Prologue - Book 1

4.3K 46 1
                                    

Prologue

PAGBUKAS niya ng pinto ng silid ay naroon ang bata at nakaupo ito sa may dulong paanan ng kama. Sandali lang siyang tinapunan nito ng tingin at muling itinuon ang nag-aalalang mga mata sa pinto ng banyo. Mula sa kinatatayuan niya'y naririnig niya ang pagsusuka ni Yaya Selma.

"Where's your yaya?" tanong niya sa iilang salitang English na alam niya, bagaman lihim siyang nangingiti. Inaasahan niyang sa mga sandaling ito'y tumatalab na ang gamot na lihim niyang inihalo sa pagkain ng yaya.
"She's sick," sagot ni Alessandro na bahagya na siyang sinulyapan. Nasa banyo ang mga mata nito at puno ng pag-aalala ang tinig.

Lumakad siya papasok sa loob ng nursery room. Sa loob ng walong buwan niyang pagtatrabaho at pagsasanay bilang yaya sa malaking bahay na iyon na pag-aari nina Senyor Zandro at Senyora Jennifer sa isla, ay iyon ang ikalawang pagkakataong nakapasok siya sa loob ng nursery.

At kung hindi pa sa referral na ibinigay ng kapatid niya na dati siyang nagtatrabaho sa mag-asawang General at Mrs. Grayson noong nasa Pilipinas pa ang mga ito ay baka mahirapan siyang makapasok.

Natitiyak niyang sinuri ng mga Fortalejo ang referral niya at natural na pawang magagandang lahat ang sasabihin ng kapatid niyang si Hestercita. At sino ang maghihinalang si Mrs. Hestercita Grayson ay isang dating empleyado sa hotel na pag-aari ng mga Fortalejo? Lalo at kapuri-puri ang records ni Baron Grayson bilang retired American general.

At ang pangalan niyang "Iluminada" ay nagawan ni Hestercita ng paraan na maging "Belen." Walang hindi nagagawa ang salapi, matabang niyang naisip.
Humugot siya ng malalim na hininga at humakbang patungo sa kinaroroonan ng bata. Hindi niya kailangang mag-atubili. Mahalaga ang bawat sandaling lumilipas. Doon nakasalalay ang tagumpay ng kanyang misyon. Gayunman ay natigil siya sa paghakbang nang mahantad sa kanya ang kabuuan ng silid.

Maaliwalas na powder blue ang wallpaper na may pinong navy strips. Puti ang kisame, gayundin ang mga hamba ng malalaking bintana na kung manunungaw ang isa ay nakatanaw sa malaking swimming pool sa ibaba at magandang hardin sa tagiliran. Ang mga kurtina'y may print ng cartoon character na si Donald Duck.

Royal blue ang wall-to-wall carpet. May dalawang kama na magkatabi at pinaghiwalay lang ng isang chest of drawers na iisipin mong dalawang bata ang humihiga subalit si Alessandro Leon lang ang gumagamit ng mga iyon.

Ang isang kama ay pandalawahan ang laki at ang punda ng mga unan at kubrekama'y pawang kaakit-akit na mga cartoon character ang print. Araw-araw iyong hinahalinhan gayong hindi naman nadudumihan. Bukod sa pandalawahang kama ay may isang play bed sa isang sulok na hugis-kotse at may kutson sa loob.

Sa isang sulok ng malaking silid ay ang bulto ni Astro Boy na kasinlaki ng bata. Naroon din ang life-size toys nina Voltes V at Voltron, gayundin ang kompletong mga character niyon.

Karamihan sa mga laruan ay sa ibang bansa pa binili lalo na ang mga laruang sinlaki ni Alessandro na ang mga halaga'y hindi niya kikitain sa pagiging yaya niya ilang taon man siyang magtrabaho at hindi gumagasta.
May mga collection ito ng miniature cars. Mga stuffed toys, mula sa pinakamaliit hanggang sa kasinlaki ng tao. Iba't ibang laruan din ang nasa paligid at nasa malaking salansanan.

Kung laruan ang pag-uusapan, ang laman pa lamang ng nursery, puwera pa ang mga laruan ni Alessandro na nasa labas ng silid nito tulad ng minicar, minijeep, minibicycle, at mga miniature boats na talaga namang nagagamit ng bata sa dagat, ay maituturing nang isang malaking kayamanan ang halagang ipinambili.

Hindi eksaheradong sabihing ang halagang ipinambili sa mga laruang iyon ay kaya nang bumili ng lupa at tayuan ng magandang bahay para sa isang tulad niya.

Hindi lamang iyon. Dahil dito pa lang sa Pilipinas ay tatlo ang bahay ng mag-asawang Zandro at Jenny. Ang bahay mismong iyon sa isla sa Paso de Blas; isang bahay sa islang pag-aari mismo ni Zandro Fortalejo sa may bahaging Quezon Province na ayon sa napag-alaman niya'y binili nito nang tanggapin ang mana mula kay Don Leon; at ang bahay ng mga ito sa Maynila.

Kristine Series 49: Alessandro Leon  Where stories live. Discover now