Chapter 11

901 24 0
                                    


MAG-AALAS-diyes na ng gabi nang dumating sila ng kanyang ina sa villa. Halos pitong oras pa lang ang nakalilipas mula nang isagawa sa kanya ang abortion. Kaya na niyang lumakad bagaman mahina pa ang kanyang katawan. Pagbaba ng kotse ay tinangka siya nitong alalayan ngunit pinalis niya ang kamay nito tanda ng pagtutol.

Nalaman nila sa kawaksi na nasa Maynila pa ang kanyang papa at Lola Soledad. Naisip niyang marahil ay natuwa ang kanyang ina dahil hindi siya makikita ng dalawa sa ganoong kalagayan: mahina at tila wala sa sarili.

Inihatid siya nito hanggang sa kanyang kuwarto. Walang sinabing anuman ang kanyang ina, ngunit nababasa niya sa mga kilos nito na somehow ay hindi ito mapalagay. Kung nakokonsiyensiya man ito sa ginawa ay hindi niya alam.

"Take care of yourself, Angela," sabi nito nang palabas na ng pintuan. Ngunit hindi na ito lumingon. "I only want what is best for you."

Nakapinid na ang pinto at nag-iisa na lang si Angela sa kanyang kuwarto ay tila alingawngaw pa ring naririnig niya ang sinabi ng ina. Magkagayunman ay ayaw nang tanggapin ng kanyang kalooban na ang lahat ng ginawa nito ay para sa kanyang kabutihan. Ang lahat ng sasabihin nito—mula ngayon, para sa kanya—ay hindi na niya magagawang paniwalaan.

Nang gabing iyon ay dinalaw siya ng isang bangungot na bunga ng pangyayari. Nagising siyang habol ang hininga at tigmak sa luha ang mga pisngi.

Sa panaginip niya ay isang batang babaeng walang mukha ang tumatawag sa kanyang pangalan. Pinipilit daw niya itong abutin ngunit habang lumalapit siya ay lumalayo ito hanggang sa tuluyang mahulog sa kumunoy.

Ang huling natatandaan ni Angela ay nilalabusaw niya ang kumukulong putik sa paghahangad na makitang muli ang bata. Ngunit ang nahugot niya ay isang sanggol na may apat na mga matang nilalabasan ng dugo. At sa pagkabigla ay muli niya itong nabitawan at nahulog sa kumunoy.

Napahagulhol siya dala ng panaginip na iyon. Muli ay sinalakay siya ng matinding kalungkutan. Hungkag ang pakiramdam niya sa kanyang dibdib, na para bang wala na roon ang pusong nagbibigay-buhay sa kanya.

Kasalanan mong lahat ito, Mama. Kasalanan mong lahat ito!


DALAWANG araw lang ang lumipas at nagbalik na muli ang lakas ni Angela. Nagtagumpay ang kanyang ina na mapanatiling sekreto sa lahat ang nangyari sa kanya. Parang walang anuman na nagpatuloy ang takbo ng buhay niya sa loob ng villa.

Subalit habang panatag ang lahat sa labas, sa loob niya ay namumuo ang isang unos na nais kumawala mula sa pagkakasikil. Maging siya sa sarili niya ay naramdaman ang unti-unting pagbabago ng kanyang ugali. Mula sa pagiging mahinahon at masunurin ay natuto siyang magrebelde. Hindi man niya gustuhin ay lagi nang mainit ang kanyang ulo. Para bang napasama na siya sa mga taong may malaking galit sa mundo.

Tatlong linggong hindi umuwi si Danny kaya ginatungan ng desperasyon ang galit na nararamdaman ni Angela. Bagaman wala siyang balak na ipaalam dito ang nangyari ay nakatulong man lang sana ang presensiya nito sa kanyang kalungkutan.

Hindi na niya kayang tiisin ang pangungulila sa kasintahan kaya gumawa siya ng paraan upang makaluwas. Ginamit niyang pang-blackmail sa kanyang ina ang kanilang sekreto. Napapayag niya ito, nang sabihing kailangan niyang lumuwas upang bumili ng bagong damit at sapatos, na gagamitin niya sa darating na Foundation Day sa pinapasukang kolehiyo.

Matapos mamili at mag-ikot sa mga malls sa Makati, kunwa ay bigla lang niyang naisipan na puntahan sa tinutuluyan nitong boardinghouse si Danny. Batid ni Mang Dado na magkaibigan sila ng binata kaya hindi na ito nagtanong pa.

Gems 20: This Beautiful PainOù les histoires vivent. Découvrez maintenant