Chapter 1

106 17 37
                                    

Sabi nila, ang complicated daw ng pagkatao ko.

Ang dami ko raw kasing gustong gawin sa buhay. Bara-bara. Walang outline. Hindi planado. Tapos sa huli, biglang iba na yung gusto ko. Kung ano yung nauna kong ginawa, ayoko na siyang gawin.

In short, indecisive.

Sagot ko lang lagi, "Change is the only constant in this world."

Kaya nga pag nagtatalo kami ng mga tropa ko, nauuwi 'yon sa paninisi nila saking masyado ko raw pinapangunahan ang mga bagay-bagay. Wala man lang daw akong consideration sa iba.

Paano naman daw sila? Paano naman daw ang mga nauna na naming napag-usapan? Magugulo? Worst, hindi matutuloy. Kasi nga, hindi na ako sasama sa kanila. Either tinatamad na ako o iba na ang gusto kong gawin namin. Ako pa naman ang nagplano no'n.

Kaya nadalá sila ng sobra sa pagiging desisyon ko sa buhay. Ang ginawa nila, sa tuwing may lakad kami, gumagawa sila ng outline sa Google Document. Planado na lahat ng 'yon, may pa-red highlights pa na approved daw dapat muna nila bago namin gawin. Sa huli, napapangiwi na lang ako. At walang choice kundi gawin ang plano nila.

Isang araw tuloy, nagulat sila nung nagdadrama ako dahil sa pakikipaghiwalay ko kay Kino. Akala nila, lumuwag na naman ang turnilyo sa ulo ko. Pero ito, no joke na.

"Gaga, bakit ikaw ang umiiyak diyan? Ikaw naman nakipaghiwalay," pagtataray sakin ni Victoria.

Suminga ako sa tissue na binigay nila sakin. Nandito kami sa mini-forest ng school namin, gumagawa ng assignment. Pero nauwi sa pagdadrama ko kasi naalala ko na naman kung paano ako nakipaghiwalay kay Kino kagabi.

Prejudice na talaga nila 'yan sa mga nauunang nakikipaghiwalay. Anong akala nila sakin? Bato na talaga? Hindi pwedeng masaktan? Kailangan pag nakipaghiwalay, wala na lang? Ganon?

May puso pa rin naman ako . . . wasak nga lang.

"Ay, kailangan ba hindi ako affected? Anong gusto mong makita? Maglumpasay ako sa saya dahil hiwalay na kami?" balik ko sa kanya.

Inabot sakin ni Aillyn ang tissue box kaya kumuha ako ulit doon. Hindi na ako makapag-concentrate sa essay na sinusulat ko. About pa naman 'yon sa movie na pinanood samin. Kailangan daw gawan ng reflection.

Kaso mas magri-reflect pa yata ako sa ginawa ko kagabi kaysa rito, e.

Napakamot ng ulo si Victoria. Halatang nalilito sakin. "Bakit ang tanga? Kung gano'n naman pala, bakit ka nakipaghiwalay? May babae ba?"

"Nahuli mo ba?" segunda ni Aillyn.

"Nagkiss?" dugtong ni Victoria.

Sinamaan ko sila ng tingin. 'Tamo tong mga tao. Pag-isipan ba naman daw ng masama si Kino.

Kaso hindi ko rin sila masisisi. Nakipaghiwalay ako. At karaniwang uso ngayon pag may naghihiwalay, isa lang ang ibig sabihin — may nagloko sa relasyon.

Pero 'yon na nga ang masakit.

Sana may babae na lang siya para hindi ko pinagsisisihan 'yong ginawa ko. Sana nahuli ko na lang silang nagkiss para madali ko siyang makalimutan. At hindi 'yong nakatitig ako ngayon sa yellow pad ko tapos mukha niya ang nakikita ko.

"Hindi . . ." I trailed off.

"E ano nga?!" sabay-sabay nilang sigaw.

Napahawak ako sa tainga ko. "Ang ingay niyo! Hindi pwedeng kumalma muna? Napi-pressure ako rito, o."

"Ang dami mo kasing segue," sagot ni Victoria. "Hindi na lang agad sabihin."

Muli na naman akong napabuntonghininga. Kumuha ulit ako ng tissue sa box ni Aillyn. Bahala na siyang maubusan. Marami naman siyang baong ganyan.

"Akala namin drama mo lang," ani Khein. "Kasi sanay naman na kaming bigla-bigla kang makikipaghiwalay kay Kino pero babalikan mo naman."

Tumulo na naman tuloy ang luha ko.

"Hilig pa namang habulin ka no'n. Kaya nakakagulat na hindi na kayo magkasama ngayon. Kulang na lang mag-imbento siya ng glue para all the time kayong magkasama," si Aillyn naman.

"Sana nga, iyon na lang, e. Sana nagloko na lang siya. Sana naghanap na lang siya ng babae diyan na ikukumpara ko 'yong sarili ko nang malala tas lulubog ako sa lupa kasi pinakawalan ko siya. Kaso hindi . . . mahal na mahal niya ako. At ang sakit kasi mahal niya ako," nadurog ang boses ko.

Nang tingnan ko sila, nakatulala lang sila sakin. Hindi mo malaman kung naniniwala ba o pinipilit na magpaniwala para lang masatisfy ko yung sarili ko.

"Ano ba?" Tiningnan ko sila isa isa. "I-comfort niyo naman ako!"

Mabilis silang lumipat sa gilid ko at yinakap ako. Akala ko, gagaan yung pakiramdam ko kaso bumibigat lang lalo yung dibdib ko. Bakit ganito? Tinapos ko na yung paghihirap naming dalawa pero ang sakit pa rin.

Humalumbaba si Victoria sa harapan ko. "Ano ba kasing nangyari? Bakit? Okay naman kayo, e. To be honest, boto kami kay Kino para sayo. Diba, girls?"

Tumango si Khein na tinatapik ang balikat ko. "Oo, Reese. Kaya kahit hindi namin alam ang rason, masakit din para samin. Naging parte kaya kami ng relasyon niyo. Ang daming gimmick ni Kino dati na sabit kami mapasagot ka lang niya. Tapos ganito? Naghiwalay lang kayo?"

"Sabihin mo na, Reese," encourage ni Aillyn. "Masama rin naman na iniipon mo 'yan. Mamaya sumabog ka."

Bumuga ako ng hangin. Napayuko ng ulo. Hindi ko alam kung anong tamang salita para rito. Pero tiningnan ko sila isa isa.

"Ano bang dapat maramdaman 'pag na-fall out of love ka na?" tanong ko sa kanila.

Nagkatinginan silang tatlo. Naubusan bigla ng sasabihin. At sa isang iglap, pati si Victoria na nasa tapat ko lang, nasa likuran ko na rin at yakap ako. Para na tuloy kaming ulo ng hotdog sa pwesto namin.

Pero ang hirap pala talaga.

'Yong hindi siya nagloko.

Hindi ka nagloko.

Nagdesisyon na lang bigla ang tadhanang hindi kayo para sa isa't isa.

Kaya kailangan niyong matapos.

"Tutulungan ka naming maka-move on, girl. Nandito lang kami," wika ni Victoria. Bumalik siya ulit sa harapan ko. Habang sina Aillyn at Khein naman, sumandal sa balikat ko.

Bakit parang sila 'tong mas may kailangan ng comfort?

"Gusto mo ba siyang kalimutan?" tanong ni Aillyn sakin.

"Malamang," sagot ni Khein. "Mafa-fall out of love ba siya kung hindi niya gustong kalimutan?"

Umalis si Aillyn sa pagkakasandal sakin. Tiningnan niya si Khein na nasa kabilang gilid ko. "Hindi lahat ng na-fall out of love, gugustuhing kalimutan yung taong minsan nilang minahal. Hindi naman nila sinadya na ma-fall out eh."

Inawat ko na. Mamaya kung saan pa mapunta yung usapang 'to.

"Tama na. Pareho naman kayong tama. Kaso kahit ano namang gawin kong pagkalimot, mawawala lang yung kirot. Masasanay lang ako. Pero mangingibabaw pa rin yung minsan ko siyang minahal." Bumuga ako ng hangin. "At tingin ko, okay na ako don. At least, lagi kong maaalala na minsan siyang naging parte ng buhay ko. Kaso hindi nga lang kami para sa isa't isa . . ."

Ang hirap pala nito, mas mahirap pa sa mga desisyong ginawa ko ng bara-bara. Kasi ito, permanente na.

Kahit gustuhin kong bumalik siya sakin kapag gusto ko na ulit — hindi na pwede pa.

Kung Paano NataposTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon