026

3 0 0
                                    

Nievez's Point of View

Year 1989
7:24 pm

"Nievez! Nievez!" Napalingon ako pagkarinig na may tumatawag sa akin. Agad na gumuhit ang ngiti sa labi nang makita si John na lumalakad-takbo palapit. "Kanina ka pa ba?"

"Hindi naman," pag-iling ko. Ilang minuto pa lang din naman mula nang makarating ako rito.

"Mabuti na lang, pumayag kang samahan ako ngayon." Hinawakan na lang niya ang kamay ko. Dahilan ito upang mapatingin ako sa kanya. Hindi na ako nakabitaw. Lumakad na kasi siya papasok sa entrance.

Dala-dala ko sa dibdib ang napakalakas na tibok ng puso. Hindi ko mapigilan, hindi maikalma. Damang-dama ko kasi ang kamay niya. Lalong bumilis ang karera ng puso nang pinagsiklop nito ang mga kamay namin.

8:00 pm

Nasa ferris wheel kami. Magkatapat na nakaupo. Kada magtatama ang mga mata, ngingiti siya sa akin. Sa dama pa ring kaba, napapayuko ako.

"Salamat at dumating ka ngayon, a," aniya, binabasag ang katahimikang binubuo ko. "Nga pala, kumusta ang eskwela? Junior ka na, hindi ba?"

"Oo," tumango ako.

"Huling taon ko na sa kolehiyo ngayon. Fourth year na ako." Pagkukuwento niya. Saka siya bumuntong-hininga. Medyo mabigat iyon, kaya tinitigan ko siya.

"Ayos ka lang ba?" Alala kong tanong.

"Oo, ayos lang." Muli siyang huminga ng ganoon. "Maayos naman ako. May, iniisip lang."

"A, care to share?" Paglalahad ko ng tulong.

Mahina itong tumawa, "Hindi ko lang kasi akalaing darating ako sa puntong ito. Na, makakapagtapos ako ng high school. Na, malapit na akong matapos sa college. Aaminin ko, Nievez. Kahit na ang tingin sa akin ng nakararami ay isang guwapong binata, hindi kami ganoon karangya. Kaya naman, hindi ko maiwasang maging emosyonal sa tuwing inaalala ko na mula sa hirap, ay makakapagtapos ako."

Sa kabila ng nakakabighani niyang kagwapuhan, ay ito pala ang nagtatagong John. Ni minsan ay hindi ko narinig ang tungkol dito mula sa mga kaklase dati. Hindi ko rin inaasahang siya mismo ang magkukwento.

Wala akong ibang maitutulong. Salungat sa pinagdaanan niya ang akin. Tanging pagtapik sa kanyang braso at marahang ngiti ang maibibigay ko.

"Proud ako sayo." Pagpapagaan ko ng loob niya.

Gumanti si John ng malawak na ngiti, "Salamat."

9:09 pm

Nilibre niya ako ng hapunan. Bago lumabas sa attraction park, nahinto kami sa isang cotton candy stall. Nilibre niya rin ako no'n.

Pakiramdam ko tuloy, ako na ang pinakamasuwerteng babae. Dahil, ganito ako kung tratuhin ng nagugugustuhan kong lalaki. Ang kulang na lang, magtapat sa kanya ng aking nararamdaman at maging totoong kami.

"A, John?" Nilingon ko siya.

"Hmm?" May cotton candy pa sa bibig niya kaya natawa ako. "Bakit?"

Natawa ako lalo. Nagsalita siyang may laman ang bibig. Pero sa kaloob-looban, hindi na magkamayaw ang nararamdamang kilig.

"Umm..." natikom ako nang maalala ang gusto kong itanong. "Wala naman."

"Sabihin mo sa akin. Ano ba iyon?" Tanong niya.

"Kasi... gusto ko lang itanong. May, may naging nobya ka na ba?" Umiwas ako ng tingin at inaasahang hindi siya sasagot. Pero, mali ako.

"May naging nobya ako, noong freshmen. Kaya lang, hindi kami nag-work. Isa pa, ayaw ng mga magulang niya sa akin. Napagod din siya kaya pinalaya ko." Mahinahon lang siyang nag-kuwento pero ramdam ko ang hapdi sa bawat salitang binibitiwan niya.

"Pasensya na sa pagtatanong ko. Hindi ko intensiyong saktan ka—"

"Ayos lang. Nakapag-move on naman na din ako." Aniya. "Mula noong nangyari sa akin iyon, sinabi ko sa sarili na sa hinaharap, magsisikap ako para maging mayaman. Mayamang mayaman. Tapos, hahanapin ko rin ang para sa akin. Iyong kahit mapagod sa akin, ay hindi ako iiwan."

Bumilis ang tibok ng puso ko, na para bang sumesenyas na magtapat na ako sa kanya. Mula high school ay mayroon na akong pagtingin kay John. At, handa akong gawin iyon sa kanya. Sigurado na ako.

"A, John? Kasi..." muling subok ko ng pagtatapat. "May sasabihin ako. Kasi, kasi John..."

"Hmm?"

"Kasi, ano—" nakarinig kami ng malakas na busina. Sa daan, may humintong kotse. Saka ko nakita ang aking tiyahin na lumabas ng sasakyan.

"Nievez! Kanina pa kita hinahanap! Nako kang pamangkin ka!" Nagmamadali itong lumapit sa akin at hinawakan ang kamay ko. "Ang paalam mo kay Niza, hanggang alas otso lang, a. Inabot ka na ng alas nuwebe! Mabuti na nga lang, nakiki-birthday sila sa bahay nina kapitan. Tara na."

Hindi na ako nakapagpaalam ng maayos kay John dahil hinila na ako ng tiyahin palayo.

"Happy Valentines nga pala, Nievez!" Huli kong narinig na sinabi niya. Ang huli ko ring nakita, ang kumakaway at nakangiting si John.

"Sino nga iyong lalaki na iyon? Nobyo mo ba?" Tanong ni tiya.

Wala akong sinagot. Tiningnan ko si John. Ngumiti pabalik, at kumaway na lang din.

Thank you for tonight. Happy Valentines, my dear John.

Dear JohnTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon