18

61 9 0
                                    

Ilang araw siyang hindi nakapasok sa escuela dahil sa nasaksihan niyang pagpatay sa mga alipin, halos ilang araw rin siyang tulala at hindi makausap nang maayos pero kahit ganoon ay pinipilit pa rin siya ni Donya Minang na mag-ensayo. Nakapag-ensayo naman siya ng piyesa na kaniyang itatanghal sa harap ng gobernador-heneral at sa pamilya nito. Kung hindi siya sa kaniyang silid nag-eensayo ay madalas na sa hardin siya naglalagi.

At ngayon nga ay nasa hardin siya, tanging siya lang ang naroroon dahil ayaw niya na may ibang kasama lalo na kapag nag-eensayo, ayaw niya kasi masira ang kaniyang konsentrasyon. Ito lang ang tanging paraan upang kahit papaano ay mawala sa isipan niya ang bangungot na iyon.

Habang nakaupo sa isang sementadong upuan ay tangan niya ang gitara na kanilang binili ni Manang Helena, gumagaan ang kaniyang pakiramdam kapag napapalibutan siya ng mga magagandang bulaklak at kahit papaano ay nakakatulong ito upang mabawasan ang kaniyang pagkabalisa.

Tatlong araw na ang nakararaan nang umalis si Manang Helena, tanging si Saleng lang ang umiintindi sa kaniyang mga pangangailangan, sa lahat ng mga katulong o kasambahay na naroroon ay ito lang ang pinagbilinan ng matandang katiwala na iintindi at aalalay sa kaniya.

Bago siya magsimula sa pagi-ensayo ay pumikit muna siya at pinuno niya ng hangin ang kaniyang baga saka ibinuga ito. Pagbukas niya ng mga mata ay sinimulan na niya ang pagtipa sa kaniyang gitara. Sumasabay ang kaniyang himig sa bawat pagtipa sa kuwerdas nito.

Hanggang sa pumailanlang na ang kaniyang tinig at sumasaliw ito sa bawat tunog na nagmumula sa gitara.

Ang kaniyang aawitin ay hindi tungkol sa pag-ibig, dahil nang minsang ipinarinig niya ang kaniyang napiling awitin ay mabilis na tinutulan ito ni Manang Helena binigyang babala siya ng matanda na hindi ito magiging katanggap-tanggap sa harap ng mga taong mataas ang moral kaya sa halip na awiting tungkol sa pag-ibig ay awitin na patungkol sa diyos ang dapat niyang itanghal. Kaya wala siyang nagawa kundi piliin ang awitin na alam niya, sa totoo lang hindi naman siya relihiyosong tao pero dahil saradong katoliko ang kaniyang mga magulang kaya madalas sa kaniyang ipinapaawit ang awiting napili niya.

Siyam na taong gulang pa lang siya noon, palibhasa bata kaya wala siyang nararamdaman na hiya o takot at dahil may ibubuga naman siya sa pagkanta kaya proud ang mga magulang niya sa kaniya. Hindi na rin bago sa kaniya ang mga instrumentong pangmusika, dahil sa edad na anim ay iminulat na siya ng kaniyang mga magulang sa mga klasikal na instrumento at kasama na roon ang pagkamulat niya sa musika.

Kaya bago siya maging bihasa sa larangan ng pagiging isang abogado at maging dalubhasa sa paghawak ng baril ay una niyang naging laruan ang mga instrumentong pangmusika kaya malakas ang kaniyang loob na hilingin kay Ginang Luisa Pelaez o Donya Isang na mag-isa siyang magtatanghal sa harap ng mga panauhin.

Nagsisimula pa lang siya sa pagi-ensayo pero natigil ito nang biglang dumating si Saleng, humihingal pa ito at ilang segundo nitong kinalma ang sarili bago ito nagsalita ngunit wala pa man itong sinasabi pero bakas na sa mukha nito ang pag-aalala.

"Kumalma ka muna, Saleng." Mahinahon na utos niya rito.

At nang mahimasmasan ito ay saka ito nagsalita.

"P-Paumanhin po sa abala, Señorita Felomina. Pinapatawag po kayo ng inyong ina. Narito po ang inyong guro at ang ilan sa inyong mga ka-eskwela." Kinakabahan na saad nito.

Hindi niya alam kung bakit gan'un na lamang ang pagkabalisa ni Saleng gayong wala naman dapat ikabahala sa pagdalaw ng mga ito sa kanilang tahanan.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo at ibinigay niya kay Saleng ang tangan na gitara. Inayos niya ang sarili bago tumungo sa loob ng kanilang tahanan, matapos niyang masiguro na hindi na kahiya-hiya ang kaniyang ayos ay saka siya naglakad papasok ng kanilang tahanan, nakasunod lang si Saleng sa kaniya.

DelinquenteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon