Chapter 9

926 17 1
                                    


"ANGEL..."

Marahan ang ginawang paghawak ni Danny sa kanyang kamay nang iabot niya ang renda ng kabayo. Muli ay kumabog ang kanyang dibdib sa tila mumunting siklab na naramdaman niyang gumuhit sa kanyang kaibuturan.

Sa pagkakataong iyon ay hindi niya magawang tumingin nang deretso sa binatilyo. Dahil tuwing gagawin niya ay nakadarama siya ng kakatwang kilig dulot ng mapang-akit nitong mga mata.

"Bakit?" tanong niyang itinuon ang pansin sa itim na stallion na katabi lamang sa kulungan ng puting kabayong iniregalo sa kanya ng ama. Iyon din ang madalas niyang sakyan tuwing mangangabayo, tulad ng ginawa niya nang araw na iyon.

"Luluwas na ako sa Maynila sa isang araw... hindi ba puwedeng ngayon ko na malaman ang sagot mo?" tanong nito sa seryosong tono.

Napaangat ang kanyang kilay sa narinig. "Hindi ba napakabilis naman yata? Kanina ka lang nagtapat, gusto mo nang malaman ang sagot ko?"

"Bakit pa natin patatagalin?" dagdag ni Danny at pinisil ang palad niya. "Dalawang bagay lang naman ang puwede kong asahan, hindi ba? Oo at hindi lang ang isasagot mo."

"Ganoon ba kadali iyon?" bulalas ni Angela kasabay ng marahang pag-iling. Hindi niya alam kung matatawa o maiinis sa pagiging agresibo nito.

"Mahal mo ba ako?" tanong nito sa halip na sagutin ang tanong niya.

"Ano bang klaseng tanong iyan, Danny? Huwag mo naman akong madaliin. Hindi ka na ba puwedeng maghintay? Siguro naman ay uuwi ka rito sa darating na sabado, tutal ay enrollment pa lang naman, hindi ba? At kung pasukan naman ay tuwing ikalawang linggo, right?"

"Ibig mong sabihin, maghihintay pa ako ng sabado bago ko malaman ang sagot mo?" tanong nito na bakas sa tono ang pagkainip sa ideya.

"Hindi naman natin kailangang magmadali, hindi ba?" aniyang nangungumbinsi. Nang mag-angat siya ng mukha ay nakita niya sa mga mata nito ang magkakahalong damdamin. Nangingibabaw roon ang frustration at pagkadismaya.

"Baka ito, puwedeng kumumbinsi sa iyo..." anito habang nakatitig sa kanyang mga mata. Pagkatapos ay walang babalang hinapit siya ni Danny sa baywang at hinagkan ang kanyang mga labi.

Hindi niya nagawang pumikit dahil sa labis na pagkabigla. At kahit nang matapos ang halik ay nanatiling mulagat ang kanyang mga mata.

"Puwede ka na ba ngayong magdesisyon?" tanong nito at masuyong nilandas ng dulo ng hintuturo nito ang kanyang pisngi, baba, at ilong.

Napakurap si Angela habang nananatiling nakaawang ang mga labi. Nag-init ang kanyang mga pisngi sa magkahalong pagkapahiya at sensasyong sabay niyang naramdaman.

Iyon ang kanyang unang halik. At totoo pala ang sinabi ng kanyang mga kaibigang nakaranas na niyon.

Matamis ang unang halik kung kaloob ng lalaking minamahal.

"Ano, gusto mong ulitin natin?" tanong nitong pilyo ang ngiting naglalaro sa mga mata.

Nang akmang hahagkan siya nitong muli ay saka pa lang siya nakabawi sa pagkabigla. Agad ay itinukod niya sa dibdib nito ang kanyang mga kamay. Gustuhin man niya ay walang katagang nanulas sa mga labi niya.

Magkagayunman ay wala siyang galit na nararamdaman para kay Danny. Ang nasa dibdib niya ay pananabik sa isang bagong karanasan. Mula nang magkaisip siya ay ngayon lang siya nakadama ng affection sa isang lalaki. At sa maikling panahon ay natitiyak niyang iyon ang tinatawag na pagmamahal.

"Ang gusto ko lang malaman ay kung mahal mo rin ako, Angel," anitong nagsusumamo. Nang umabante ito ay humakbang naman siya paurong.

"Danny..." Naramdaman niyang nasusukol na siya at kung magtatagal pa ay hindi malayong mabisto rin nito ang kanyang damdamin.

Gems 20: This Beautiful PainWhere stories live. Discover now