Kabanata 20: Ang Laro ng Damdamin

38.3K 2.3K 4.4K
                                    

[Kabanata 20]

HALOS wala ng tao sa bayan at pamilihan. Ang lahat ay nasa kani-kaniyang tahanan upang salubungin ang bagong taon. Mula sa di-kalayuan ay nakatigil ang karwahe kung saan pinagmamasdan ni Cristobal ang pag-ikot ng mahabang kamay sa kaniyang kuwintas na relos.

"Señor, aking nabalitaan na marami ang nagtungo sa palimbagan ng La Librería upang doon bumili ng ikaapat na yugto ngunit nang datnan ko ay sarado na rin iyon," wika ni Mang Carding na nakasilip sa bintana ng karwahe.

Minamatyagan nila ang La Librería kung saan may natanaw pa silang ilaw mula sa loob. "Ayon sa nakausap kong manggagawa roon ay pinatigil daw ang pagpapalimbag," patuloy ni Mang Carding dahilan upang mapatingin sa kaniya si Cristobal. "Wala rin akong nakuhang sagot sapagkat wala ring ideya ang mga manggagawa roon kung bakit wala silang pasok."

Sa isip ni Cristobal ay maaaring natakot si Don Julio at sumang-ayon na ito sa kaniyang pakiusap. Subalit, naalala niya kung gaano kahalaga ang salapi kay Don Julio. Hindi ito basta hihinto gayong limpak-limpak na salapi ang kikitain ng kaniyang negosyo.

"Maaaring nasa loob si Palabras. Tiyak na nakarating na sa kaniya ang pagpapatigil sa limbagan," wika ni Cristobal, ilang oras na silang naghihintay at nagmamanman sa La Librería. Nakatitiyak siya na anumang oras ay makikilala na niya ang tunay nitong pagkatao. Naalala niya ang naging pag-uusap nila noon ni Juliana.

Unti-unti nang nalulusaw ang nyebe dahil sa paparating na tag-init. Naglalakad sila sa tabing-kalsada kasama ang Ina at pinsang babae ni Juliana na nauunang maglakad sa kanila.

Matagal nang gustong itanong ni Cristobal kung kilala ba nito si Palabras ngunit hindi niya alam kung kailan ipapasok ang tanong. "Sa ating bayan, ang labis na tag-init ay nagpapahirap sa mga magsasaka dahil natutuyo ang mga pananim. Dito ay hinahangan natin iyon sapagkat ang hirap kalabin ng tag-lamig," wika ni Juliana habang pinagmamasdan ang paligid.

Ngumiti at tumango nang marahan si Cristobal bilang pagsang-ayon. Ang totoo ay gusto na niyang maranasan muli ang klima ng Pilipinas. Doon ay nakakatulog siya nang mahimbing sa gabi at hindi niya kailangan tingnan nang paulit-ulit ang siga ng apoy sa takot na masunog ang buong bahay.

Bumagal ang lakad ni Cristobal nang maalala na ang binanggit ni Juliana ay minsang nabanggit ni Felipe sa En la niebla de la tierra prohibida. Lumingon si Juliana kay Cristobal nang mapansing hindi na niya ito kasabay maglakad.

"Ikaw ba ay may nakaligtaan?" Tanong ni Juliana. Hindi pa sila nakakalayo sa silid na tinutuluyan ni Cristobal. Kung babalik ito ay makakaabot pa rin sila sa misa mamaya.

Nagpatuloy na si Cristobal sa paglalakad. Malaking palaisipan sa kaniya kung sino si Palabras ngunit hindi na mahalaga sa kaniya malaman kung sino iyon. Matagal na siyang walang kaugnayan sa La Librería. Bukod doon ay kaakibat na ng pangalan ni Palabras ang alaala ni Socorro.

"Aking nagunita lamang ang akda ni Palabras Perdidas, nakikilala mo ba siya?" Tanong ni Cristobal. Ngumiti nang matamis si Juliana at tumango. Ang kaniyang galaw ay tila mabagal na musika na sumasabay sa marahang dampi ng hangin. Sa isip ni Cristobal ay maaaring nasa pamilya Villafuerte si Palabras. Maaaring si Juliana mismo. Ngunit sinuman ito, hindi na mahalaga sa kaniya kung sino ang misteryosong manunulat.

"Nabasa ko na ang lahat ng kaniyang nobela. Ako'y nagdadalamhati sapagkat binawian siya ng buhay nang hindi natatagpuan si Paloma," wika ni Juliana na nagpatuloy sa pagsasalita. "Kung nagkita lamang sila ay nagawa sana nilang sabihin ang kanilang tunay na nararadaman. Na lumipas man ang mahabang panahon, at sa kabila ng nangyari ay mahal pa rin nila ang isa't isa," patuloy ni Juliana na natahimik matapos sabihin ang kaniyang pananaw.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon