Story 3 : Sementeryo Part 2

3.5K 145 3
                                    

-----

Gabi. Pista ng mga patay. Maghapon nang laganap sa hangin ang amoy ng nasusunog na mitsa at natutunaw na kandila. Mula sa silid kung saan siya nakahiga, nauulinig ni Estong ang pagdarasal ng Inang niya at ilang inupahang tao. Nakabihis ang altar sa salas nila at maaga pa ay nagluto na ng goto at ilang kakanin para sa nakidasal.

Tumagilid siya ng higa at sumanday sa malambot na unan. Umingit pabukas ang pintong natatalikuran niya.

"Estong," tawag sa kanya ng Inang niya.

Pumikit siya. Umaaktong tulog. Baka kukulitin na naman siya nitong maiupo sa padasal para sa mga patay. Gagamitin na naman si Eman para konsensiyahin siya. 

"Hoy, Estong! Natutulog ka ba?" mas malakas na tanong ng inang niya.

Umingit pasara ang pinto. Matunog ang yabag nito palapit.

"Estong?"

Naramdaman niya ang pag-upo ng ina sa tagiliran ng papag niya.

"Kahit man lang humarap sa altar ay ayaw mong gawin. Lumaki ka lang ay ikinahiya mo na ang pagdarasal?"

Isinara niya ang tainga sa mga naririnig.

"Estong! Alam kong hindi ka tulog!" 

Nanatili siyang nakapikit.

"Estong?"

Kumilos sa pagkakaupo ang inang niya sa papag. Dumikit yata sa likuran niya bago inilapat ang palad sa pisngi niya. 

"Estong..."

Nahigit niya ang hininga. Hindi pamilyar ang tinig ng babae. Bumaba ang temperatura sa silid. Sumuot ang kakaibang lamig sa balat niya at pinapanginig maging ang kanyang mga buto. Sino ang nasa tabi niya? Nasaan ang nanay niya? 

Humaplos ang matigas at malamig na palad sa pisngi niya.

"Kahit man lang humarap sa altar ay ayaw mong gawin. Lumaki ka lang ay ikinahiya mo na ang pagdarasal?"

Mahigpit na naglapat ang mga ngipin niya. Kumuyom ang kamao. Dumiin ang pagkakapikit ng mga mata.

Bumigat ang lapat ng kamay sa pisngi niya. Muntik tumusok sa laman niya ang matulis na kuko ng kung sinumang nangti-trip sa kanya. 

"Estong... marunong ka bang... magdasal?" tanong pa nito.

Anong nilalang ang nasa likod niya? Imahinasyon niya ba iyon? Pinaglalaruan siya ng isip niya?

Bumaon ang kuko niya sa gitna ng palad sa tindi ng pagkakakuyom niya sa kamao. Isa lang ang paraan para malaman kung ano o sino ang taong kumakausap sa kanya!

Ibinuka niya nang bahagya ang bibig para magbuga ng hangin bago lakas loob na nagmulat at ipinihit ang ulo sa tagiliran niya.

Blangko.

Walang tao sa tabi niya at nakasara nang maayos ang pinto ng silid. 

Napaupo siya sa papag. Nanlalamig ang balat. 

'Tang 'na. Bangag ba 'ko?' naisip niya habang nakapako ang mata sa pinto. Dahan-dahan niyang iginala ang mata sa buong silid. Walang kakaiba. Walang anino. Tuwid at matining ang ningas ng kandila na sinindihan ng Inang niya sa maliit niyang altar sa paanan. 

Napapalunok siya at kinakalma ang sarili sa katahimikan ng paligid nang malakas na tumugtog ang ringtone ng cellphone niya.

Napasinghap siya at masamang napatingin sa gadget malapit sa unan niya.

"Hello?"

"Estong!"

Nangunot ang noo niya. Nanginginig ang boses ni Amon. Parang... umiiyak?

Kwentong Hukay Book 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon