ITIM NA TUTUBI

15 0 0
                                    


---

SA GITNA ng malalim na gabi, sa isang liblib na barangay ay narinig ang tunog ng humintong sasakyan. Isang bangkay ang itinapon sa damuhan bago ito humarurot palayo. Lingid sa kanilang kaalaman, isang testigo ang nagmamasid. Tinungo niya ang pinagtapunan ng bangkay ng mga lulan ng sasakyan at may kinuha bago tumakbo palayo. Sa hindi kalayuan ay may aninong sumabay sa kanya.

Samantala, habang nagrorosaryo si Aling Martha, tila may umihip sa kanyang batok kaya napapitlag siya. Bigla siyang kinilabutan at kinutuban. Naramdaman niyang tila may mga matang nagmamasid sa kanya.

"Mama!" narinig niyang pagtawag ng anak subalit nang igala niya ang paningin sa paligid ay hindi niya ito nakita. Muli niya itong narinig na tila nasa tabi niya lang. Noo'y muling umihip ang malamig na hangin na nagpatayo sa kanyang balahibo.
Mayamaya lamang ay may isang itim na tutubi na dumapo sa kanyang kamay. Kinabahan siya at kapagdaka’y napaluha. Sumunod ang kanyang impit na hikbi hanggang sa humagulgol na siya.

“Katawang lupa niya lamang ang namatay, ngunit hindi ang kanyang kaluluwa. Magbabalik siya, kung ano at sino siya talaga. Humanda kayo! Wala kayong takas!”

***

MAGKASUNOD NA pumasok sa kanilang tanggapan sina Marco at Julio. Nadatnan nila ang mga kapwa pulis na nagkukumpulan sa harap ng maliit na telebisyon.

Natagpuan ng mga batang nanghuhuli ng gagamba rito sa damuhan ang bangkay ng isang lalaki. Basag ang mukha nito at walang nakuhang anumang pagkakakilanlan ang mga awtoridad kaya palaisipan kung sino siya. Tanging maong na pantalon lamang ang suot nito at walang pantaas na damit. Nakatali ang mga kamay at paa. Bakas sa kanyang katawan dahil sa mga pasa at sugat na pinahirapan muna ito ng matindi bago pinatay…

“Sino na naman kaya 'yon? Panibagong biktima na naman ng hindi makataong pagpatay,” naibulalas habang napapailing ng isa sa kanila sabay tapik sa balikat ng katabi.

“Ano pa ba’ng bago ngayon? Kung hindi pagnanakaw at personal na galit, maaaring konektado na naman ito sa droga,” tugon ng kausap. Tumalikod na ito sa kumpulan ng mga kasamahan para bumalik sa kanyang silya nang tumambad sa kanyang paningin sina Marco at Julio na nagkataon namang nakatingin sa kanya.

Tila nabulaga ito. Natigilan. Namilog ang mga mata at wari bang pinagpawisan samantalang naka-air-conditioned ang silid.

“Omar, bakit parang nakakita ka ng multo?” nakangising tanong ni Marco.

Matagal bago ito nakasagot. Mistulang napipi at napako ang mga paa sa kinatatayuan. “M-marco! Wala naman, brad. Nagulat lang ako kung bakit kasama mo na naman 'yang baliw na 'yan,” ininguso nito ang pagturo kay Julio.

“Hindi siya baliw. Alam mong isa siyang mahusay na imbestigador. Naniniwala ako sa kakayahan niya,” tugon ni Marco sa tila pasimpleng pang-iinsulto nito kay Julio.

“Oh, siya! Ikaw bahala. Hindi talaga kita maintindihan.” Tuluyan na nitong ihinakbang ang mga paa palayo sa kanila.

“SPO2 Hilario, mukhang puyat ka. May gumugulo ba sa 'yo?” sarkastikong pahabol ni Julio. Tinugunan lamang siya nito ng makahulugang tingin. Samantala, kaagad namang nabaling ang tingin ni Julio kay Marco. “Aalis na ako. Mukhang ayaw nilang nandito ako.”

“Subukan mo lang na hindi ako tulungan sa kaso ko, hindi rin kita patatahimikin,” pagbabanta ni Marco kaya’t napilitan itong manatili.

“Hindi ko alam kung ano’ng gagawin at pa’no magsisimula. Baliw na nga ang tingin nila sa akin, sa ginagawa mong 'to sa 'kin, lalo akong magmumukhang may sayad,” reklamo ni Julio habang magkatabi silang nakaupo malapit sa complaint desk.

A DREAMLAND JOURNEYDär berättelser lever. Upptäck nu