibig ni Socorro ang manunulat na iyon na maging sa pagsisinunggaling ay naisasama niya na rin.

"Babae si Palabras." Saad ni Amor.

"Hindi. Walang nakakaalam kung sino siya, hindi ba?"

"Ngunit sa kanyang mga nobela... Sa aking palagay ay babae siya."

"Nakasulat sa ikatlong panauhan ang kaniyang mga nobela. Paano ka nakatityak?"

"Wala siyang dapat itago kung siya ay lalaki. Tiyak na magkakamit pa siya ng maraming parangal at magiging tanyag siya sa kaniyang mga nobela."

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon