Chapter XXXIX

94.2K 2.8K 221
                                    

CHAPTER THIRTY-NINE

FRANZESS

NATAPOS ang concert ng Paranoia at wala pa rin ako halos sa sarili ko. Pakiramdam ko ay nakalutang ako sa alapaap at hindi ko alam kung kailan ba ako tuluyang babagsak.

Ang lalaking iyon na may bughaw na mga mata ang pilit gumugulo sa ulo ko kahit pa nakauwi na ako at masaya ang pagkakasalubong sa akin ni Inang Gorya. Walang pagsidlan ang kaligayahan niya na naipadala niya ako sa concert na iyon.

"Nag-enjoy ka ba, anak? Naku, habang pinapanood ko kanina sa live ng RTC 9 iyong concert, parang gusto ko rin umiyak sa sobrang guwapo ng tinig ng mang-aawit nila. Hindi naman siya mukhang brokenhearted pero ramdam na ramdam ko iyong sakit. Ang galing, ano?"

"O–opo, Inang. Ang kisig po ng boses—"

"Pero parang wala rito ang isip mo kahit pa kakuwentuhan mo 'ko. May nangyari ba?" tanong ni Inang saka naglapag ng tsaa sa harapan ko.

"W–wala naman po, Inang. N–napagod lang po siguro ako," katwiran ko na umaasa akong bebenta sa kaniya.

"Ikaw ang bahala kung hindi ka handang magsabi, anak," anito sa akin, saka naupo sa harapan ko. "Maiba ako, anak. Alam kong naitanong ko na sa iyo ito noong nakaraan pero, gusto mo bang muling mag-aral? Hindi mo kailangan intindihin ang gagastusin dahil marami akong naitatabi rito kaya't mayroon akong magagastos para sa iyo. Huwag mong isipin na utang na loob ito dahil ito na lang ang mgagawa kong kabayaran sa kabaitan ng mga magulang mo sa akin noong nabubuhay pa sila," mahaba nitong turan sa akin at parang nawalan ako ng isasagot sa kaniya.

Hindi sa hindi ako handang mag-aral. Natatakot lang ako sa katotohanan na mararamdaman ko na tuluyan na akong napag-iwanan, na baka hindi na para sa akin ang pag-aaral. Natatakot akong baka sampalin ako ng katotohanan na hindi para sa akin ang pagtatapos dahil hindi ko magagawang sundan ang kasalukuyang agos.

"T–tanggihan ko na lang muna siguro pong muli iyang alok ninyo, Inang—"

"Hindi ko tatanggapin ang pagtanggi mo sa ngayon, anak. Ayaw kong mamatay ako at maiiwan kang mag-isa rito na hindi mo na naman alam kung saan at kanino ka kakapit. Ayaw kong iisipin mo kung saan na naman papunta ang buhay mo. Sa naikuwento mo sa akin tungkol sa tiya mo, hindi ko nakikitang tutulungan ka niya kung magkakaroon ng kagipitan kaya't hindi ko maipagkakatiwala ang maaaring mangyari sa 'yo sa kaniya. Kaya naman sana'y tanggapin mo ang alok ko. Para rin naman ito sa ikabubuti mo."

Parang nalulunod ako sa mga katagang naririnig ko kay Inang. Sa ilang buwan naming magkasama, ramdam na ramdam kong mahal na mahal niya ako at wagas ang pagkalingang nais niyang ibigay sa akin.

Nginitian ko si Inang, saka ako marahan na tumango sa kaniya. "Maraming-maraming salamat po, Inang. Sa lahat-lahat po ng tulong at pagbibigay n'yo sa akin, maraming-maraming salamat po," anas ko, saka ako tumayo at yumapos kay Inang. Hinaplos naman niya pabalik ang likod ko na wari bang sinasabi niya na magiging maayos din ang lahat.

LUMIPAS ang araw at narito ako ngayon sa isang medyo kilalang kolehiyo. May kakilala si Inang na isang guro rito na sinabi niyang maaaring makatulong sa akin.

Luminga-linga ako sa paligid at talaga namang naggagandahan at nagguguwapuhan na mga estudyante ang bumungad sa akin.

Ang sarap nilang tingnan na tila ba enjoy na enjoy nila ang kabataan nila na hindi ko man lang naranasan.

"Stop following me, Kuya! You're attracting attention for heaven's sake!" galit ang tinig na iyon na ikinalingon ko.

Nakita ko ang isang dalaga na kahit pa galit ang emosyon na nakarehistro sa mukha niya ay umaangat pa rin ang taglay niyang ganda. May bughaw siyang mga mata na lalo pang nakapagbigay sa kaniya ng kakaibang karisma.

Debt and Pleasure [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon