Kabanata 6: Ang Sayawan

9 2 1
                                    

"Bakit mo nga biglang natanong ang tungkol kay Virginia at ang kasintahan niyang Heneral, anak?" nagtatakang tanong ni Gabriella, abala ito sa pananahi sa isusuot niyang saya mamaya, nasa harapan naman nito ang anak na si Alejandro.

"Wala po, bigla lang kasi akong na-curios— hindi, ang ibig ko pong sabihin, gusto ko lang itanong at malaman ang sagot ninyo."

Saglit na tumigil si Gabriella sa ginagawa at nakangiting tumingin ng diretso sa anak, napapansin na niya ang pagbabago ng anak nitong nakaraang mga araw, bagama't may mga pagkakataon pa rin na nalilito sila sa kilos at pananalita niya'y, kumpiyansa ang Ginang na bumabalik na sa dati ang anak, unti-unti.

"Matagal na silang magkasintahan, ipinagkasundo sila apat na taon na ang nakararaan, bente anyos lang noon si Virginia, at si Heneral Florendo naman ay dalawang agwat ang tanda sa kaniya, matalik na magkaibigan ang kanilang mga magulang noon pa, isa 'yon sa rason kung ba't sila ipinagkasundo."

"Isa 'yong pagkakaibigan ng kanilang mga magulang na rason kung ba't sila ipinagkasundo? Kung ganoon mayroon pang iba? Pero, ano po 'yong pinaka-rason kung ba't sila ipinagkasundo?"

Hinawakan ni Gabriella ang palad ng anak. "Nakalimutan mo na bang, nabubuhay tayo sa panahon na kung saan ang mga maharlika ay para lamang sa mga maharlika, at mga dukha kagaya natin, ay sa mga dukha lang din nararapat? Galing sila pareho sa mayayamang angkan, makapangyarihan ang kanilang mga pamilya, 'yon ang ang dahilan kung ba't sila ipinagkasundo."

Hindi na nagulat si Alejandro sa narinig mula sa kaniyang ina, ganito kasi kadalasan ang plot twist ng historical movies na napapanood niya sa kasalukuyang panahon kung saan siya galing.

"Pero, may mga narinig na ba kayong maharlika na nagpakasal sa isang dukha?" usisa niya.

Napabuntong-hininga ang kaniyang ina. "Mayroong ilan ang nagtangka, anak, ngunit pagkaraan lang din ng ilang taon ng kanilang kasal ay puwersahan at tahasan silang pinaghiwalay, inilalayo ng mga pamilya ng maharlika ang kanilang mga anak, dinadala sa malalayong bayan, at sinisigurong hindi na nila mababalikan ang mga dukhang kanilang pinakasalan." dagdag pa ni Gabriella.

"Kung ganoon nga po, ay puwede nga?"

"Puwede, ngunit mahirap at imposible, para ka na ring naghuhukay ng sarili mong libingan, at ang isang paa mo'y nakabaon na sa lupa."

Nakaramdam ng kaonting panlulumo si Alejandro sa narinig. "Sige po, magbibihis na ako para sa sayawan mamaya." pamamaalam niya sa ina, saktong pagtayo at pagtalikod nito'y pinigilan siya ng kaniyang ina.

"Anak, maaari mo bang tawagin ulit akong, ina?" pagsusumamo ng kaniyang ina, mahigit isang linggo na niyang hindi naririnig na tawagin siyang “ina” ni Alejandro, at nalulungkot siya ng husto dahil doon.

"S—sige po, mauuna na ako sa pagbibihis, huwag kang mag-alala sasabihan ko na rin po si Magdalena na magbihis, ina.."

Isang malawak na ngiti ang sumilay sa labi ni Gabriella, nang sandaling marinig 'yon muli sa kaniyang ina. "Maigi nga anak."

******

"Alejandro aking kaibigan, sa tingin mo ba'y mahuhulog na sa akin si Blanca ngayong gabi?" nakangiting tanong ni Luisito, habang itinataas ang manggas ng suot niyang damit.

"Kung pa-guwapuhan lang din ang pag-uusapan, hinding-hindi ka mananalo sa akin, pero kaarawan mo bukas, kaya sige, ikaw na muna ang guwapo ngayon." paghirit naman ni Alejandro.

"Ang ingay-ingay po ninyo, mga Kuya, akala niyo naman gusto nila kayo." bulalas ng nakapamaywang na si Magdalena na nasa gitna nila.

"Magdalena, munting Binibini, napakaganda mo ngayong gabi." papuri ni Luisito, nangalumbaba pa ito.

"Araw-araw po akong maganda, Kuya Luisito."

Napatawa na lang ng mahina si Luisito at Alejandro.

Nagsimula na ang pagdiriwang sa mansiyon ng mga Del Fuego, sa likod ng kanilang tahanan, sa halamanan magaganap ang pagdiriwang at piging, ngayong gabi kasi ang simula ng kapistahan ng kanilang bayan. Maraming tao ang dumalo, karamihan ay galing sa mga kilala at mayayamang angkan, pinangungunahan ng mga Del Fuego.

Nakaupo naman sa may sulok ang pamilya ni Alejandro, kasama na rin ang pamilya ni Luisito, nasa gitna na ang ilang mga Binibini, nakaupo at hinihintay na lang ang tugtog bilang hudyat na sayawan na. Nahagip ng mga mata ng binatang si Luisito si Blanca Miranda, ang Binibining iniibig ng kaniyang puso, na sa kasamaang palad ay may kasintahan na, hindi mayaman sina Blanca, hindi rin mahirap, parang nasa gitna lamang sila ng tatsulok. Napangiti ang Binata nang mamasdan ang kumikinang na ganda at alindog ng kaniyang sinisinta, pakiramdam niya'y nakahilata siya sa ulap at hinahaplos ng mga anghel ang kaniyang puso. Sa kawalan ay natulala na siya ng tuluyan, subalit agad siyang bumalik sa katinuan nang kurutin ni Alejandro ang kaniyang balakang.

Ilang minuto pa'y narinig na nila ang tugtog, sabay-sabay na tumayo at dahan-dahang naglakad papunta sa gitna ang mga kalalakihan, ang mga Ginoo kasama ang kanilang mga asawa, at ang mga binata na ngayon ay susubok na isayaw ang mga Binibini na kanina pang nakaupo sa gitna.

Nauna na sa gitna ang mga magulang nila Luisito ang Alejandro, ganoon din si Luisito na hindi makapaghintay na maisayaw si Blanca, kahit alam niyang may kasintahan na ito, samantalang si Alejandro ay nanatili sa kaniyang upuan, binabantayan ang kapatid na si Magdalena na kumakain, wala sa mga Binibini sa gitna ang gusto niyang isayaw, kaya wala siyang interes na tumayo at sumunod sa mga naglalakad paroon.

"Kuya, hindi ka ba sasayaw?" tanong ni Magdalena.

"Mamaya na lang siguro, wala naman diyan 'yong gusto kong isayaw, eh."

"Sino ba kasing gusto mong isayaw, Kuya?"

Hindi na niya sinagot ang kapatid at tanging ngiti na lang ang iginawad niya rito.

Labing-dalawang segundo, ayon lamang ang hinintay niya, bago masilayan ang ngayo'y pababa na sa hagdan na si Virginia, suot ang glamorosa niyang alampay at saya, ang buhok niyang nakalugay, ang suot niyang kwintas na gawa sa perlas, at ang ngiti niyang kumumpleto na sa gabi ni Alejandro. Mahinhin siyang naglalakad, napatigil ang lahat sa pagsasayaw upang pagmasdan siya, nakangiti itong umakaway sa lahat.

Wala sa sariling napatayo si Alejandro at nagsimulang naglakad papunta sa gitna, may mga nabangga pa siya na hindi niya namamalayan. Ang buong akala niya'y, nasa dulo ng hagdanan si Florendo, ang kasintahan ni Virgina, naghihintay upang alalayan siya at isayaw, ngunit mali siya ng hinuha, dahil wala ni anino ni Florendo ang kaniyang nakita. Kahit pa nakangiti si Virginia ay alam nitong hindi kayang magsinungaling ng kaniyang mga mata, malungkot ang magkapares na tsokolateng mata nito.

Maya-maya pa'y naupo na si Virginia sa gitna, mag-isa, habang pinapanood ang lahat. Humugot ng malalim na hininga si Alejandro, at dahan-dahang naglakad palapit sa kaniya, ilang mga mata ang nakatingin sa kaniya, pero 'di niya 'yon alintana. Nang marating na si Virginia ay inilahad nito ang kamay sa ere, kahit hindi siya sigurado kung tatanggapin 'yon ni Virginia. Bumilis pa lalo ang tibok ng puso niya ng ilang segundo na ang lumilipas ay hindi pa rin tinatanggap ng Binibini ang kaniyang kamay, tatakbo na sana siya sa sobrang hiya, ngunit hindi siya binigo ni Virginia, tinanggap nito ang kamay niya.

"S—salamat." ani Alejandro, nang magsimula na silang sumayaw.

"Walang anuman, aking unang sayaw." wika ni Virginia, nagpakawala ito ng maliit na ngiti.

“Unang sayaw? Ibig sabihin, ako ang first dance niya?” gulat na sabi ni Alejandro sa isipan.

My Sinisinta (TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE)Where stories live. Discover now