CHAPTER 1

5 4 0
                                    

“Ate, huwag mo 'kong iwan please… dito ka lang sa tabi ko…” Umiiyak na sabi ng kapatid ko.

Basang basa ng mga luha ang kanyang pisngi habang pinipilit ko siyang magtago sa likod ng malaking puno.

“Hindi pwede, Esa. Mas madali nila tayong mahuhuli pag magkasama, kaya naman magtago ka lang dito, habang ililigaw ko naman ang mga bad guys na 'yon.” Paliwanag ko habang hinahaplos ng marahan ang kanyang likod para tumahan s'ya.

“Ate… natatakot ako…” Kumirot ang puso ko nang sabihin niya iyon. Dahan-dahan kong pinunasan ang mga luha niya sa pisngi.

Ayaw ko naman talaga siya iwan dito, pero kailangan. Wala na akong ibang maisip pa. Hindi pwedeng pareho kaming mahuli ng kapatid ko. Kailangan may isa sa amin dalawa ang makaligtas sa mga humahabol sa amin. Kaya isasakripisyo ko ang aking sarili para maprotektahan ko ang aking kapatid.

“Sshhh…” Sabay yakap ko sa kanya. “Huwag kang mag-alala, babalikan kita rito. Pangako…” sabi ko. Pagkatapos ay humiwalay na ako ng yakap sa kanya saka dahan-dahan umalis palayo.

“Ate!” Parang piniga sa sakit ang puso ko nang marinig ko ang tawag niya sa akin.

Tinakpan ko ng aking mga kamay ang bibig ko upang hindi lumabas ang paghikbi ko, at sinikap ko rin na hindi siya lingunin para pigilan ang sarili humakbang pabalik sa kanya.

“I'm sorry, Esa, but I need to do this. I'm sorry… I'm sorry… I'm sorry—”

“Madam, gising! Gising na po, Ma—”

Napabalikwas ako sa pagkakahiga nang may biglang yumuyugyog sa akin. Hinihingal akong umupo sa kama habang inaalala ang masamang panaginip na iyon. Lagi na lang akong nagigising dahil sa panaginip na 'yon, na para bang hindi ako pinapatulog ng konsensya ko dahil sa nangyari noon. Hindi ko kasi natupad ang pangako ko sa aking kapatid noon, kaya siguro minumulto pa rin ako ng nakaraan hanggang ngayon.

“Are you okay, Madam?” tanong ng isang babae sa akin, na nakasuot ng pang-empleyado na damit sa isang hotel.

Nilibot ko naman ang paningin ko sa paligid. At nakita kong nasa isang malaking kwarto pala ako. Itim at puti ang tema ng kwartong ito, konti lang ang mga muwebles na nakalagay, ngunit kompleto ito sa sala set. Ang aking hinihigaan ay kulay itim at puti rin, na parang nasa isang presidential suite ako. Tumingin ulit ako sa babaeng kanina pang nakakunot ang noo sa akin.

“Miss, nasaan ako?” tanong ko kahit may ideya na ako kung nasaan ako ngayon.

Gusto ko lang naman makasiguro, e. Dahil sa pagkakatanda ko kagabi ay nasa isang yate ako para sa mission.

“Hindi n'yo alam kung nasaan kayo?” tanong niya pabalik sa akin.

“Magtatanong ba ako kung alam ko, Miss,” sarkastiko kong sabi sa kanya.

Nakita kong napalunok siya ng kanyang sariling laway, na para bang natatakot na siya sa akin. “A-Ahh, nasa hotel po kayo, Madam. Hindi po ba sinabi ng asawa ninyo? Ako po kasi ang inutusan niya para bantayan kayo. Kagabi kasi… ang sabi ng asawa ninyo nalunod ka raw sa dagat kaya pinapunta niya agad ang family doctor po ninyo para tingnan kayo. At mabuti na lang po hindi malala ang nangyari sa 'yo, Mam. Naka-inom ka raw ng maraming tubig-dagat kaya—”

Mabilis akong bumaba sa kama nang maalala ko na ang lahat ng nangyari kagabi. Nagkaroon ng gulo sa yateng sinasakyan ko. At pagkatapos non, hinila ako ng isang lalaki at tumalon kami mula sa yate na iyon. Nagkahiwalay kaming dalawa sa maalon na dagat. Lumubog ang katawan ko at akala ko 'yun na ang katapusan ng buhay ko.

BLS #1: EXPENSIVEWhere stories live. Discover now