#PEYSBUK KONPESYON

20 2 4
                                    

Dedicated to Geah Demi - @Geahdhine088

*****

Ika-5 ng Nobyembre, taong 2016

Natatanging pag-amin para kay Ghio:

Maraming estranghero ang sumalubong sa aking pagdating. Sa pagbubukas ng pinto sa mundo ng panulat, ngiti nila ang bumungad. Lahat ng tingin ay dumapo sa akin.

Nandoon ka sa kumpulang iyon. Nakikibati. Nakikisaya. Bagama’t sandamukal kayong nasa aking harapan, namukod-tangi ka sa kanilang lahat. Nabihag mo ang aking puso at mga mata. Sa kalauna’y naging malapit ako sa iba, ngunit ika’y nanatiling nakadistansya. Nandoon ka sa lugar na mahirap abutin. Sa lugar na mahirap agawin ang iyong pansin.

Sa gitna ng aking pag-iisa, lagi akong hinahatak ng koryusidad sa birtwal na mundo. Natututop ko na lamang ang aking sarili sa peysbuk akawnt mo. Tinitingnan ang mga larawan mo. Binabasa ang mga letrang nakapaskil sa taymlayn mo. Mga salitang sagana sa ideya’t damdamin. Subalit isang araw, dahil sa pilit kong pag-abot sa ‘yo, lumagapak ako dahil sa mga nabasa ko.

Hindi ko alam kung sino siya. At ayaw ko nang malaman pa. Mahal mo man ay iba, mahal pa rin kita. Nakalulungkot mang hindi ako ang nagpapasigla’t nagpapangiti sa puso mo, ang mahalaga ay masaya ka. Nakalulungkot mang hindi para sa akin ang mga salitang iyon at pinaglalaanan mo ng iyong mga akda, ang mahalaga’y inspirado ka.

Nandito pa rin ako. Sana ay maging masaya ka. Iaalis ko man ang aking mga mata sa pagsilip sa 'yong mundo, kung mayroon mang kahit katiting na pagkakataon, sana’y mapansin mo.

Lubos na humahanga,
Geah

*****

Ika-7 ng Nobyembre, taong 2016

Tugon para kay Geah:

Noong araw na ika’y dumating, nagalak ang aking damdamin. Ibig kong lapitan ka ngunit maraming nakaharang. Nakibati na lamang ako’t nakisaya sa lahat. Dumistansya na lamang ako sa ‘yo dahil tila alangan ako sa isang katulad mo.

Maraming humahanga sa ‘yo. Nakakaasar marinig ang mga nagmistulang bubuyog na nagbubulungan sa likuran ko. Nagpupustahan at nagpapagalingan kung sino ang matitipuhan ng bulaklak na katulad mo. Dahil doon, tila mas lalo pang kumapal ang pader sa pagitan nating dalawa.

Hindi lamang ikaw ang nag-iisa. Hindi lamang ikaw ang sumisilip sa peysbuk akawnt ng iba. Ako rin naman sa ‘yo. Sa ‘yong mga litrato, nakangiti ka man ay tanaw ko sa iyong mga mata ang kalungkutan. Ang mga letrang nakapaskil sa 'yong taymlayn ay naghahatid ng kirot sa aking puso. Madalas kong tanong, “Sino kaya siya?” Mabuti pa siya, napapansin mo kahit nagmimistulang hangin ka lang sa paningin niya. Natawa na lamang ako nang malaman kong ako pala ‘yon at para sa akin ang bawat letrang itinitipa mo. Ganoon din naman ako sa ‘yo. Ikaw ang tinutukoy ko at para sa ‘yo rin ang aking mga akda.

Nandito rin ako. Magiging masaya talaga ako kung pagbibigyan mo ang aking simpleng kahilingan.

Maaari bang pakipindot ng ‘Add Friend’ sa aking peysbuk akawnt at agad-agad ko naman itong tatanggapin.

Labis na nagagalak,
Ghio

*****

Ika-9 ng Nobyembre, taong 2016

Para sa ‘yo Ghio:

Alam mo bang ako’y iyong napangiti at ang aking puso’y napalundag sa tuwa? Nanginginig man ang aking mga daliri ay pinagbigyan kita sa kahilingan mo. Maraming salamat naman sa 'yong agarang pagtanggap.

A DREAMLAND JOURNEYWhere stories live. Discover now