Chapter One

409 7 1
                                    

CHAPTER ONE

NAPAKAMOT sa sintido si Sunday nang makitang hindi si Mang Romy ang guwardiyang nakapuwesto sa gate ng subdivision, kundi isang bata pa na mukhang seryoso sa trabaho. Pagkakita nito sa kanya ay agad na humarang ito sa daraanan niya.

“Saan ka, Miss?” sita nito.

“Sarto’s residence,” aniya, habang inia-­adjust ang suot na sumbrero at ibinaba sa dulo ng ilong ang sunglasses.

Hindi kaagad nagsalita ang guwardiya, bagkus ay hinagod siya ng tingin at halatang walang tiwala sa nakikita. Tastas ang magkabilang tuhod ng kanyang pantalong maong, gusot na gusot ang T-­shirt niya, at nakatsinelas lamang siya na panlalaki.

“Ano’ng kailangan mo doon?” tanong ng guwardiya. Isa sa pinakaimportanteng residente ng subdivision si Mr. Fidel Sarto.

“I’m gonna visit my dad, kaya papasukin mo na ako.” Kitang-­kita niyang bahagyang nagulat ang guwardiya dahil nagsalita siya ng Ingles.

Kung papansinin lamang sanang maigi, malalaman nitong kahit ganoon ang suot niya ay signature clothes naman ang mga ito. And despite her haggard appearance, she exuded class. But the guard was too ordinary to notice such things.

“ID, Miss,” anito.

Napakamot na naman sa ulo si Sunday. Wala siyang ID. Gayunpaman, kinuha pa rin niya ang pitaka sa backpack at inilabas ang lumang driver’s license. Iniabot niya iyon sa guwardiya.

“Expired na ito, Miss—” Nakatingin ito sa pangalan doon. “Miss S-­Sarto—” Parang hindi nito mabigkas ang apelyido niya. Hindi yata makapaniwala na ang gusgusing babaing kaharap ay kaapelyido ni Mr. Fidel Sarto.

“E, ‘yan lang ang ID ko, e. Kung gusto mo, tumawag ka na lang sa bahay. I-­confirm mo doon na ako si Sunday Alexandria Sarto, ang nag-­iisang anak ni Fidel.” Isinukbit ulit niya ang backpack. “Sige na, bilisan mo!” utos niya.

Wala pa ring tiwala ang sikyu. Pumasok ito sa loob ng guardhouse at habang nagda-­dial sa telepono ay nakatingin sa kanya. She glanced at her Baby-­G watch. Pasado alas-tres na ng hapon.

Nang lumabas ng guardhouse ang guwardiya ay lulugu-­lugo ito. Tipong napahiya. “Pumasok ka na, Miss,” anito.

“Salamat.” At tuluy-­tuloy siya sa loob.

Ang mga drivers ng mga dumaraang sasakyan ay nagtatakang napapatingin sa kanya dahil hindi naman pangkaraniwan sa subdivision na iyon na may naglalakad sa kalsada. Ang mga residente ay pawang may mga sari-­sariling sasakyan. Pakiramdam ni Sunday ay hindi na siya aabot sa kanilang bahay. Hingal-kabayo na siya. Tatlong kanto pa ang bubunuin niya bago marating ang kanilang kalye, at sa dulo pa niyon naroon ang kanilang bahay. Panaka-naka ay inia-­adjust niya ang backpack. Mabuti na lamang at nakatsinelas lamang siya, kung hindi ay baka natalupan na ang kanyang mga paa.

Wala naman siyang balak na umuwi. Maligaya na siya sa maliit na apartment na inuupahan kasama ang isang kaibigan. Her friend was an artist, at iprinoklama rin niya ang sarili bilang artist. Ngunit sa kaibuturan ng kanyang konsiyensiya, alam niyang tamad lang talaga siya. It wasn’t easy leaving the comfort of her home, ngunit wala siyang pagpipilian. Pinalayas siya ng kanyang ama dahil sa sobrang galit. Binawi ang kotse niya, pinabayaang maubos ang bank account niya. Anim na buwan na siyang hindi nakakapag-­shopping. Pero tiniis niya dahil naniniwala siya na sa huling away nilang mag-­ama, siya ang may katwiran. Hindi.makatarungan ang galit nito sa kanya.

Kaninang umaga ay natanggap niya ang telegrama ni Tita Siony, ang kapatid ng kanyang papa. Pinauuwi siya dahil naospital daw ang kanyang ama. Dalawin daw niya. Di dalawin, aniya sa sarili. Mahal naman niya ang ama. Hindi lang niya matanggap na pinakikialaman nito ang buhay niya. Tuloy ay hindi na niya malaman kung ano talaga ang gusto niya sa buhay. Nauubos na ang panahon niya sa pagrerebelde. Hindi naman siya gaanong nag-­aalala hinggil sa karamdaman ng ama, dahil malakas pa naman ito nang huli silang magkita. Parang tumigil na sa edad na singkuwenta ang kanyang papa. Ngunit sisenta na itong mahigit. May-­edad na rin ito nang nag-­asawa.

My Girl Sunday by Rose TanWhere stories live. Discover now