Kabanata 2

23 7 0
                                    


“Oo, bakit?” tanong niya pa habang nasa ere pa rin na lumilipad. Sakto lang ang laki niya at may pagkaasul ang kanyang kulay. Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nakikita.

“Anong bakit? Hindi ko kailanman na-batid na may ibong nagsasalita?!”

“Iyan lang ang akala mo, Alora. Ayusin mo nga iyong pagtayo at mukha. Para mo naman akong kakatayin!” anito. Aba!

“At bakit mo naman ako kilala? Ano ang iyong pangalan? Ibon ka ba talaga o isa kang Dahor na nag-iibon-ibon lang? May masama ka bang gagawin sa akin? Babae ka ba o lalaki?” sunod-sunod kong tanong sa kanya. Para akong nanumbat ng batang makulit pero ang kaibahan lamang ay nakatingin ako sa itaas at hindi sa baba. Ang sakit na ng leeg ko kakatingala sa kanya.

“Hinay-hinay lang sa pagtanong. Kilala kita kasi nakapunta na ‘ko sa lupain ninyo. Ang pangalan ko ay Eloia, pero pwede mo rin akong tawaging Loia. Oo, ibon talaga ako. Hindi ako Dahor katulad mo, isa akong hayop,” sabi niya saka lumipad pababa patungo sa buhangin, “wala akong masamang gagawin sa ‘yo. At lalaki ako.” Ngayon ay nakaharap na siya sa dagat kaya tumabi ako sa kanya, may pagtataka pa rin.

“Bakit mo ako kinausap?”

“Dahil umiyak ka,” simple niyang sagot. Mas lalo akong nagtaka.

“Hindi kita nauunawaan, Eloia.” Tumahimik siya nang ilang segundo. Hahawakan ko sana siya nang bigla siyang magsalita.

“Ako ang iyong makakasama sa paglalakbay, Alora.” Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Hindi ko matukoy ang paraan kung paanong batid niyang ako ay maglalakbay, o marahil ay narinig niya ako kanina sa aking pag-iyak.

***

“Paalam, Talum at Talam. Sana’y makita ko kayo sa huling lupain na ating tatahakin, at doon, tayo’y hindi na magkakalayo,” saad ko sa kanilang harap sabay yakap. Hindi ko mapigilan ang aking mga luha kaya tuluyan na itong lumabas mula sa aking mga mata.

“Tweet! Tweet!” tunog ng ibon. Napalingon ako sa pinagmulan nito at nakita ko si Eloia na lumilipad. Marahil ay handa na rin siya na ako’y samahan.

Pagkatapos makuha ni Eloia ang aming atensyon ay niyakap akong muli ni Talam at Talam. “Paalam, anak. Ikaw ay mag-ingat. Nawa’y gagabayan ka ni Eloia,” ani Talam saka tumingin kay Eloia na nakalipad lang. Muli kong isinandal ang aking ulo sa kanyang dibdib, pumikit at dinarama muna ang init ng pag-ibig ng aking Talam at Talum.

***

Hindi ko mawari kung ilang minuto na akong naglalakad. Wala pa rin kaming nararating. Ang sabi ni Eloia ay sundin ko lang ang daan na dinadaanan ko. Nakaramdam na ako ng pagod.

“Mahal na mahal mo ang Talam at Talum mo, ano?” biglang tanong sa akin ni Eloia. Naglalakad ako at siya na ma’y nasa itaas ng ulo ko na nakalipad.

“Tunay iyan, Eloia.”

“Tweet! Tweet!” tunog pa nito dahilan upang lingunin ko siya.

“Naririnig ka ba ng iba kung nagsasalita ka sa paraan din ng pagsasalita ko?”

“Oo, sa mga kapwa ko hayop, naririnig nila ako. Sa katunayan ay ganito kaming mag-usap. Ikaw lang ang nakaririnig sa akin na isang Dahor,” paliwanag niya.

“Bakit naman? Pero teka, maaari ba tayong magpahinga muna, Loia? Ako’y nakararamdam na ng pagod. Ikaw, hindi ba napapagod ang iyong mga pakpak sa kakalipad diyan?”

“Tweet! Tweet! Sige, tayo'y umupo ro’n, sumunod ka sa ‘kin.” Pinangunahan niya ako sa daan upang ako'y gabayan. Maya-maya ay nakarating na kami sa ilalim ng puno. Malaki ito at malamig ang kapaligiran. Nagpasya akong umupo at si Eloia nama’y tumabi sa akin. Sa oras na ito’y hindi na siya lumilipad. Nang maayos na ang aking pagkaupo ay tumapat sa aking paningin ang naglalakihan at luntiang mga bukid. Napangiti ako.

ALORAWhere stories live. Discover now