Kabanata 16

12 3 1
                                    


Parang tumigil ang mundo ko sa nasilayan. Hindi ko kailanman inasahan o inisip ang pagkakataong ito. Ito na yata ang pangyayarina hiling ko'y sana hindi lang isang panaginip. Hindi ko maipaliliwanag ang kasiyahan ng damdamin ko sa aking nakita.

Ninanais ko nang humakbang at tumakbo upang makapunta sa kanilang kinatatayuan pero parang dumikit ang mga paa ko sa lupa at maging ang paningin ko sa kanila dahil ang tanawin na iyon ay sabik na sabik akong makita. Maya-maya ay nakaramdam ako ng pag-init sa bawat sulok ng mga mata ko.

"Talum..Talam.." sambit ko sa hangin. Hindi ko na mapigilan pa kaya tumakbo na ako sa kanila at yumakap.

"Alora!" tawag sa akin ni Talam. Nangulila ako sa boses na iyon. "Alora.." boses naman ni Talum. Isinubsob ko ang mukha ko sa pagitan ng kanilang mga dibdib. Ilang taon ko ring hindi naramdaman ang mainit na mga yakap na ito. Aaminin ko talagang nangulila ako kay Talum at Talam. May minsan ding dahil sa kalungkutan ko ay nakalimutan ko sila. Sana ay naging kasama ko sila sa mga nagdaang panahon na nagkasala at nalungkot ako. Pero hindi bale, ngayong narito na sila, ikukuwento ko nalang sa kanila ang mga naranasan ko.

Unti-unti nang nag-uunahan ang mga luha ko habang kayakap ko silang dalawa. Tila ba ay bumalik ang mga alala namin noong kami'y nasa Lupain ng Paglikha pa lamang, masayang nagsa-sama bilang isang pamilya. Pero ang realidad ay hindi doon nagtatapos ang lahat.

Hindi pa rin tumitigil ang mga luha ko sa pag-uunahan sa paglabas. Napatanong tuloy ako kung bakit alam ng mga luha ko na may kirot akong naramdaman kaya sila'y lumalabas sa mga mata ko. Narinig kong tumawa nang mahina si Talum at Talam. Kumulubot naman ang noo ko roon kaya kumawala ako sa yakap nila.

"Kumusta ka na?" tanong agad ni Talam sa akin. Iyong tingin ko sa kanilang dalawa ay parang malungkot na nakikiusap. Gusto ko muli silang makasama..

"Maayos naman po, Talam. Kayo pong dalawa ni Talum?"

"Ayos lang din kami, Alora. Ikinagagalak kong umabot ka rito," ani Talum. Nagtaka naman ako. "Ano pong ibig ninyong sabihin?"

"Kaunting Dahor lamang ang umaabot dito sa Lupain ng Pagsama. Ang iba ay hindi umaabot dito dahil nadala sa kanilang kasalanan at kalungkutan. Piniling mamuhay bilang isang tao," paliwanag niya. Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Akala ko'y ako lang may ganoon karanasan, kami palang lahat. Bakit hindi ito nasabi sa akin ni Eloia? Kaya naman, nilingon ko siya at buti nalang ay nasa itaas lang siya na maaabot lang namin na lumilipad.

"Mananatili tayo dito nang isang gabi at bukas ay magpatuloy na tayo sa paglalakbay," wika ni Talam.

"Magkakasama na po ba tayo sa paglalakbay mula ngayon?" maligalig kong tanong sa kanilang dalawa. Sana ay ganoon nga. "Tingnan natin," aniya. Base sa kanyang naging sagot ay hindi sigurado. Ngunit hiling ko ay ganoon. Ilang taon ko ring hindi nakasama si Talum at Talam, sana ngayon ay makakasama ko na sila. Sabay kaming papasok sa Lupain ng Kaluwalhatian.

***

Magtatakip-silim na at nandito pa rin kami sa isang kubo kasama sina Talum at Talam. Si Eloia ay nagpaalam munang lumipad para makapaglabas ng pagod.

“Dito po muna tayo?” tanong ko kay Talam.

“Oo, anak. Bukas, aalis na rin tayo dahil may dadating din na mga Dahor at dito manatili nang isang gabi.” Tumango lang bilang pagtugon. Nilibot ko ang tingin ko sa loob ng kubo. Naalala ko ang bahay nina Mang Tacio at Bogart pero ‘di hamak na mas malaki ang kanilang bahay kontra dito.

“Talum, Talam, may naalala po pala ako sa ganitong tirahan. Sina Manong Tacio at Bogart po ay mag-ama. Si Manong Tacio po ay isang mangingisda tapos nag-aaral naman ang kanyang anak na si Bogart. Pinatuloy po nila ako sa kanilang munting tirahan. Napakabuti po nila sa akin kaya nung nalaman kong may nagawa po silang mali, halos nagulat po ako dahil ko inasahan iyon,” kwento ko sa kanilang dalawa. Ang dami kong nais i-kuwento sa kanilang dalawa.

ALORAWhere stories live. Discover now