TEARFUL TRUTH

8 2 0
                                    


*****

PINANGINGINIGAN ako ng laman at nag-iinit ang dugo ko. Naturingan kong kaibigan, isang matalik na kaibigan sa loob ng ilang taon pero siya pa pala ang pinakaunang tao na hindi ako tanggap. Ang laki ko naman talagang tanga dahil minahal ko siya.

Tama nga iyong kanta, "Mali ang magmahal agad ng lubusan." Haay! Isang mahabang buntong-hininga kasabay ng paglapat ng aking likod sa malambot na kama. Kahit saksakan siya ng manhid at yabang, mahal ko pa rin siya.

Napabalikwas ako nang bangon. Kinuha ko ang aking talaarawan na halos lahat ay tungkol sa kanya ang nilalaman. Pinunit ko isa-isa ang bawat pahina. Mga nagkalat na papel ang bumungad sa aking kakambal.

"Bakit nagkalat ang punit na papel dito? Anong drama mo?" untag niya.

"Huwag mo akong pakialaman, galit ako!" sagot ko. Nagtangka siyang pulutin ang isa sa mga papel na nagkalat. "Huwag kang magkakamaling damputin iyan o basahin kung anong nandiyan kung ayaw mong buhusan kita ng kumukulong suka!"

Inisa-isa kong pinulot lahat ng papel na pinunit ko. Nilagay ko ang mga ito sa loob ng basurahan at mabilis kong nadampot ang bote ng gas na binili ko. Ibinuhos ko ang laman niyon sa mga papel habang isinusunod ko rin ang mga kinumos kong larawan namin at mga sulat.

"Hoy anong ginagawa mo Judy?" untag ni Julie na napamulagat sa kanyang natutunghayan.

"Susunugin ko!"

"Tanga, bote ng suka iyang hawak mo."

"Sabi ko kay ate gas, suka pala ang binigay niya!"

"Pakinggan mo na lang ako, may good news ako sa'yo," nakangisi niyang sinabi. Natigilan naman ako.

"Ano iyon?" untag ko.

"Nagtapat sa akin kanina si George at sinagot ko na siya. Sinagot ko na ang matalik mong kaibigan."

"Ano?" naibulalas ko. Biglang namuo ang luha sa aking mga mata at hindi ko na napigilan ang pagpatak niyon. "Paano mo nagawa sa akin ito? Alam mong mahal na mahal ko siya!" sigaw ko. Pinagtulakan ko siya palabas ng kuwarto ko. Wala akong ibang nararamdaman ngayon kung hindi galit, selos at sobrang sakit. Pinalagapak ko ang pagsara sa aking pinto sabay lock nito.

Narinig ko ang paulit-ulit at sunud-sunod na katok ni Julie sa aking pinto. Bakit ang kakambal ko pa? Ano bang mayroon siya na wala ako? Bakit siya ang mahal ni George at hindi ako? Napahagulhol ako ng iyak habang hawak-hawak ang aking dibdib na halos manikip na sa sakit na nararamdaman.

"Judy, pakinggan mo sana ako. Oo, sinagot ko na siya. Sinagot ko na siya para sa'yo. Napagkamalan niya yata akong ikaw kanina at ipinagtapat niya sa akin ang tunay niyang damdamin. Ikaw ang mahal niya. Mahal na mahal ka niya. Alam mong si Michael lang ang mahal ko, hindi ba? Magkapatid tayo, magkakambal pa, kaya hindi kita kayang traydorin.

Napalitan ng saya ang sakit sa puso ko at nangibabaw sa akin ang kagustuhang yakapin ang kakambal ko. Dahan-dahan ko siyang pinagbuksan ng pinto at niyakap.

"Nagkakamali ka Julie, ikaw ang mahal ko." Sabay kaming napalingon sa kaniya.

"George?" naibulalas ko kasabay ng muling pagpatak ng luha ko.


*****



A DREAMLAND JOURNEYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon