15 Inosente

36.7K 953 46
                                    

15

Inosente

HANGGANG NGAYON, HINDI pa rin napapatawad ni Vernice si Casper sa ginawa nito sa kanya. Nagkataong kasabay ni Casper si Vernice nang tunguhin nila ang lababo. Dala ni Casper ang mga kubyertos na hindi namin nagamit kanina nang kumain kami, ibabalik niya iyon sa hanging cupboard sa ibabaw ng lababo. Si Vernice naman ay naroon para maghugas ng kanyang mga kamay.

Nang buksan ni Vernice ang gripo para maghugas ng kanyang mga kamay ay napapitlag si Casper dahil bahagya itong nagulat. Siya namang pagtaas ng kilay ni Vernice. Humalukipkip ito saka tinitigan si Casper ng nakakainsulto, minata niya si Casper na tila ba napakamangmang nito dahil ito ang unang beses na nakakita ito ng tubig na nagmumula sa gripo.

Gumanti ng tingin si Casper, masama rin ang pagkakatitig nito sa babae. Nagsukatan ng tingin ang dalawa, parehas na gusto ng away ng dalawa. Mukhang sa isang iglap lang ay magsasapakan na ang mga ito. "Casper," tawag ko sa ngalan nito bago pa nito gawan ng masama si Vernice.

Hindi ako nito pinansin at patuloy lang itong nakipagtitigan kay Vernice. "Casper!" pasigaw na tawag ko. Natatakot kasi ako na baka kapag inaway na naman niya si Vernice ay mabugbog na naman siya ng kanyang kakambal. Lumingon naman na ito sa ikawalang beses na pagtawag ko kaya nilapitan ko na ito saka hinawakan sa braso. "Halika na," wika ko sabay hila pero tinitigan lang ako nito. "Halika na sabi! May sasabihin ako."

Nang sabihin ko iyon ay nagpahila naman na ito. Naiwan si Vernice na nakatayo sa harapan ng lababo, sinundan kami ng masama nitong tingin habang naglalakad kami palayo ni Casper.

"Ano ba 'yon?" agad na tanong ni Casper nang tumigil kami sa paglalakad pagpasok namin sa living room.

"Wala," sagot ko sabay upo sa sofa.

Napabungtong-hininga si Casper. "Layuan mo ang babaeng 'yon," wika nito bago tumabi sa akin.

"Wala ka bang balak na makipag-ayos sa kanya?"

"Bakit ako makikipag-ayos sa kanya? Rica, sinaktan ka niya. Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niyang pananakit sa iyo mahal ko. 'Wag kang mag-alala, kapag natutunan ko na ang panibagong sistema ng pamamalakad ng isang malaking lupain, sa teritoryo ko na tayo maninirahan. Hindi na natin kakailanganin pang makisiksik dito sa bahay ng kapatid ko."

"Casper, hindi mo naman kailangan makipag-away sa kanila. Hayaan mo na kasi. Mabuti pa humingi ka na ng tawad kay Vernice sa ginawa mong pananakit sa kanya. Alam mo, hindi naman kasi tayo nakasisigurado na siya ang nagtangkang pumatay sa akin."

Hindi nakakibo si Casper. "Siguro nga hindi siya dahil hindi mo naman nakita kung sino ang nanakit sa iyo. Pero siya lang ang taong naroroon. Hitsura pa lang nito nang makita ko siyang punung-puno ng dugo ang mga kamay, wala nang duda sa isip ko na siya ang nanakit sa iyo. Hindi mo ako masisisi, mahal ko. Nag-iingat lang ako, ayaw kong malagay kang muli sa kapahamakan."

Tumango na lang ako sa sinabi nito. Ayaw ko ng gulo, pero mukhang hindi talaga basta maiaalis sa isip nito ang pagkamuhi kay Vernice, lalo na't iniisip pa nito na ito ang nagtanggkang pumatay sa akin. Hindi pa rin ako sigurado, hindi ko nakita kung sino ang sumaksak sa akin. Kahit gaano kalalim ang gawin kong pag-iisip ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit gagawin sa akin iyon ni Vernice.

Wala, wala talaga.

Mayamaya ay naririnig ko na ang mga yabag ni Dominic na pababa ng hagdan. Pagbaba nito ay agad itong lumapit sa amin ni Casper. "Si Vernice?" tanong nito. Gulu-gulo pa ang buhok nito, ang suot nitong damit ay lukut-lukot din. Bagong gisng na bagong gising ang dating ng hitsura nito.

"Nasa kusina," sagot ko. Agad namang naglakad si Dominic patungo sa kusina. Pagkaalis nito ay napahugot ng malalim na hininga si Casper. "Oh bakit?"

Married to a Stranger [R-18] [Completed] [Published]Where stories live. Discover now