Story 3 : Sementeryo Part 3

2.7K 126 3
                                    

-----

Umaga na ay nakatalukbong pa rin ng kumot si Estong habang namamaluktot sa papag niya. Hindi niya malimutan ang malalakas na sigaw ng paghingi ng tulong ng mga iniwang kasama sa sementeryo. Paulit-ulit niyang nakikita sa balintataw ang mga walang mukhang nilalang na nakatanghod sa kanya. Nalalasahan niya pa sa lalamunan ang mapakla-mapait na lasa ng putik na pilit ipinalulunok sa kanya. At ang tinig na iyon...

Kanino ang tinig na iyon? Sa isang babae ang tinig. Maging ang kamay na humawak sa pisngi niya ay sigurado siyang sa isang babae. Kaya paanong... ang sepulturero ang lumapit sa kanya?

At higit sa lahat, ano ang nangyari kina Amon, Tangkad, Kwadrado at Eli? Patay na ba ang mga ito? Kasalanan ba niya? Dahil hindi siya humingi ng tulong nang umalis sa sementeryo at sa halip ay parang dagang nasukol na nagtago sa kwarto niya?

'Patawad. Patawarin n'yo ako.'

Nakatulog siya uli.

PINAGPAPAWISAN NA SI ESTONG nang bumalya pabukas ang pinto at pumasok ang Inang niya. Itinakip niya ang braso sa kamay. Mataas na ang araw at sumisilaw sa kanya ang liwanag.

"Ano na namang kalokohan ang ginawa ninyo ni Amon kagabi?! Magkasama kayo, hindi ba?!" bulyaw nito.

Nanghihina siyang napaupo. Tumango lang sa Inang niya.

"Hala! Anong nangyari kay Amon? Nasa salas si Linda at ngumunguyngoy! Magkwento ka!"

Itinikom niya ang bahagyang nakaawang na bibig. Paano niyang sasagutin iyon gayung hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kaibigan?

"Nang..."

Hinawakan siya ng Inang niya sa kuwelyo at kinaladkad patayo at palabas ng silid.

Sa salas ay nakaupo nga si Aling Linda, ang ina ni Amon. Naroon din ang dalawa pang mga ina. Kamukha ng panga ni Kwadrado ang panga ng isang ginang. Mapupula ang mata ng mga ito. May mga hawak na panyo.

"Upo," matigas ang tinig na sabi ng Inang niya.

Nanlalambot ang kalamnan na naupo siya sa upuang gawa sa kawayan.

"Anong nangyari kay Amon, Estong? Anong nangyari..?" umiiyak na tanong ni Aling Linda sa kanya.

Tumungo siya.

"Magkasama kayo kagabi, hindi ba? Bakit ganun? Anong nangyari? Magsabi ka sa akin..."

Hindi siya kumibo.

"Anak ng... Estong. Magsalita ka. Sagutin mo si Linda! Kaawa-awa ang pag-iyak!" sabi ng Inang niya.

Paano niyang sasabihin ang nangyari sa kanya at ang nakita niya pagkatapos? Katanggap-tanggap ba iyon? Hindi lingid sa nayon nila kung sinu-sino ang mga kabataan na gumagamit ng rugby o marijuana. Hindi lingid kung sino ang dumidilehensiya para magbato. Kapag sinabi niya ang nakita niya, hindi maniniwala ang mga ito. At baka mapagbintangan pa siyang kriminal!

"Estong..."

Hindi siya tuminag sa pagkakaupo. Hindi rin nag-angat ng mukha sa pagkakatungo.

"Anong nangyari, anak? Sabihin mo sa akin... Bakit umuwi nang ganoon si Amon? Bakit hindi siya makausap? Bakit siya wala sa sarili?"

Nag-angat siya ng mukha at malalaki ang mga matang tumitig kay Aling Linda.

"Nakauwi ho..." halos wala siyang tinig, "si Amon?"

Tumango ang babae habang sumisinghot at pinupunasan ng hawak na panyo ang luha nito.

"Dumating siya kagabi na latang-lata at puro putik. Nagkulong sa kwarto niya. Nagsisisigaw magdamag. Nang mapakalma namin ni Victor, hindi na makausap!" ngumalngal ito, "Tulala na lang siya at hindi nagsasalita!"

"Ganoon din si Alan!" singit ng isang ginang at malakas na umiyak.

"Anong nangyari, totoy? Sabihin mo sa amin. Magkakasama kayo kagabi, hindi ba?" singit ng isa pa, "Natatakot kami sa nangyayari. Baka mabaliw rin sila at mamatay. Gaya nina Eman at Onad."

Mulagat lang siyang napapatingin sa mga ito. Naguguluhan. Nakauwi ang mga ito?

Nakauwi?

At si Onad... anong nangyari sa kanya? Si Eman lang ang namatay, hindi ba?

Bumaling siya sa ina.

"Inang... anong nangyari kay Onad?" usisa niya sa ina.

"Kamamatay lang kaninang umaga, anak," naiiling na sabi nito, "Gaya ni Eman, namatay sa pagtulog."

Napatungo siya sa sahig. Namatay sa pagtulog? O kinuha ng nakakikilabot na mga nilalang?

"At si Eli po? Ano naman ang nangyari sa kanya? Nakauwi rin?" usisa niya sa ina.

"Oo! Nauna na ngang pinuntahan iyon ni Linda at nitong dalawa pang ginang. Doon unang nagtanong. E... bangag yata ang lokong iyon. Itinaboy itong mga inang nag-iiyakan dahil nag-iimpake raw siya," kwento nito. Tumatabi-tabingi ang nguso ng Inang niya sa pagkukuwento tanda ng disgusto.

"Nakakapagsalita... siya?" takang tanong niya.

"Oo! Sinugod ko iyon kanina sa bahay nila e! Paano nga'y itinaboy rito itong mga kawawang ina." naiiling ang ina niya, "Pero magalang na magalang, ay! Para bagang bangag talaga. Pero ang mga salita, halata ang tigas ng kalooban! Madaling-madali."

Wala siyang nauunawaan sa mga nangyayari.

Nagpatuloy naman sa pagkukuwento ang ginang, "Ang sabi ay sa iyo nga raw magtanong kasi kasama ka rin nila kagabi. Siya naman daw ay walang alam e. Saka nagmamadaling nagbitbit ng gamit niya at nung mga bata. Lilipat daw sila ng bahay. Kasi raw ay ibinenta sa kanya ni Marteng sepulturero iyong bahay sa looban."

Dumoble ang pitik ng puso niya.

"Titira siya... sa looban?" hindi makapaniwalang tanong niya. Higit sa sarili kaysa sa ina.

Bakit ito titira roon matapos ang nangyari kagabi? Dahil pa rin ba sa perang kinupit ni Eman? Pero bakit kasama pa pati ang mga anak nito? At bakit sa bahay ng sepulturero na gumawa ng masama rito?

Hindi kaya...

Nangilabot siya sa tinutungo ng isipan. Narinig niya noon sa isa sa mga pangaral ng ina tungkol sa mga patay, "Ang ilaw ng kandila ang liwanag ng mga espirito. Ang lupa ang sagisag ng katawang-laman na tirahan. Ang asin ang sagisag ng kalinisan. Kaya nagsasabog tayo ng asin para maitaboy o maproteksyunan ang ating sarili sa mga masasamang espirito at elemento. Idinadakot naman ang lupa at itinatapon sa puntod o sa yumao bilang ritwal ng pasasalamat sa katawang-lupa na ginamit nila. At nagtitirik tayo ng kandila habang umaalala sa mga namatay na para magkaroon ng kapayapaan ang mga namatay."

Umiikot ang paningin niya sa mga reyalisasyong nagbibigay-kilabot sa kanya. Naaalala niya uli ang lahat sa kabila ng mapilit na pagtatanong ng mga umiiyak na ginang sa kanya.

May lumang puntod sa looban ng sementeryo katapat ng bahay ng sepulturero. Taga-ibang bayan ang may-ari ng puntod. Hindi nila kilala. Pero minsan nilang hinukay - isang paglapastangan.

Namatay si Eman matapos makakita ng babaeng nakaitim sa paghuhukay ng puntod. Napanaginipan ni Amon ang babae. Narinig niya ang babae.

Pinipilit ng sepulturero na pakainin siya ng lupa.

At kung nalunok niya ang lupa...

Umikot ang paningin niya bago tuluyang nawalan ng malay.

END.

# 1143g / 10062015


Kwentong Hukay Book 2 (Completed)Where stories live. Discover now