Kabanata 19: Ang Kasinungalingan

38.7K 2.3K 6.3K
                                    

[Kabanata 19]

Filipinas, 1882

SANDALING napatitig si Socorro sa gusali ng koreo na may dalawang palapag bago bumaba ng kalesa. Halos natunghayan niya ang pabago-bagong panahon, oras, at taon sa harap ng gusaling iyon kung saan personal niyang pinapadala ang mga isinulat na liham para kay Cristobal.

Inayos niya ang kaniyang saya at ang suot na pulang balabal pagkababa ng kalesa. Maraming tao sa loob, kadalasan ay mga katiwala at kasambahay na inuutusang magpadala ng mga liham. Diretsong naglakad si Socorro sa tanggapan at inilapag ang liham na nais niyang ipadala patungo sa Espanya.

Tumingin sa kaniya ang matandang lalaki na siyang tumatanggap ng mga liham at itinatala nito sa isang lagdaan bago ilagay sa malaking aparador na may maliliit na kahon. Bawat kahon ay may nakasulat na lugar at bansa.

May katagalan bago natapos ng lalaki ang kaniyang trabaho at kinuha ang bayad ni Socorro. Napakagat sa ibabang labi si Socorro, mahigit isang taon na mula nang huli siyang personal na nagpadala ng liham sa koreo.

"Maaari po ba akong magtanong?" Panimula ni Socorro, tumango ang matandang lalaki nang hindi tumitingin sa kaniya. Abala ito sa pag-aayos ng iba pang liham na inilalagay sa bawat kahon.

"Saan ko po maaaring kunin ang mga bumabalik na liham?" Napahinga nang malalim si Socorro saka mas lalong lumapit sa mesa, "Sa-sakaling hindi po natatanggap ng aking pinadadalhan?" Nag-aalinlangang tanong ni Socorro. Nalalaman niya na ilang ulit nang nababasa ng matandang lalaki ang pangalan ni Cristobal na siyang pinapadalhan niya.

Tumayo ang matandang lalaki saka isa-isang nilagay ang mga hawak na liham sa paroroonan nito. "Babalik sa 'yo ang mga liham na hindi nakarating sa tatanggap niyon. Ihahatid namin sa inyong tahanan dahil nakatala naman sa sobre ang tirahan," tugon ng matandang lalaki na nanginginig na ang kamay sa katandaan.

Natahimik si Socorro, hindi na niya mabilang ang mga liham na pinadala niya kay Cristobal noong mga nakaraang taon. Subalit, ni isa ay walang bumalik sa kaniya. Tumingin ang matandang lalaki kay Socorro, nakikilala niya ang isa sa mga dalagang anak ni Don Epifanio. Ngunit hindi niya ugali ang makialam sa buhay ng iba kung kaya't masasabing ang lihim ni Socorro ay mananatiling ligtas sa kaniya.

"Kung walang nakakabalik na liham sa iyo, Hija. Tiyak na nakarating iyon sa taong iyong sinulatan," wika ng matanda upang ipaliwanag ang proseso sa koreo. Ang totoo ay maaari silang humingi ng impormasyon sa Europa kung sino ang nakalagda at tumatanggap ng mga liham ngunit saka na lang niya babanggitin iyon sa oras na magtanong muli ang dalaga.

"Ilan na ba ang iyong napadalang liham?"

"Tatlo po," pagsisinunggaling ni Socorro. Ang totoo ay hindi na niya mabilang sa dami. Madalas ay magkakasunod na buwan niya pinadala ang ilan, habang ang iba ay sa pagitan lang ng ilang buwan.

"Kung namayapa na ang taong tatanggap ng iyong liham, tiyak na magpapadala ng mensahe ang mga kalapit nitong kamag-anak o kaibigan," wika ng matanda, pilit na ngumiti si Socorro upang ipakita na hindi siya ganoon kalapit sa taong pinapadalhan ng liham. Bukod doon ay nakakatanggap si Jacinto ng tugon mula kay Cristobal.

"Maaari po kayang nawala? O 'di kaya ay iba ang nakatangap?" patuloy ni Socorro. Nababasa ng matandang lalaki ang desperadong mga mata ni Socorro. Ito na mismo ang bumubuo ng mga sagot sa tanong na hindi nito nais paniwalaan.

Tumango ang matanda, "Maaari, subalit lahat ng mga nasira ng bagyo, nawala, nasunog, o nanakaw na liham ay nakatala pa rin sa amin. Kami ay nagpapadala ng aviso sa oras na may mga pangyayaring tulad ng aking nabanggit," pinagpagan ng matanda ang kamay saka lumapit sa pahabang mesa na siyang pagitan ng mga nagpapadala ng mga liham at nagtatrabaho sa koreo.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon