Kabanata 10

8 3 0
                                    


“Ano pong ginagawa n’yo rito?” tanong ni Bogart nang makita niya ang kanyang Kuya Macky.

“Ibibigay ko lang sana itong papel mo, Bogart. Nadala ko,” sagot nito.

“Ah! Kaya po pala hindi ko makita sa bag ko.”

“Oo, pasensiya ka na.”

“Ayos lang po. Pakilagay nalang po d’yan sa may bato kasi mababasa po ’yan dito,” pakiusap pa ni Bogart.

“Sige. May plastic envelope ako rito. Dito ko ilalagay ha. Sige, I’ll see you this Saturday, Bogart. Mauna na ‘ko.”

“Sige po, Kuya!”

“Miss,” wika nito nang tumingin sa akin at bahagyang yumuko ang kanyang ulo na nagpapahiwatig ng paggalang sa pag-alis. Nakaramdam ako ng hiya nang magkatagpo ang mga paningin namin. Ngumiti lang ako sa kanya at bahagyang itinaas ang dalawa kong kilay bilang pagtugon din.

“Gwapo si Kuya Macky, ate, ano?” biglang tanong ni Bogart nang nakalayo na ito.

“Ikaw talagang bata ka.”

“Sus!” asar niya pa at winisikan ang mukha ko ng tubig. Binasa ko rin ang ulo nya dahilan upang matawa kaming dalawa.

“Yieee!” pang-aasar niya ulit.

“Ikaw!” wika ko sabay tapon ng tubig sa mukha niya, “anong alam mo sa pag-ibig?” dagdag ko pero tumawa lang kami nang malakas.

***

Nakaramdam ako ng init sa buong mukha at katawan ko kaya dumilat ako. Umaga na pala. Bumangon ako at nagligpit ng higaan. Tahimik ang buong bahay.

“Bogart, anong ginagawa mo d’yan?” tanong ko sa kanya habang siya’y nakaupong nakatalikod. Agad naman siyang lumingon sa kinatatayuan ko.

“Ate! Good morning. Nag-aaral lang po ako. Magkape ka na po d’yan.”

“Nasaan ang tatay mo?”

“Nangingisda, po.”

“Hindi ka pala palaging sumasama?”

“Hindi po, ate, kung may kailangan po akong pag-aaralan.”

Tumabi pa ako sa kanya para tingnan ang mga ginagawa niya. May nabasa akong “Story” at “Setting.”

“Anong ibig sabihin ng setting, Bogs?”

“Uhmm...sabi dito, ate, ang ‘setting’ sa kwento ay ang lugar kung saan nangyayari ang kwento. Bali po itong inaaral ko ngayon ay ang paggawa ng kwento. Baka magpagawa ng kwento si Kuya Macky sa susunod na klase namin, e.”

”Naks, ang sipag mag-aral naman. Pero may bago rin akong natutunan, Bogs, salamat!” tinapik ko ang ulo niya at ako’y tumayo na upang magwalis at maglinis sa loob ng bahay. Para kahit ito’y maliit lang, e, malinis naman.

***

Pagkatapos kong maglinis sa loob ng bahay ay lumabas muna ako. Kumuha ako ng mga puting bato sa tabi ng dagat para gawing palamuti sa labas ng bahay nina Manong Tacio. Hindi pa pala nakauwi si Manong Tacio, gayong magtatanghali na. Pumasok muna ako sa loob para maghanda ng pananghalian namin ni Bogart.

“Bogs, pahinga ka muna. Kaninang umaga ka pa nag-aaral d’yan. Teka lang maghahanda na ‘ko sa lamesa para kakain na tayo.”

“Sige po, ate.” Nagtungo na ako sa kusina at naglabas ng mga plato at iba pang mga kubyertos.

“Umuuwi si tatay mo sa umaga, ‘di ba?” tanong ko sa kanya habang nihahain ang kanin pati ang ulam.

“Opo.”

ALORAWhere stories live. Discover now