Kabanata 4: Tabing-ilog

13 2 1
                                    


"Kagalang-galang na Binibini, narinig ko ang usap-usapan sa bayan kahapon, ang sabi nila'y namataan daw kayo ni Ginoong Florendo noong sabado, masayang magkahawak ng kamay sa balkonahe ng inyong mansiyon." ani Grazilda, ang anak ng tagapagsilbi ng pamilya Del Fuego, magkasing-edad lamang sila ni Virginia, kahit malayo ang agwat nila at katayuan sa buhay ay pumayag ang nag-iisang anak ng mga Del Fuego na makipagkaibigan rito.

"Siguro'y mas matamis pa sa kinain kong puto bumbong kanina ang ginawa ninyo noong nakaraan." pasaring ni Alda, ang isa pa nilang kaibigan.

Nakiisa rin sa pang-aasar ang tatlo pang mga Binibini na kanilang kasama, nasa tabing-ilog sila ngayon, naglalaba, bagama't, anak ng mga maharlika ay nakagawian ni Virginia na siya ang maglaba sa sarili niyang mga kasuotan, ayaw niya na itong ipaubaya sa mga naninilbihan sa kanila, aniya, “kayang-kaya niya na itong gawin.”

"Mga pilya talaga kayo kahit kailan, hinagkan niya lang ang aking kamay, ilang minuto lang din 'yon, pagkatapos ay lumisan na siya't, bumalik sa kampo." mahinhin na sagot niya, ngunit kakaiba ang ngiti sa labi ng Binibini, mahihinuha mong mahal na mahal nito si Florendo. Sundalo kasi ang kaniyang kasintahan.

"Ilang minuto lang? Baka may hindi siya maiwan-iwan sa kampo, kaya ganoon." paghirit pa ni Alda, "Nagbibiro lamang." humagikgik ito at itinuloy na ang pagkusot ng hawak niyang damit.

"Hindi magagawa 'yon ni Florendo, tapat siya sa akin at mahal niya ako." nakangiting wika ni Virginia.

"Alam namin, hindi na nga kami makapaghintay na mag-isang dibdib kayo." anas naman ni Grazilda.

"Masyado pang maaga para pag-usapan ang bagay na 'yan, wala pa sa isip kong magsama kami sa iisang bubong at bumuo ng pamilya." piniga nito ang damit na hawak niya at inilagay sa ibabaw ng katabi niyang bato. "At isa pa, hudyat at desisyon ng aking Ama at Ina ang hinihintay ko."

"Baka mamaya kasi, kakahintay mo sa hudyat ng 'yong mga magulang, lumingon siya sa iba, biro lang ulit."

"Alda, ikaw talaga." sinamaan ni Grazilda ng tingin ang nakabungisngis pa ring si Alda.

Nagpatuloy sila sa kanilang mga ginagawa nang bigla silang magambala ng isang malakas na halakhak, pakiwari nila'y, nanggaling lang 'yon, hindi kalayuan sa kanila.

"Luisito, ikaw ang talo, akin na ang pera, wala kang huli ngayon." utas ni Alejandro, nakapamaywang nitong kinakausap ang problemado at panay kamot sa ulong kaibigan. Nagkaroon kasi sila ng pustahan, kung sino ang unang makakahuli ng tatlong isda ang siyang panalo, gamit lang nila ang kanilang mga pamingwit na ang pain ay kuhol sa panghuhuli. Mabuti na lang at ito ang paboritong bonding noon ni Alejandro at ng kaniyang Ama, noong bata siya, kaya maalam siya sa panghuhuli ng isda.

"Parang dati lang, palagi kang talo sa akin, napaka-imposible talagang nanalo ka ngayon, siguro may daya 'yang pamingwit mo." gagad ni Luisito, kinuha pa nito ang pamingwit ni Alejandro, pero wala siyang nakita na kahit ano'ng bahid ng pandaraya.

"Noon lang 'yon, pero ngayon, hindi na, akin na 'yong pera, may babayaran pa ako'ng utang bukas sa bayan."

Wala nang nagawa si Luisito kung hindi iabot ang limang piso sa kaniya.

Dala ng gulat at kuryosidad ay tumayo ang anim na Binibini na kanila lang ay naglalaba, naglakad sila ng ilang hakbang, at ngayon nga'y natanaw nila ang dalawang Ginoo na walang saplot pang-itaas, basang-basa ang kanilang mga katawan, lantaran ang kanilang mga mahuhulmang braso at perpektong katawan, mas matangkad at mas malaki lamang ng kaonti ang katawan ng isang lalaki, kumpara sa kaniyang kasama.

"Mawalang galang na po, mga Ginoo, ngunit hindi yata tamang wala kayong saplot pang-itaas, lalo na't may mga babae ngayon sa harapan ninyo, at isa pa, nag-iingay kayo, umagang-umaga."

Napatigil ang dalawang magkaibigan na si Alejandro at Luisito nang marinig ang tinig na 'yon, napatingin sila sa kanang bahagi, at naroon nga't nakahilera ang anim na magagandang Binibini, ngunit iisa lang ang nakatawag ng pansin at atensiyon ni Alejandro, ang babaeng nakasuot ng puting damit at puting saya, ito 'yong Binibining nakita niya kahapon, ang nag-iisang anak ng Gobernador-Heneral, si Virginia Del Fuego.

Napatitig lang si Alejandro kay Virginia, diretso lang din ang tingin sa kaniya ng Binibini, ni hindi man lang ito kumukurap, ma-awtoridad talaga ang dating nito. Tinatabig na siya ng kinakabahang si Luisito, pero hindi pa rin ito nakakabalik sa hustong wisyo.

"Ang anak ng Gobernador-Heneral." bulong ni Luisito, habang tinatabig pa rin ang balikat ng kaibigan, gamit ang kaniyang braso.

"P—paumanhin, Binibini," Dali-dali nitong pinulot ang damit niya sa batuhan, sumunod na rin ang naghuhurumentadong si Luisito.

Tumalikod na si Virginia, ganoon din kaniyang mga kasama, bumalik na sila sa kanilang puwesto kanina. Isa-isa na nilang binuhat ang kanilang mga batsa, uuwi na ang mga ito, dahil tapos na sila.

"Binibini, hayaan mo akong buhatin na lamang ang iyo."

Nagulat si Virginia sa biglaang pagsulpot ni Alejandro sa harapan nila.

Tinignan siya mula ulo hanggang paa ng Binibini. "Kung 'yong nanaisin, hindi na ako tatanggi." saad ni Virginia.

Kinalabit ni Luisito ang likod ni Alejandro. "Paano naman ako? Alangan namang buhatin ko ang dala ng limang 'yan?" I-nginuso ni Luisito ang mga kasama ni Virginia.

"Ikaw na mag-desisyon." Ngumiti lang si Alejandro at lumapit na kay Virginia, magalang nitong kinuha ang hawak ng Binibini.

Nauna na rin silang maglakad, naiwan sa likuran nila si Luisito at ang iba pang mga Binibini.

Habang naglalakad sila'y, mahinang tumikhim si Virginia. "Ginoo, kung 'di mo mamasamain, nais kong malaman ang 'yong ngalan."

Bumilis naman ang tibok ng puso ni Alejandro sa narinig, nanlambot pa ang kaniyang mga tuhod, muntikan pa nitong mabitawan ang hawak.

"A—ang pangalan ko?" nauutal niyang isinalabi.

Tumango lang si Virginia.

"A—ako si Alejandro Raldeuff, h—hindi pala, ako si Alejandro Robles."

Nakaramdam ng pagka-aliw si Virginia sa paraan ng pagsagot ni Alejandro, para kasi itong paslit na nag-aaral pa lang magsalita, panay kasi ang pagkautal niya.

"Bakit ka nakangiti? Napapangitan ka ba sa pangalan ko?" nahihiyang buwelta ni Alejandro.

"Sa tingin mo ba'y nanaisin ko pang alamin ang pangalan mo, kung tatawanan ko lang din ito? At isa pa'y, sino ako para kumutya? Ganoong tao lang din ako, gaya mo? Hindi ba maaaring nakangiti lang ako, dahil nakahanap ako ng mabait na kaibigan?"

"K—kaibigan?" gulat na sagot ni Alejandro.

"Oo, may masama ba roon?" pagtatanong ni Virginia.

"Wala naman, pero mas mabuti sana kung—

"Kung?"

"Wala, ang nais kong sabihin, mas mabuti sana kung bilisan pa natin ang paglalakad, Binibini."

Napailing na lang si Virginia, habang nakangiti pa rin.

“Mas mabuti sana kung kasintahan.” ani Alejandro sa isipan.

My Sinisinta (TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon