Special Chapter

48.2K 3.2K 7.1K
                                    

ISANG malakas na sigaw ang sunod-sunod na umaalingawngaw sa mansyon ng pamilya De Avila. Magkatulong na inalalayan nina Doña Marcela at Remedios si Socorro pahiga sa kama. "Dahan-dahan... huminga ka nang malalim." Paulit-ulit na saad ni Doña Marcela na pilit pinapalakas ang loob ng anak.

Marahang idinampi ni Remedios ang panyo sa noo ni Socorro upang punasan ang mga butil ng pawis nito. "Mahirap lang sa una ngunit kailangan mong kayanin, Socorro." Napapikit si Socorro saka tumingin sa nakatatandang kapatid kung saan ay bata pa siya noong nanganak ito.

"B-Bakit kay sakit naman nito?!" bulalas ni Socorro na napapikit na lamang habang tinitiis ang kaniyang tiyan na animo'y namimilipit. Hinawakan nina Amor at Manang Tonya ang magkabilang dulo ng kumot at ipinatong sa umbok na tiyak ni Socorro.

Araw ng Pasko. Kagagaling lang nila sa huling Misa De Gallo nang makaramdam ng matinding pangingirot sa tiyak si Socorro na kasalukuyang nagdadalang-tao. "Gawin mo lang ang tulad ng iyong ginagawa sa tuwing ikaw ay naglalabas ng sama ng loob sa palikuran," wika ni Amor dahilan upang mapatingin sa kaniya ang lahat. Maging si Socorro ay napatigil at napaisip sa sinabi ng kapatid.

"Ako'y nagbibiro lamang. Anghel itong dinadala mo, ate." Ngumiti si Amor. Tumikhim si Remedios saka sinenyasan siya na itikom muna ang bibig dahil likas kay Amor ang makapagbitiw ng mga salitang hindi naaangkop sa sitwasyon.

Muling napahiyaw si Socorro nang kumirot ang kaniyang tiyan. Dali-daling pumwesto si Manang Tonya at inihanda ang sarili. Sa loob ng mahabang panahon ay hindi na mabilang ang mga kababaihan na natulungan niyang manganak. Siyam na beses na rin niyang ginabayan si Doña Marcela sa panganganak.

Pumutok na ang patubigan. "Ako'y magbibilang ng sampu, sundan mo lamang ang aking bilang at huwag kang hihinga pabalik."

"O, narinig mo ba iyon? Sundan mo ang bilang ni Manang Tonya."

"Sa bilang ng sampu..."

"Hindi. Lima lang."

"Sampu raw!"

"Ang dinig ko ay lima!"

"Sampu nga sabi!"

"Tumigil nga kayong dalawa!" suway ni Doña Marcela sabay kurot sa tagiliran ni Amor at tumingin kay Socorro. "Ikaw naman Socorro, sumunod ka na lang. Hanggang dito ba naman ay makikipagtalo ka pa rin." Kung hindi lang nanganganak si Socorro ay tiyak na makukurot na siya ng ina. Gayunpaman, bakas sa hitsura ni Doña Marcela ang matinding pag-aalala sa kalagayan ni Socorro na magsisilang ng panganay nito.

Patuloy na pinupunasan ni Remedios ang mga butil ng pawis sa noo at leeg ni Socorro. Nanlalamig din ang katawan ni Socorro at maluha-luha ang mga mata. "Malapit nang lumabas ang iyong anak!"

"Nasaan ba si Cristobal?!" sigaw ni Socorro na namumula na ang mukha habang pilit na hinahabol ang paghinga.

"Nasa ibaba lang sila. Hindi sila maaaring umakyat dito," saad ni Feliciano na nakatayo sa tabing-bintana habang inoobserbahan ang pangyayari. Gustuhin man niyang tumulong ngunit nangunguna na ang kaniyang ina at si Manang Tonya na mas may karanasan sa pagpapaanak kumpara sa kaniya.

"Kaunting tiis na lang, Socorro." Kalmadong saad ni Remedios. Sinusubukan niyang pakalmahin si Socorro ngunit bigo siyang magtagumpay.

"Kanina ko pa---Leonora! Dalhin mo na 'yan dito!" sigaw ni Manang Tonya nang makita si Leonora na tulala sa tapat ng pintuan habang hawak ang maliit na palanggana na naglalaman ng maligamgam na tubig.

Natauhan si Leonora. Ang totoo ay nanghina ang kaniyang tuhod at hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan nang makita ang tubig na may halong dugo sa kama. Nagbabalik ang nakaraan na siyang nagpapaalala sa kaniyang karanasan mula sa isang madugong trahedya.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon