Prologue

1.5K 23 4
                                    


NAGISING si Angela sa mahihinang kalabog sa bintana. Ilang sandali siyang nakiramdam, at nang minsan pang marinig ang tila munting bagay na ibinato roon ay may pagtataka siyang bumangon.

Lumapit siya sa bintana at bahagya iyong binuksan. Iginala niya ang paningin sa hilera ng punungkahoy na animo mga bantay na nakatanod sa villa. Sa pagitan ng mga iyon ay ang maliliit na poste ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa malawak na bakuran.

Nang walang makitang kakaiba sa paligid, naisip ni Angela na marahil, ang kalabog na narinig niya ay gawa lamang ng mga buko ng mangga na ang ilang sanga ay malapit sa bintanang kanyang kinaroroonan.

Ngunit naisip din niyang maalinsangan ang panahon, walang kahangin-hangin. Paanong malalaglag ang mga buko ng mangga para tumama sa bintana at lumikha ng ingay?

Baka si Danny... anang isip niya. Posible, dahil iyon ang paraan nila sa gabi kapag magtatagpo sila sa kuwadra. Binabato nito ang kanyang bintana hanggang siya ay magising.

Pero araw pa lang ng huwebes. Sabado pa ng gabi darating si Danny dahil sa umaga ay may pasok pa ito sa kolehiyo.

Siguro'y nanaginip lang ako. bumuntong-hininga si Angela. Akma na siyang babalik sa higaan nang mahagip ng tingin ang isang aninong nagkukubli sa punong katabi ng posteng pundido ang ilaw. Pinagmasdan niya iyong mabuti at nang mapagsino ang nagmamay-ari ng anino ay tuluyan niyang binuksan ang bintana. Kumaway siya nang lumantad ang lalaki.

Sa pamamagitan ng senyas ay nagkasundo silang maghihintay ito sa kanilang tagpuan. Tiningnan niya ang oras sa wall clock nang isuot ang silk robe bilang pang-ibabaw sa manipis na pantulog. Lampas ala-una na ng madaling-araw.

Bagaman tiyak ni Angela na mahimbing na sa kani-kanilang higaan ang kanyang Lola Soledad at ang mga magulang ay buong ingat pa rin siyang nanaog sa hagdan. Parang magnanakaw na walang kalatis niyang tinawid ang sala, ang komedor, hanggang sa lumabas sa pintong patungo sa likurang bakuran.

Ang magkabilang gilid ng daanan patungo sa kuwadra ay natatamnan ng makapal na gumamela, kaya panatag ang loob niyang hindi siya makikita ng sinuman mula sa maliit na bungalow na tinutuluyan ng mga kawaksi.

Mula roon ay lakad-takbong tinungo ni Angela ang kuwadra kung saan naghihintay si Danny. Pagpasok na pagpasok niya ay nagyakap sila nang mahigpit na animo wala nang pagkakataong maulit iyon. Ingat na ingat silang huwag makalikha ng ingay upang hindi mabulabog ang apat na kabayong alaga ng kanyang amang si Ricardo.

"I miss you so much, Danny..." bulong niya nang magpatimbuwal sila sa bunton ng dayaming nasa sulok na bahagi ng kuwadra. Awtomatikong dumagan ang bulto nito sa kanya kasabay ng pagpulupot ng kanyang mga braso sa leeg nito.

"Hindi mo lang alam kung gaano ko pinanabikan ang mga sandaling ito, Angel," bulong nitong halos habulin ang hininga dala ng pananabik. Nanginginig ang mga kamay nitong humaplos sa mga hita niya.

Kasunod niyon ay naramdaman ni Angela ang marahan nitong paghatak sa panloob niya. Napapikit siya sa matinding sensasyong pakiwari niya ay unti-unting tumutupok sa kanyang katinuan. Wala siyang nais nang mga sandaling iyon kundi ang maramdamang muli ang pagmamahal nito.

"Danny..." anas niya kasunod ang isang buntong-hininga nang masuyo nitong hagkan ang dibdib niyang kasya lamang makulong sa mga palad nito. Napaigtad si Angela nang marahan nitong laruin sa bibig ang dunggot sa dulo niyon. At nang bumaba roon ang mga labi nito ay naipikit niya nang mariin ang nakapikit nang mga mata. Sa isip niya ay tila may sumasabog na mga paputok sa kadiliman, likha ng tila mumunting boltahe ng kuryenteng nanunulay sa bawat himaymay ng kanyang laman.

Gems 20: This Beautiful PainWhere stories live. Discover now