GIFT

3 2 0
                                    

GIFT

"Anong paborito mong kanta, Camile?" malaki ang ngiting tanong nito.

"Kung ano ang paborito mo, 'yun nalang din ang paborito ko," nakangiti ko ring sagot.

"Pwede ba 'yun?" kunot noo, muli nitong tanong na siyang agad ko namang pagtango.

"Bestfriends naman tayo kaya pwede 'yan!"

"Magpapabili ako kay papa ng guitara. Mag-aaral akong tumugtog tapos ay araw-araw kitang kakantahan ng paborito kong kanta," bakas ang saya sa boses na anito.

"Promise 'yan, ah!" sabi ko.

"Promise!" sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, ang nakangiti nitong mukha ay unti-unting naglalaho. Pilit kong inabot ang kamay nito pero hindi ko nagawa dahil tuluyan na itong tinangay ng hangin at naglaho.

Pawis na pawis, habol ang hininga ay biglaan akong napabangon. Hindi ko alam kung bakit nitong mga nagdaang gabi ay lagi ko nalang napapanaginipan ang pangyayareng 'yon ilang taon na ang nakalipas. Hindi ko na nga maalala kung kailan ang huling pag-uusap namin ng bestfriend kong si Vince. Matapos noon ay bigla nalang itong nawala sa lugar namin kasama ang pamilya n'ya.

"Happy birthday, Camile!" nakakabinging bati ni Sam, pagdating sa bahay namin dahilan upang maagaw nito ang atensyon ng iba pa naming bisita.

"Sam!" patakbo akong lumapit bago mahigpit na humayap sa kaibigan. "Kanina pa kita hinihintay!" humiwalay ako sa yakap at inabot ang regalo nito para sa akin.

"Ma, ano 'yan?" tanong ko kay mama ng makita itong papasok, may dala-dalang guitar case.

"Para sa'yo daw. May nagpadeliver." anito dahilan ng pagkunot ng noo ko.

"Aba, kanino daw po galing, Tita?" ngingiti-ngiting tanong ni Sam, bago ito lumapit kay mama.

"Walang nakalagay. Basta para daw kay Camile," sagot nito bago iabot sa akin iyon.

"Baka nagkamali lang, ma. Wala po akong inaasahang mamahaling regalo dahil alam n'yo naman pong si Sam lang ang kaibigan ko." wika ko at sinuri ang guitar case na hawak ko.

Ayon kay mama ay chineck daw nitong mabuti ang pangalan kung para kanino ito at ang address kaya nasisiguro n'yang para talaga 'yun sa akin. Ngalang ay wala daw nakalagay na sender.

Ilang araw ang lumipas, sa kalagitnaan ng pagtulog, nakarinig ako ng tugtog ng guitara. Napakasarap no'n sa pandinig. Pinilit kong balewalain 'yon pero ang tugtog ay palakas ng palakas kaya tuluyan akong napa bangon. Iritado kong binuksan ang ilaw at naagaw agad ng guitarang nasa tabi ng bedside table ko ang paningin ko. Sa pagkakaalala ko ay maayos ko iyong inilagay sa guitar case tapos ay isinabit sa gilid ng aparador ko pero bakit nandoon na iyon at nakalabas pa sa case?

"Carl, pumasok kaba sa kwarto ko kagabi?" kinabukasan ay tanong ko sa kapatid ko.

"Wala ate, bakit po?" inosenteng sagot nito. Umiling ako bago nag iwas ng tingin.

Imposible namang si Carl, 'yon dahil hindi naman ito marunong mag guitara.

Hindi 'yon ang huling beses na nangyare 'yon dahil nasundan pa ito ng ilang beses. Noong una inakala kong guni-guni ko lang ang lahat hanggang sa nagsimula na akong kabahan at makaramdam ng takot.

"Ano ba... alam ng may natutulog, eh." isang gabi ay ginising na naman ako ng tugtog na naririnig. Pinilit kong bumangon habang kinukusot ang mga mata.

Ganoon nalang ang kakaibang pakiramdam matapos malamang walang ibang tao sa kwarto bukod sa akin. Hindi ko nagawang matulog ulit sa kwarto ko ng gabing iyon kaya lumipat ako sa kwarto ni Carl.

"Camile, pwede bang tigilan mo 'yang pag gamit mo ng guitara mo tuwing hating gabi. Jusko, hirap nanga ako sa pag tulog, gigisingin mo pa'ko!" isang umaga ay sermon ni mama sa'kin dahilan upang matigilan ako. Hindi lang pala ako ang nakakarinig noon.

Dahil doon, naisip kong itapon nalang ang guitara. Hindi ko naman alam kung kanino talaga iyon galing pero sa tuwing tinitingnan ko iyon ay para bang may kakaiba akong nararamdaman. Pinaghalong pangungulila at lungkot sa hindi matukoy na dahilan.

Sa sumunod na gabi ay para akong tangang nagpipigil ng antok para lang bantayan ang guitarang iyon na iniregalo sa'kin habang naka bukas ang ilaw. Sa isip ay paulit-ulit akong nagdarasal na sana hindi totoo ang naiisip kong nag mumulto ang guitarang 'yon. Hanggang sa hindi ko na namalayan ang tuluyang paglamon ng antok sa akin. Muli, ginising na naman ako ng mahinang tugtog ng guitara at sa unang pagkakataon ay mayroon naring boses na kumakanta. Nakaramdam ako ng kung ano mang malamig na humahaplos sa ulo ko na para bang gusto pa ako nitong patulugin dahilan ng biglaan kong pagbangon. Agad sinuyod ng paningin ko ang buong kwarto at ganoon nalang ang biglaang lakas ng tibok ng puso ko ng makita ang guitara sa kama ko. Isinabit ko iyon sa gilid ng aparador kaya paanong nandoon na iyon?

"Ate, 'wag mo ng uulitin 'yon, ah. Pag nalaman nila mama at papa, pagagalitan ka talaga," wala sila mama ng sabihin iyon ni Carl sa'kin.

"Ano bang sinasabi mo?" nag tatakang tanong ko.

"Kagabi, may kasama kang lalaki sa kwarto mo 'di ba?" natigilan ako ng marinig iyon mula sa kapatid. "Narinig ko pa ngang kinakantahan  ka. S'ya ba 'yung palaging nag gi-guitara tuwing gabi?" seryosong dagdag nito sa pabulong na paraan na para bang may makakarinig sa'min.

Dahil sa hindi maipaliwanag at naghalo-halong pakiramdam ay agad kong tinungo ang kwarto ko. Kinuha ko ang guitar case na nakasabit sa gilid ng aparador ko at inilabas mula roon ang guitara. Ilang segundo kong tinitigan iyon bago walang pag-aalinlangang ihampas iyon sa sahig ng paulit-ulit.

"Mawala kana!" walang tigil kong sigaw kasabay ng bawat hampas ko.

Baka totoo ngang nag mumulto ito. Malay ko ba kung saan ito galing o kung kanino. Habang ginagawa iyon ay sobrang bigat ng pakiramdam ko na siyang hindi ko maintindihan.

Tumigil lang ako ng maramdaman sa balikat ko ang kamay ng nag aalala kong kapatid na s'yang kanina pa pala pumipigil sa'kin.

"A-Ate..." paulit-ulit nitong tawag sa'kin, bakas ang pag-aalala sa boses.

Kasabay ng mabibigat na paghinga ay s'ya ring nag uunahang pag tulo ng mga luha ko.

Makalipas ang ilang sandali, napansin ko ang puting papel kasama ang nagkalat na piraso ng guitara dahil sa ginawa kong pag hampas dito. Gumapang ako para kunin iyon. Nanginginig parin ang kamay ko habang binubuksan iyon.

To Camile Vinyas

     Matagal kitang hinanap dahil sa hiling ng kapatid kong si Vince na ibigay ko daw ang guitarang pag aari n'ya sa kababata n'yang si Camile. Gusto daw n'yang tuparin ang pangako n'ya sa'yo. Kung nababasa mo man ito. Sigurado akong masaya na ang kapatid ko kung nasaan man s'ya ngayon dahil natupad ko na ang kahilingan n'ya bago s'ya nawala. Sana ay ingatan mo ang guitarang bigay n'ya higit pa sa ginawang pag ingat n'ya rito noon.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig matapos basahin 'yon. Nanginig ang buo kong katawan habang sinusuyod ng tingin ang ngayo'y nagkapira-pirasong guitara sa harapan ko. Galing kay Vince ang guitara.

Ang pangako nito noon na kakantahan n'ya ako ng paborito n'yang kanta ay paulit-ulit kong naririnig sa utak ko. Kaya ba gabi-gabi nalang akong nakakarinig ng tugtog? Paanong wala na s'ya, anong dahilan? S'ya ba iyong tumutugtog gabi-gabi?

Tanging pag hagulhol nalang ang nagawa ko habang iniipon ang bawat piraso ng guitara. Naguguluhan man, wala ng nagawa si Carl, kung 'di ang tulungan ako. Paano ko pa iingatan iyon kung ako mismo ang sumira?

Ganoon nalang ang bigat ng pakiramdam ko dahilan ng hindi matigil na pagluha. Matapos ipunin iyon ay wala sa sarili ko itong niyakap bago marahang pumikit. Sa aking pag pikit, nakangiting mukha ni Vince ang sumalubong sa akin. Ang pangyayaring lagi kong napapanaginipan ay muling sinariwa ng isip ko.

"Salamat sa regalo, Vince..." sabi ko bago tuluyang naglaho ang imahe nitong nakangiti...

@Kwinpen Stories
Plagiarism is a crime.
📌photo is not mine.
follow my watty acc: Kwinpen

 ONE SHOT STORIES Where stories live. Discover now