Story 3 : Sementeryo part 1

4K 151 5
                                    

-----

"Baliw na raw si Eman."

Napatingin si Estong kay Onad. Seryoso ang mukha nito. Parang naniniwala sa mga balita. Siniko niya si Amon na katabi niya sa pagkakaupo sa lapida ni... hindi niya matandaan kung kanino.

"Naniwala ka naman! Baka nakasinghot lang yun, tsong. Alam mo naman si Eman. Ang takaw sa rugby." sabi ni Amon. Nagkakamot na naman ito sa paa nitong para na namang ginagalis sa dami ng kalmot, pantal at sugat.

"Kadiri yang paa mo, tsong." aniya rito. Napapakamot din tuloy siya sa paa.

"Ang kati nga nito e. Nagsimula lang 'to nung nakaraang linggo e. Nung nakatambay din tayo rito tapos may parang gumapang sa paa ko." kwento ni Amon.

Lalong sumama ang mukha ni Onad.

"Nagsimula lang din yan nung isang linggo? Kitams? Si Eman... di ba, naalala n'yo, nangati rin muna sa paa? Tapos, kinakain na niya yung sugat niya? Tapos kahapon, nakita ko'ng Nanay niya. Kala ko nga, sasampalin ako e. Tayo raw nagpasok ng masamang espirito kay Eman." si Onad.

"Sus. Tayo? E si Eman nga ang malakas bumili ng rugby no! Nakikiamot lang tayo." sabi niya. Napakamot din siya sa paa. "Ano raw bang sabi? Kumusta na raw si Eman?"

"E sabi, lagi na raw tulog. Tapos daw... kumakain ng bulate."

Napangiwi sila ni Amon sa sinabi ni Onad.

"Kadiri. Siraulo na yun a. Napapasobra na yata talaga sa rugby a."

"E... hindi naman nakaka-rugby yun ngayon, tsong. Di ba nga? Nung isang linggo pa yun nakakulong sa bahay nila?" si Amon.

Napaisip siya. 

"E malay natin... kung binibigyan ni Eli?" tukoy niya sa mas panganay na kapatid ni Eman. Galon-galon iyon kung bumili ng rugby. At hindi marunong mamigay sa ibang tambay sa kanto o sa maliit nilang sementeryo kung saan madalas ang session. Ang kilala lang noon ay yung mga kabarkadang kasing-edad. Matanda ng sampung taon sa kanila si Eli. May dalawang anak na nga. Lalabinlimang taon lang sila.

"Hindi yun bibigyan. Magagalit si Aling Lusing." salag ni Amon. Tinutukoy naman ang Nanay nina Eli at Eman.

Nagkibit-balikat siya. "O, e pa'no siya nakakapang-trip nang ganun? Bakit yun kakain ng uod?"

"Bulate." pagtatama ni Onad.

"O, bulate na kung bulate. Bakit nga kakain ng bulate kung hindi nag-aadik?" aniya.

"E kasi nga, baliw na raw." si Onad pa rin.

"Sus."

Natahimik sila.

"Pero..." patuloy sa pagkamot sa paa si Amon. Nagdudugo na ang nabutasang balat nito na kanina lang ay maumbok na pantal. Gumuhit sa binti nito ang manipis na bakas ng tumulong dugo. "Di ba, yung ano... yung nangyari nung nakaraang linggo, parang baliw na rin nun si Eman? Yung naghukay siya dun sa puntod sa looban? Tapos sinita nung sepulturero?"

"Oo. Dun pa lang e." si Onad.

"Bangag lang yun nun. Ang tagal-tagal na nating tambay rito, wala naman tayong nakikitang babaeng nakaitim. Bangag lang yun." ulit niya.

"E bakit totoong may pasa siya sa braso? Yung parang hinawakan siya ng mahigpit? Tapos, sumusuka siya ng putik?" si Onad uli.

"E baka kinain niya yung putik. Alam n'yo naman yun pag bangag, kung anu-ano ang nakikita e. Di ba dati, nakipaghalikan daw siya sa sirena? E kanal lang naman ang meron dun sa labasan?" katwiran niya.

"Pero, tsong, mukhang totoo nga yung pasa niya nun sa braso." si Amon.

Hindi siya umimik. Maging siya man ay wala nang maisip na dahilang bangag para makuha iyon ni Eman. 

Kwentong Hukay Book 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon