17

68 8 0
                                    

Umaga na ngunit hindi pa rin magawang bumangon ni Mina sa kaniyang higaan, tulala siya habang nakatitig sa kisame. May kung anong mabigat sa kaniyang dibdib at hindi ito basta-basta nawawala. Kung puwede nga lang ay ayaw muna niyang lumabas ng silid at makihalubilo sa mga tao. Sa mga oras na ito mas gusto niyang mapag-isa. Umaalingawngaw pa rin sa kaniyang isipan ang kahindik-hindik na pangyayaring iyon.

Hindi siya nakatulog nang maayos dahil paulit-ulit na bumabalik sa kaniyang isipan ang tagpong parang kanina lamang nangyari. Noong tumanggi siyang kitilin ang buhay ng mga inosenteng mamamayan ay ang mismong ama na si Don Yago at ang mga kaibigan nito ang siyang tumapos ng buhay ng mga pobre.

Sa tagpong iyon ay nakita niya kung gaano kalupit ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Walang bahid nang pagsisisi, takot, at konsensya kung pumatay ang mga ito. Wala rin pag-aalinlangan kung bumaril at umasinta ang mga kaibigan ng kaniyang  ama, at hayop kung ituring ng mga ito ang mga taong pinagbibintangang rebelde.

Noong mga oras na iyon habang nasasaksihan niyang isa-isang bumabagsak sa putikan ang mga walang buhay na katawan ng mga alipin ay lalong sumisikdo ang galit sa kaniyang puso parang binubulungan siya ng mga demonyo na agawin ang armas na tangan ni Don Yago at pagbabarilin ang mga bisita nilang mas masahol pa sa demonyo.

Nagtagis ang kaniyang bagang at mas lalong humigpit ang pagkakakuyom ng kaniyang mga kamay, nag-init na ang sulok ng kaniyang mga mata.

Habang naririnig niya ang pagmamakaawa at ang iyakan ng mga alipin sa kabilang banda ay naririnig din niya ang tawanan ng mga bisita na animo'y nakahuli ang mga ito ng mga hayop. Parang may kung ano sa kaniyang damdamin ang gustong kumawala ngunit sa pagkakataong iyon pinipilit pa rin niya na supilin ang lahat ng nararamdaman upang iligtas ang sarili.

Tama. Kinailangan niyang gawin ang sobra-sobrang pagpipigil sa sarili upang panindigan na hindi niya sisirain ang bagay na nakatadhana ng mangyari.

Hanggang ngayon ay kinakain pa rin siya ng sariling konsensya, dahil siya ang dahilan o puno't dulo nang kamatayan ng mga pobreng alipin.

Walang siyang nagawa noong mga oras na iyon kundi ang tumahimik, pigilin ang sariling damdamin, at ang hindi makialam sa pangyayaring iyon.

Puno nang galit ang kaniyang puso sa mga oras na iyon pero hanggang doon na lamang iyon.

Wala naman siyang ginawa para mailigtas ang mga alipin, mas inuna niya ang sarili . . . ang sariling takot at karuwagan.

Takot siya sa kung anong sasabihin ng iba kapag nilapastangan niya si Don Yago sa harap ng mga amigo nito.

Takot siya na marumihan ang pangalan ni Felomina at nang pamilya nito.

Naduwag siya dahil alam niyang walang puwang ang katapangan sa panahong ito.

Pinanatili niyang tikom ang bibig kahit na parang sasabog na ang puso niya sa sobrang galit.

Oo, totoong matigas ang kaniyang damdamin lalo na sa mga kaso nang pagpatay, rape, drugs, at pagnanakaw dahil wala naman siyang kinalaman sa krimen ng kaniyang kliyente kaya no hard feelings ginagawa lang niya ang trabaho niya. Wala siyang pakialam kung sino man ang biktima ang mahalaga lang sa kaniya ay maipanalo ang kaso ngunit iba ngayon.

Iba ang kaso niya ngayon, nasa isang sitwasyon siya kung saan may kinalaman siya sa isang krimen at mayroong biktima.

Hindi man lang sumagi sa kaniyang isipan na maaaring malagay siya sa sitwasyon na hindi niya inaasahan katulad nang pagkasangkot niya sa pagpatay sa mga alipin.

Hindi niya napaghandaan ang bagay na ito.

Simula nang dumating siya sa panahong ito ay marami na ang nagbago sa kaniya, simula sa matigas niyang damdamin na unti-unti nang lumalambot, ayaw man niyang aminin pero tinutubuan na ng konsensya ang kaniyang puso.

DelinquenteWhere stories live. Discover now