PATALIM

5 2 0
                                    


Entry in a One Shot Writing Contest


*****

"Nanay, nagugutom na po ako," kalabit sa akin ng anak ko.

"Uminom ka na muna ng tubig. Wala pa tayong pambili ng pagkain. Tulog pa ang Tatay niyo. Pasensiya na kayo mga anak," tugon ko. Awang-awa ako sa kalagayan ng aking apat na anak.

Hindi ganito ang buhay na pinangarap ko. Hindi ganito ang buhay na ipinangako niya. Subalit heto pa rin ako, patuloy na niyayakap at binabagtas ang daang pinili kong tahakin dahil sa lintik na pag-ibig na iyan.

Nakarinig ako ng mga yabag mula sa loob ng kuwarto. Nakaramdam ako ng magkahalong tuwa at takot. Ang mga yabag ay nagsasabing gising na si Maning. Halos umaga na siyang nakauwi at lasing na lasing pa kaya't alas dos na nagising.

Pumupungas-pungas siyang lumabas. Dumiretso sa kusina at naghanap ng makakain. Ngunit nang wala siyang natagpuan, galit niya akong nilingon habang napapakamot sa ulo. Halos magiba ang aking dibdib sa takot dahil sa kaniyang mga tinging sumusugat sa aking lamog na katawan.

"W-wala a-akong n-naihandang pagkain," nauutal kong sinabi. "W-wala akong pambili ng ulam at bigas kaya hinintay kitang magising," paliwanag ko.

"Lintik na buhay 'to!" sigaw niya.

"Hindi pa kumakain ang mga anak mo. Nagugutom na sila," mahina kong tinuran.

"Ano lang bang ginagawa mo rito? Napakawalang kuwenta mo talagang asawa!" muli niyang sigaw habang dinuduro ako. Bigla namang kumawala ang galit na matagal ko nang kinikimkim sa aking dibdib dahil sa tinuran niya.

"Kung sana wala akong mga batang inaalagaan, kung sana malaki na si bunso na puwede ko nang iwanan, magtatrabaho ako. At kung sana may ginagawa ka para sa amin, hindi sana kami nagugutom," matapang kong sagot.

"Anong gusto mong palabasin?" tanong niya na nanlilisik ang mga mata sa galit.

"Ikaw ang walang kuwentang asawa! Sana nakinig na lang ako kay Mama noon. Hindi sana ganito ang buhay ko ngayon!" bulyaw ko.

Iyon naman ang pag-iyak ng aking bunsong anak na tangan-tangan ko. Maging ang tatlo pa naming anak na nakaupo sa sulok. Umiiyak sila sa takot habang hawak ang humahapding tiyan.

"Aba! Lumalaban ka na Leleng ha!" galit niyang tugon.

"Oo! At sana, matagal ko nang ginawa!" Akmang sasapakin niya na ako kaya't sinalubong ko ito ng bulyaw. "Sige! Saktan mo ako! Diyan ka naman magaling e. Nakikita mo ba ang mga pasang ito? At itong mga sugat na hindi pa naghihilom dahil sa pananakit mo? Ito ba ang kaganapan ng pag-ibig na isinumpa mo sa harap ng altar?" maluha-luha kong tinuran.

Hinigit niya ang aking braso patayo. Muntik ko nang mabitawan ko si Nonoy. Mabuti na lamang at agad naman siyang naagaw ng panganay kong anak. Magkapatid na sampal at suntok sa sikmura ang inabot ko. Halos magdilim ang paningin ko dahil sa hapdi at matinding sakit.

"Alam mo bang ikaw ang dahilan kung bakit ako nagkaganito? Kayo ng mga anak mo at ang panlalait na inabot ko sa mga magulang mo. Sinubukan kong maging isang mabuting haligi ng tahanang ito pero para sa inyo, laging hindi sapat!" panunumbat niya.

"At ang saktan ako ang pambawi mo? Ganun ba?" galit kong tanong.

"Oo! Kulang pa nga iyan sa lahat nang inabot ko sa pamilya mo. Iyang mga batang 'yan, alam kong ang iba sa kanila ay hindi sa akin!" bulyaw niyang muli sa akin. Lalo kong ikinagalit ang sinabi niya.

"Kahit kaylan ay hindi ako nagtaksil sa 'yo. Nasa akin ang lahat nang pagkakataon pero hindi ko ginawa. Kayang-kaya kong umalis at iwan ka pero nagtiis ako dahil mahal kita," tugon ko sa pagitan ng aking mga hikbi.

A DREAMLAND JOURNEYWhere stories live. Discover now