Chapter 1

1K 23 0
                                    


PAGLABAS pa lang ni Angela sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport ay agad niyang nakita ang driver na si Mang Dado. Nakatayo ito sa likod ng iron fence at nag-aabang kasama ng karamihan.

Nadagdagan na ng edad ang anyo ng tapat na driver ng kanyang Lola Soledad, pumuti na ang buhok nito. Subalit sa distansiyang pumapagitan sa kanila ay agad niya itong nakilala.

Kabaligtaran sa kung siya ang hahanapin nito, tiyak na nakatayo na siya sa harap nito ay hindi pa siya makikilala.

Ang pagiging isang sikat na modelo—para sa Ralph Lauren, Armani, Versace, at Tiffany, to name a few—ay naging daan sa kanya para maging isang celebrity. At dahil doon ay kinailangan ni Angela ang isang malaking shades at blonde na buhok bilang disguise upang huwag makilala.

Sa kung ilang taon nang nakikita sa mga print ads at TV commercials ang kanyang mukha ay hindi malayong pagkaguluhan siya ng mga reporter.

At iyon ang huling bagay na nais niyang maranasan sa pag-uwing iyon. After all, hindi siya nagbalik sa Pilipinas para sa isang shooting ng commercial o fashion show.

Naroon siya, hindi upang magtrabaho, kundi upang magbigay ng huling respeto sa namayapang ama.

"Mang Dado," tawag ni Angela sa pangalan ng marahil ay singkuwenta anyos na matanda. Tama siyang hindi nga siya makikilala nito sa ayos niya, kahit tumayo pa siya sa tabi nito.

Tila nagulat pa ito nang lingunin siya, nasa anyo ang pagtataka. Nang alisin niya ang suot na shades ay naibulalas nito ang kanyang pangalan.

"Angela!" Larawan ito ng kasiyahan nang kunin ang hila-hila niyang maliit na maleta. "Naku, hindi kita nakilala, ineng. Kaninang tinitingnan kita sa malayo ay hindi ko inakalang ikaw iyan."

"Kumusta na po kayo, Mang Dado?" natatawang tanong ni Angela at umagapay rito patungo sa kinapa-paradahan ng sasakyan.

"Heto, marami nang uban," sagot nito sa masiglang tono. "Ikaw nama'y dalagang-dalaga na, eh. Kagaganda ng mga kuha mo sa magazine. Idol ka nga n'ong isang apo ko, si Letlet. Tiyak na matutuwa iyon kapag nakita ka."

"Ganoon ho ba?"

"Oo. Kaya lang..." Biglang naging malungkot ang tono nito. "Nakakalungkot isiping hindi ka na makikita ng papa mo. Hindi mo na siya inabutang buhay."

Isang tipid na ngiti ang naging katugunan ni Angela sa sinabi ni Mang Dado. Naputol ang kanilang pag-uusap nang marating nila ang kinapaparadahan ng isang modelong Nissan Patrol. Puting-puti iyon at tinted ang mga bintana. Hindi niya alam na bumili ang pamilya ng isang bagong sasakyan.

Binuksan nito para sa kanya ang pinto sa tapat ng backseat bago inilagay sa likod ang kanyang maleta.

Palabas na ang sasakyan sa bisinidad ng paliparan nang muli niyang kausapin si Mang Dado. "Saan ho ililibing ang papa?"

"Sa Manila Memorial Park sa Dasmariñas, Cavite. Huling gabi na ng lamay ang aabutan mo. Ang alam ko ay naka-schedule na bukas ng umaga ang libing."

Wala sa sariling tumango si Angela sa sinabi nito. Ibinaling niya sa labas ng bintana ang tingin, sa mga establisimyentong nadaraanan nila.

Bagaman natanggap niya ang abiso mula sa kanyang Lola Soledad sa unang araw pa lang ng pagkamatay ng kanyang ama ay hindi agad siya nakauwi.

Kinailangan pa niyang tapusin ang fashion show niya sa New York bago siya pinayagang umuwi ng modeling agency. Ang pag-uwi lang niya ngayon ay nangahulugan na ng pagkansela ni Angela sa kanyang modeling stint sa Milan.

Gems 20: This Beautiful PainWhere stories live. Discover now