Chapter 5: Killjoy

477 44 3
                                    


Hindi na sigurado si Eugene kung ano ba talaga ang gagawin nila ni Divine sa araw na iyon. Galing sila sa toy store at bumili talaga sila ng toy gun—M16 rifle pa ang napili ni Divine para sa bitbitin niya. May pinaka-belt iyon sa magkabilang dulo ng baril at nakasabit sa kanang balikat niya.

Bitbit naman niya sa kaliwang kamay ang malaking paper bag na may lamang green crocodile plushie na panregalo sa anak ni Luan. Hawak ng kanang kamay niya ang kamay ni Divine na may yakap nang bunny pillow at may suot pang umiilaw na I Love You headband. Ang usapan, grocery. Inaasahan na niyang wala silang grocery na mabibili sa araw na iyon at malamang na makikisuyo na naman siya sa daddy o sa bunsong kapatid niya na isabay sila sa pamimili ng pagkain.

Araw ng Linggo at kadalasan ay hapon silang nagsisimba, kung hindi man ay daraan kahit saglit sa simbahan para magtirik ng kandila. Ang Tita Jaesie lang ni Eugene ang madalas dumalo sa pang-umagang simba tuwing Linggo kasama ang biyenan nito kaya nakasanayan na lang din ni Eugene na dadaan sa simbahan kahit pa bihira lang din niyang matapos ang bawat misa dahil sa schedule niya.

Noong kabataan ni Eugene, madalas pa niyang kasama ang Tita Jaesie at Lola Tessa niya habang tangay-tangay rin nila ang Ninong Clark niya bilang driver at bantay. Dumalang ang pagsisimba niya tuwing Linggo nang magtrabaho siya dahil may sariling chapel ang LNU na binibisita niya dalawang beses sa isang linggo para magdasal bago umuwi sa condo unit. May homily rin kadalasan sa school nila kada may program. Bumalik lang ang routine nila dahil kasama na ang buong pamilya ni Luan tuwing nagsisimba sa hapon ang pamilya ni Ikay.

Walang nabiling grocery si Eugene kaya naman manghihingi na siya ng tulong sa daddy niya kung ayaw niyang magutom sila ng asawa niya sa mga susunod na araw.

Isasama rin niya sa pagsimba si Divine, at sa isang banda ay naisip niyang padasalan ito para naman mabawasan ang mga kasalanang naiisip nito kada minuto sa araw na iyon.

Akala ni Eugene ay matatahimik na ang biyahe nila papuntang West, pero hayun ang asawa niya at gumagawa ng sarili nitong lip-synced music video habang nagla-live online.

"Come just as you are to me, don't need apologies . . . know that you are worthy . . ." Ginagawa nitong mic ang bottled water na binili nila habang nasa mall. "I'll take your bad days with your good, walk through the storm, I would . . . I do it all because I love you . . . I love yoooouuu!" Hinawakan pa niya ang baba ni Eugene at hinimas-himas ang pisngi ng asawa sabay haharap sa phone na patuloy sa pagkuha ng video. "Unconditionaaaaal!"

"Mine, baka hulihin na tayo ng enforcer, maingay ka na," paalala ni Eugene habang tutok sa daan.

Ang ingay ng asawa niya at pinandidilatan na lang niya ng mata ang kalsada kada hihiyaw ito sa bawat kanta.

"Acceptance is the key to be . . . to be truly free . . . will you do the same for me?" Kunwari pang inaabot ni Divine si Eugene na parang makakalayo ang lalaki kahit magkatabi lang naman sila sa kotse. "Unconditionaaal! Unconditionallyyyyy! I will love you unconditionally!"

Napaiwas pa ng mukha si Eugene nang iwasiwas ni Divine ang braso habang kumakanta.

"Mine, kapag hinuli na tayo, ibibigay talaga kita sa mga officer, sige ka diyan," panakot na naman ni Eugene.

May mga araw na maayos naman ang asawa niya. May mga araw na manic ito. Kapag manic ito, hindi na niya muna ito pinaiinom ng gamot dahil ayaw niyang inom ito nang inom at baka masira ang liver nito. Kaya binabantayan na lang niya kahit sobrang ligalig nito at kung ano-ano na naman ang naiisip. Madalas sa madalas, ang naisip nito sa umaga, hindi na nito kayang panindigan sa gabi at umaasa na lang siyang isang araw lang magtatagal ang trip nitong maging kidnapper siya.

Good Boy's DilemmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon