Kabanata 4: Ang Liham Pag-ibig

38.1K 2.7K 6.1K
                                    

[Kabanata 4]

HIGIT sampung minuto nang tinititigan ni Cristobal ang nakarolyong papel na inilagay niya sa likod ng pinto. Kinuha niya iyon kagabi nang maiwan ito ng kapatid ni Jacinto. Nagdadalawang-isip siyang tingnan kung ano iyon ngunit batid niyang hindi tamang pakialaman ang gamit ng iba.

Tumikhim si Cristobal at naglakad papalapit sa salamin. Inayos niya ang kaniyang kuwelyo at manggas. Sinuklay nang kaunti ang buhok saka tumango sa sarili. Ilang minuto niyang pinagmasdan ang nakarolyong papel na sa isip niya ay isang malaking mapa o kaya ay iginuhit na plano ng isang pinapatayong gusali o bahay.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto saka sumilip sa pasilyo. Tahimik ang ikalawang palapag. Maliwanag pa dahil hindi pa pinapatay ang mga lampara sa gilid. Naglakad si Cristobal patungo sa tapat ng silid ni Socorro. Nakita niyang pumasok doon si Socorro nang dali-dali itong umakyat pabalik sa silid kagabi.

Inilapag ni Cristobal ang nakarolyong papel sa tapat ng silid. Plano niyang kumatok saka tumakbo pabalik sa kaniyang silid. Ngunit napatigil siya at napaisip, ang pagtatago ay gawain lang ng isang duwag. Wala naman siyang kasalanan at wala rin siyang dapat itago. Bukod doon ay gusto niyang masiguro na makukuha ni Socorro pabalik ang naiwan nitong gamit.

Akmang kakatok na siya sa pinto nang biglang bumukas iyon. Nanlaki ang mga mata niyang makita ang matandang mayor doma, "A-ano ang iyong kailangan, Ginoong Cristobal?" Gulat na tanong ni Manang Tonya. Bakas sa mukha nito ang pagkabigla nang makita ang binata sa labas ng silid ni Socorro.

Maging si Socorro ay gulat na napabangon at nang magtama ang kanilang mga mata ay pareho silang natigilan. "Hijo?" Ulit ni Manang Tonya dahilan upang matauhan si Cristobal. "K-kanina ko pa po kayo hinihintay. Ang totoo niyan, ibig ko po sanang itanong kung kanino po ito? Nakita ko po ito sa ilalim ng kama." Tugon ni Cristobal na nagpabalik-balik ang tingin kay Manang Tonya at Socorro.

Kinuha ni Manang Tonya ang nakarolyong papel. "Ano ba ito?" Tanong ng matanda sa sarili saka sinubukang buklatin iyon ngunit dali-daling tumakbo si Socorro papalapit sa kanila. "Manang!" Habol ni Socorro sabay kuha sa nakarolyong papel.

"K-kay Concordio po ito. Naglalaro kami kanina." Mabilis na saad ni Socorro na halos walang kurap na nakatingin sa matanda. Mabilis siyang sumulyap kay Cristobal na agad din niyang binawi dahil sa kaba.

"Iyan ba ang hinahanap niyang kayamanan?" Tanong ni Manang Tonya. Naalala niya kanina na nakasalubong niya si Concordio na tila may hinahanap. Ang paghahanap ng kayamanan ang paborito nitong laro.

Tumango ng ilang ulit si Socorro na pilit nilalabanan ang kaba. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang posibilidad na nakita ni Cristobal ang obra. Hindi siya makapaniwala na si Cristobal pa ang nakakuha niyon.

Tumingin si Manang Tonya kay Cristobal at Socorro. Hindi niya mawari kung saan nanggagaling ang kakaibang kutob na kaniyang nararamdaman. "O'siya, magsitulog na kayo. Magandang gabi sa iyo, Ginoong Cristobal." Wika ni Manang Tonya na lumabas na ng silid. Muling nagtama ang mga mata nina Socorro at Cristobal habang dahan-dahang isinara ni Manang Tonya ang pinto.


KINABUKASAN, pagkatapos ng angelous sa umaga ay naiwan si Socorro sa altar. Pinapabasa ni Doña Marcela sa kaniya ang mga aral sa Bibliya nang kumatok si Manang Tonya. "Doña Marcela, may mahalaga po kayong panauhin." Wika nito, napatigil si Socorro sa pagbabasa ngunit nang tumingin sa kaniya ang Ina ay muli siyang nagpatuloy. Isa sa mga pangaral nito ay huwag makinig sa usapan ng mga matatanda.

"Sino po, Manang?" Tanong ng Doña. Lumapit si Manang Tonya at bumulong, "Narito po sina Señorita Nova at Señorita Juliana," tugon ng matanda nanlaki ang mga mata ni Doña Marcela.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon