PANIMULA

7.1K 254 29
                                    

-----

Mag-a-alas sais ng gabi. Mabilis ang pagkalat ng dilim sa maliit na sementeryo sa isang tagong bayan. Nagsisimula naman ang pagpapaapoy at pagluluto ng hapunan ng mga ginang sa kalapit na bahayan. Nagpapauwi naman ng mga alagang hayop - aso, sisiw, manok, kambing at pato ang mga ginoo. Pasigaw ang pagtatawag ng mga magulang sa mga anak nilang pagala-gala pa sa labas ng bahay.

“Pumasok na kayo. Alas sais na!”

“Hindi na oras ng laro! Oras na ng mga espirito!”

“Hala kayo! Baka iba na ang kalaro ninyo diyan!”

Iyon ang mga sigaw na palaging naririnig. Tuwing mag-a-alas sais.

Pero sa bahay nina Yuli, ang nag-iisang kapitbahay ng sementeryo, iba ang nakagawian. Kapag alas sais ay kailangang isara ng Kuya Otep niya ang pinto. Mali pala. Kailangang ikandado. Madalas silang walang bigas pero tatlo ang biniling kandado sa pinto - isang de-pihit na seradura, isang de-trangka (latch) at isang de-suklot na kadena. Kailangang ilapat, isuot, at isuklot iyon ng maayos ng Kuya Otep niya. Abot nito ang mga sarahan ng pinto. Matangkad at payat ang kuya niya sa edad na labinlima.

Siya naman ang nakatoka sa maagap na pagsasara ng bintana. Maliit siya sa edad na sampu pero kung tutungtong siya sa kahoy na upuan ay abot niya ang mga bintana sa maliit na bahay. Dalawa ang dahon ng bintana na pinagdudugtong ng isang de-hugot ding kandado. Gawa sa kahoy. Binubukbok. Ang tatay naman nila, si Manong Eli ang bahala sa pagsisindi ng mga kandila at pag-iinsenso sa altar.

Matapos ang pagkakandado ni Otep ng pinto, matapos maisara ni Yuli ang limang bintana, matapos magliwanag ang kandila at umusok ang insenso sa altar, tatlo silang umupo sa harap ng mga rebulto. May malaking krus ni Jesus, ang tagapagligtas. May kupas na larawan ni Maria Inang Birhen. At may maliit na ukit ng batang Jesus.

Laging maliwanag ang altar tuwing alas sais. At sa gitna ng pag-usok ng insenso, at pagkatunaw ng kandila, maririnig nila -

Tok. Tok. Tok.

Mahina muna iyon. Nagkatinginan sina Otep at Yuli. Tahimik naman si Mang Eli. Sa altar ito nakatingin. Walang umiimik sa kanila.

Tok. Tok. Tok.

Patuloy ang pagkatok sa kahoy na pinto.

Naririnig nilang magkapatid ang magkapanabay na paglunok nila ng laway.

“Magbilang na lang kayo hanggang sampu. O hanggang dalawampu. Sa isip lang.” masuyong bilin ni Mang Eli sa mga anak.

Hindi nakaligtas sa kanila ang kaunting panginginig ng butuhang kamay ng ama. Parang lalong namumuti ang ilang hibla ng buhok nito. Nangingintab ang unti-unting pagtakas ng pawis sa noo.

Tok.

Tok. Tok.

Lumalakas ang lapat ng kamao sa kahoy. Wala pa ring kumikilos sa kanila.


Ang kasunod niyon ay mga yabag. Ilang mababagal na hakbang sa labas ng bahay. Mabibigat.

Tok. Kruak. Tok.

Sa bintana naman ang pagkatok.

Wala pa ring tumitinag. Ni umiimik kaya. Kabilin-bilinan ng ama na hindi dapat maririnig ang boses nilang magkapatid sa tuwing dumadalaw ang bisitang hindi pwedeng pumasok.

Iyon ang sabi ng tatay nila. Isa raw iyong bisita. Na hindi pwedeng papasukin, kausapin o kahit silipin man lang.

Lumagabog ang tila sinuntok na bintana. At may mga mararahas na pag-angil sa labas ng bahay. Mula sa siwang ng bubong na yero ay nakikita ni Yuli na madilim na ang langit. Pero naroon pa rin ang bisita. Dapat na sa mga oras na ito ay wala na iyon.

“Tatay-”

Itinakip ni Mang Eli ang palad nito sa bibig ni Yuli. Umiling ito. Pinagbabawalan ang batang magsalita.

Umatungal at nag-iyakan ang mga aso sa nayon. Umalulong.

“Kaunti na lang. Kaunti na...” mahinang bulong ni Eli sa anak. Idiniin nito ang hintuturo sa labi para patahimikin ang bata.

Tok. Kruak. Tok.

Tok. Tok. Tok. Tok. Tok.

Tok.

Tok. Tok.

Umiikot ang pagkatok. Sa bintana at pinto. Bumibilis ang mga paa. Dumadami ang pag-angil. At nagwawala sa pagtatahulan at pag-alulong ang mga aso.

Kakatwa na may hatid na kilabot at panlalamig na katawan ang kung sinumang bisitang iyon sa labas ng bahay. Kusa ring napipigil ni Yuli ang hininga. Sa nakikita niyang pamumutla ng Kuya Otep niya at malalaking mata nitong nakasunod sa kung saan may kumakatok, mukhang magkatulad sila ng hilakbot.

Natahimik ang nakaririnding ingay. Maya-maya -

“Tao po?” tawag ng tinig mula sa labas. Lalaki.

Tok. Tok.

“Shhh...” sabi ni Mang Eli. Umiiling ito. Pinagbabawalan silang magsalita.

Tok. Tok. Tok.

“Otep? Yuli? Ang Mama ito.” boses ng babae. Masuyo. Kaboses ng ina nila.

Umiiling pa rin si Eli. Matigas ang anyo nito. Napatutop sila ng kapatid sa sariling mga bibig. Pinipigil ang sariling magsalita.

Tok.

“Otep?”

Mahigpit nilang hawak ang bibig.

Tok. Tok. Tok.

“Yuli?”

Naiiyak ang batang babae. Alam niyang hindi iyon ang ina. Dahil nakita niya kung paanong isinilid sa isang tulugan ang ina at tinabunan ni Mang Eli ng lapida ang higaan nito.

“Eli...” malamig, malagom, malalim at nakapangingilabot ang tinig. Tila pinahahaba nito ang mga kataga sa pangalan ng lalaking tinatawag.

Tumigas lalo ang anyo ng may katandaang lalaki.

Umalulong ng ubod na lakas ang mga aso sa paligid. Kasunod niyon ang mga tumatakbong paa at pagkukutkot sa kahoy na pinto at bintana.

“Babalik ako.” #

Kwentong Hukay Book 2 (Completed)Onde histórias criam vida. Descubra agora