LALAKING ITIM

8 2 0
                                    

*****

Blaaagg! Blaaaggg!

Naalimpungatan si Ria sa sunud-sunod na kalabog na narinig.

"Yaya, ikaw ba 'yan? Dahan-dahan naman po. Hindi ako makatulog eh." Sigaw niya. "Gusto ko nang umuwi sa bahay. Si papa naman kasi, ayaw pang umuwi. Kahit naman magtagal kami dito, kung wala naman siyang maitutulong sa kaso, wala namang mangyayari. Ilang araw na akong absent. Siguradong marami akong kailangang habulin sa leksyon namin."

Blaaagg! Blaaaggg!

"Yaya, ano ba 'yan? Kung hindi ka po makatulog, dito ka na lang sa tabi ko." Sigaw niya ulit. "Yaya?" Bumangon siya buhat sa pagkakahiga. "Ano kayang ginagawa niya? Sa bagay, ako nga walang magawa eh, siya pa kayang sanay sa trabaho araw-araw. Kawawa naman ang yaya ko. Makapagpatugtog na lang nga muna, pampaantok." Sabay nahiga ulit.

"Aaaahhh!" Sigaw mula sa di niya malamang direksyon.

"Ano 'yon? May sumigaw ba?" Pinatay niya ang tugtog at nakiramdam. "Sino 'yon?"

Blaaagg!

"Aayyy!! Diyos ko, ano ba 'yon?" Naibulalas niya dahil sa gulat. "Yaya, ikaw ba 'yan? Anong nangyayari sa'yo? Huwag mo akong takutin."

Kinapa niya ang salamin niya at dali-daling bumaba ng kama. Sumilip siya sa may bintana at bigla siyang napatili sa takot nang may napansin siyang anino mula sa may terasa ng kwarto niya na tila pinagmamasdan siya at papalapit sa kanya. Hinangin ang kurtina nito na lalong nagpalakas ng kaba sa dibdib niya.

"'Yong lalaki. Narito na naman siya. Sabi ko na nga ba't hindi ako nananaginip lang."

Tahimik pero patakbo siyang lumabas ng kanyang kwarto. Nakikiramdam sa paligid. Alam niyang may kakaiba at unti-unting binabalot ng takot ang kanyang puso. Abut-abot ang kaba sa kanyang dibdib. Tila ba may sampung kabayong nag-uunahan sa loob nito. Kakatok na sana siya nang mapansing bahagyang nakabukas ang kwarto ng kapatid niya.

"Kuya! Kuya! Kuya gising, ano ba!" Pero umungol lang ito kaya hinablot niya ang headphone sa tainga nito. "Ano ba! Di ba sabi ni papa, huwag na huwag mong iiwang nakabukas ang pinto lalo na kapag matutulog ka ng naka-headphone, ang lakas pa masyado! Hindi natin kabisado ang lugar na 'to." Galit itong bumalikwas ng bangon.

"Ano ba! Natutulog ang tao eh. Bakit hindi ka nalang pumasok sa kwarto mo at doon ka mag-ingay? Kung ayaw mo matulog, magpatulog ka naman."

"Kuya, may kumakalabog sa baba."

"Pusa lang 'yon."

"May babaeng sumigaw, kutob ko si yaya 'yon."

"Syempre may kumalabog, magugulat 'yon, kaya sumigaw."

"Hindi, iba ang kutob ko eh."

"Pwede ba tumigil ka na?"

"Pwede bang dito na lang ako matulog?"

"Ano? Ria, hindi ka na bata!"

"Ngayon lang."

"Bakit? Anong nangyari sa'yo, putlang-putla ka diyan? Ang ganda nga ng kwarto mo eh. May terasa ka pa. Eh di doon ka muna tumambay habang hindi ka pa inaantok. Mag-abang ka ng aswang na manliligaw sa'yo. Basta huwag mo akong guluhin, gusto ko nang matulog."

"Nananakot ka na naman eh. Nakita mo na ngang nanginginig na ako sa takot, gagatungan mo pa."

"Eh paano ikaw."

"Seryoso ako."

"Na ano?"

"May tao sa labas, 'yong lalaki nandito." Natawa lang ang kapatid niya.

A DREAMLAND JOURNEYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon